Mahihinuhang positibo ang pagtanggap kay John Lloyd Cruz, 39, ng pamilya ng kanyang nobyang si Isabel Santos, 33.
Si Isabel ay isang Filipino artist at anak ng artist-gallery owner na si Soler Santos. Ang ina ni Isabel na si Mona Santos ay isa ring artist. Ama ni Soler ang tanyag na yumaong Filipino cartoonist/illustrator/painter na si Mauro "Malang" Santos.
READ: Who is Isabel Santos?
Sa kanyang Instagram post kagabi, June 13, 2023, ipinasilip ni Isabel ang simpleng pagdiriwang niya ng ika-33 kaarawan kasama ang kanyang mga magulang at kapatid na si Luis.
Naroon din si John Lloyd at anak ng aktor na si Elias. Nagsalu-salo sila sa isang restaurant.
Ipinakita rin ni Isabel ang litrato ng bonding niya kasama sina John Lloyd at Elias sa isang bahay kunsaan naroon din ang beloved pets ng dalaga.
"My Christmas in June," simpleng caption ni Isabel.

Hindi ito ang unang pagkakataong naka-bonding ni Isabel ang anak ni John Lloyd, dahil noon pa man ay nagbabahagi na siya ng mga litrato ng mga pamamasyal nilang tatlo.
Isinasama ni John Lloyd ang anak kapag nagpupunta sila ng El Nido, Batangas, at iba pang lugar.
Ramdam ang saya ni Isabel base na rin sa quote na ibinahagi niya sa kanyang post tungkol sa pasasalamat sa buhay na mayroon siya.


JOHN LLOYD-ISABEL SANTOS RELATIONSHIP
Higit-kumulang dalawang taon na ang nakalipas mula nang unang mapabalita ang ugnayan nina John Lloyd at Isabel.
Hindi ito tahasang binabanggit ni John Lloyd sa mga pagkakataong nakakapanayam siya ng press.
Pero kalaunan ay nakumpirma ang relasyon ng dalawa dahil sa consistent na pagsasama nila sa iba-ibang okasyon, base na rin sa IG posts ni Isabel.
Minsan na ring bumisita si Isabel sa set ng Happy 2GetHer, ang blocktimer sitcom na pinagbibidahan ni John Lloyd at umeere sa GMA-7.
READ: John Lloyd Cruz kisses Isabel Santos in front of Happy ToGetHer co-stars
ELLEN ADARNA ON JOHN LLOYD-ISABEL
Si Ellen Adarna, na ex-girlfriend ni John Lloyd at ina ni Elias, ay positibo ang komento sa relasyon nina John Lloyd at Isabel.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinabi ni Ellen na nakilala na niya si Isabel dahil kasama ito ni John Lloyd pag sinusundo si Elias.
Hiling ni Ellen na maging maganda ang relasyon ng couple para makagisnan daw ni Elias kung paano ang harmonious relationship.
Siniguro rin ni Ellen na maganda ang co-parenting set-up nila ni John Lloyd.
READ: Ellen Adarna speaks about meeting John Lloyd Cruz's girlfriend Isabel Santos
