Halos puno ang Tanghalang Ignacio Gimenez (TIG) o CCP Black Box Theater noong Hunyo 14, 2023, Miyerkules ng 8 p.m., para sa pagtatanghal ng Set C ng Virgin Labfest 18: Hitik.
Nasa Set C: Y.O.L.O ng VLF18 ang mga dulang Mga Halimaw Rin Kami (akda ni Jules Pamisa, idinirek ni Josey Rex “Tat” Soriano), Room 209 (akda ni Zheg Arban, idinirek ni Delphine Buencamino), at Hukay (akda ni Ophalain Margaux Serrano, idinirek ni Melvin Lee).
Masigabo ang palakpakan ng mga manonood sa tatlong dula. Marami-rami ang tumayo habang pumapalakpak, at may mga humihiyaw pa.
Kabilang sa audience noong gabing iyon sina Janice de Belen, Janine Gutierrez, Christian Bables, John “Sweet” Lapus, at ang magkasintahang Elijah Canlas at Miles Ocampo.

(From left) Tart Carlos, Floyd Tena, Christian Bables, Janice de Belen, Janine Gutierrez, Andoy Ranay, Erick Salud, and Candy Pangilinan
Present din sina Candy Pangilinan, Ronald Arguelles, Senedy Que, Jerom Canlas, Noel Comia Jr., Che Ramos Cosio, Phi Palmos, Tart Carlos, Rico Gonzales, at Direk Erick Salud.

Miles Ocampo and Elijah Canlas
MGA HALIMAW RIN KAMI
Balitaktakan ng sinaunang Aswang (Chrome Cosio) at bagong Manananggal (Skyzx Labastilla) ang Mga Halimaw Rin Kami.
Ang pagkain ng Aswang ay galing sa morgue. Ang Manananggal ay gutom dahil hindi na lumalabas ang mga tao sa barangay dahil sa takot matokhang.
May Vivamax moment ang Aswang at ang Manananggal. Sa may sukdulan ng dula lumabas ang Tambay (John Ven Soco) na tinutugis ng Pulis (Paul Jake Paule).

Maituturing na Reyna ng VLF si Skyzx sa dami ng dulang nilabasan niya all these years. Hindi niya bilang kung ilang VLF presentations ang nilabasan niya, pero may taon na tampok siya sa dalawang palabas.
Nang mag-VLF si Bembol Roco noon ay kasama rin siya sa dalawang dula. Itong Mga Halimaw Rin Kami ang swan song ni Skyzx sa VLF. Sa susunod na buwan ay lilipad na siya pa-San Diego, California, USA at doon na maninirahan.
Bumilib si Christian Bables kay Skyzx. Lumapit si Christian at nagpakilala sa aktres.

Skyzx Labastilla and Christian Bables
Ayaw tanggapin ni Skyzx na siya ang Reyna ng VLF. Aniya, ang ka-partner niya sa dula na si Chrome ay labingwalong (18) taon nang umaarte sa VLF. Walang paltos! Taun-taon ay nasa VLF si Chrome.

Chrome Cosio (center) with entertainment writers Jocelyn Dimaculangan, Mell Navarro, Allan Diones, and Jerry Olea
ROOM 209
Slow burn ang Room 209, na ang kuwento ay inspired ng hazing o culture of violence sa Philippine Military Academy.
Baguhang kadete sa PMA si Anghelo Perez (Jao Catarus). Nasa academy ang kanyang kuya na si Captain Anthony Perez (Gino Ramirez).
Nang magka-“migraine” si Anghelo sanhi ng intense training ay humugot siya ng lakas sa kanyang ina. Nami-miss ni Anghelo ang spaghetti nito na paborito niya.
Sundalo at PMA graduate ang ama nina Anghelo at Captain Anthony.

Bagamat predictable ang pagkakalahad ng kuwento ay makadurog-puso pa rin ang wakas nito. Mahusay ang mga magkuya, pati na ang Koro na kinabilangan nina James Lanante, Earvin Estioco, CJ Barinaga, Denmark Brinces, at Raphne Catorce.
HUKAY
More or less ay 45 minutes ang running time ng karamihan sa mga one-act play ng VLF. Itong Hukay ay tinatayang 22 minuto lamang, sakto sa kilig ng “nakaw na halik.”
May bahid ng Brokeback Mountain ang Hukay. Swak sa pagdiriwang ng Pride Month.

Naghuhukay ang 50-anyos na si Noel (Andoy Ranay) ng paglilibingan para sa namatay niyang kabayo. Pinuntahan siya ng kaibigan niyang pulis na Rico (Floyd Tena).
Nagbalik-tanaw sila sa araw na isinilang ang kabayo tatlumpong taon na ang nakalipas.

SET A: ADULTING 101
Maseselan ang mga tema sa Set A ng VLF18. Pang-adults.
Sa O (akda ni Raymund Barcelon, idinirek ni Missy Maramara), nakipag-break si Astrid (Aryn Cristoba) sa fiancé niyang si Oliver (Juan Carlos Galano). Hindi kasi nalalasap ni Astrid ang sukdulan sa pagniniig nila ni Oliver.

Sa 10 To Midnight (akda ni Juliene Mendoza, idinirek ni Sarah Facuri), bago maghating-gabi ay dinalaw si Billy (Jerome Dawis) ng kuya niyang si Bien (Bombi Plata). Adik si Bien at nanghihingi ng pera.
Napakalayo ng kuwento nito sa 1983 crime thriller film ni Charles Bronson na kapareho ang pamagat.

Sa Regine: The Fairy Gaymother (akda ni Chuck Smith, idinirek ni Mark Daniel Dalacat), ang klosetang si Diego (Andrian Lindayag) ay binisita ng kanyang bonggang-bonggang fairy godmother na si Regine (Anton Diva).
For sure, mapapahagalpak ang Asia’s Songbird sa dulang ito.

SET D: MUWANG
Makasaysayan, nagpapamulat, mapagpalaya. Wagas ang mga hinaing at hinagpis sa Set D.
Sa Hawaii, Here We Come (akda ni Apilado, idinirek ni Mark Mirando), tila bitbit ang mga maleta ng pelikulang Maid in Malacañang.

Tampok dito sina Gem Padilla-Thomas, Madeleine Nicolas, Sheryll Villamor Ceasico, Victor Sy, Brylle Parzuelo, at Aira Igarta.
Sa Ang Tuyom (akda ni Marjay Manalastas, idinirek ni Gio Potes), ang kahulugan ay hindi mahawakan. Ilalahad ang kuwento sa tunog, sa larawan, sa amoy, sa pandama, at sa lasa ng kahungkagan.
Nasa cast nito sina Jude Matthew Servilla, Zoe de Ocampo, Opaline Santos, Serena Magiliw, at Fred Layno.

Sa O’Donnell (akda ni Jerry O’Hara, idinirek ni Issa Manalo Lopez), hinimay ang kuwento ng mga ordinaryong sundalo sa Bataan Death March.
Bida rito sina Aldo Vencilao, Miguel de los Santos, Eshei Mesina, Joel Garcia, Ekis Gimenez, at Johnny Maglinao.

