Nagluluksa ang Philippine fashion industry dahil sa pagpanaw ng veteran fashion designer na si Christian Espiritu.
Binawian ng buhay si Christian noong Araw ng mga Ama, June 18, 2023. Siya ay 89.
Read: 11 Legendary Filipino Fashion Designers of Old Manila
Bumuhos ang pakikiramay para sa mga naulila ni Christian, na isa sa mga paboritong fashion designer ni Imelda Marcos noong First Lady ito ng bansa.
Nakilala si Christian dahil sa kanyang mga nakamamanghang terno o Filipiniana attire na madalas na isinusuot ni Imelda sa pagbisita nito sa iba’t ibang bansa noong dekada ’70.

Naging bahagi rin ng Philippine movie industry si Christian dahil siya ang sumulat ng kuwento at direktor ng Alaga, ang launching movie ni Edu Manzano na produksiyon ng Bancom Audivision at ipinalabas sa mga sinehan noong October 24, 1980.

Matapos gumawa ng pelikula, naging costume designer at fashion consultant si Christian para sa mga pelikula ng direktor na si Danny Zialcita, gaya ng Gaano Kadalas ang Minsan (1982), Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi (1983), at To Love Again (1983).
Nangyari ang cremation sa mga labi ni Christian kahapon, June 19.
Kasalukuyang nakalagak ang kanyang cremated remains sa Narra Chapel ng La Funeraria Paz sa Sucat, Parañaque City.
Hindi pa nagbibigay ng impormasyon ang naulilang pamilya ni Christian sa araw ng inurment ng nasawi.