Hindi akalain ni Joey de Leon na ang simpleng titulong naisip niya may apat na dekada na ang nakararaan ay pag-aagawan at pag-aawayan ngayon—ang Eat Bulaga!.
Ito ang sentimyento ni Joey, na idinaan niya sa tila isang tula, sa kanyang Instagram account kahapon, June 11, 2023.
Ayon sa beteranong TV host-comedian, matagal-tagal na panahon bago naging household name at kinasanayan ng tao ang noontime show na Eat Bulaga!.
Ngunit, matapos ang apatnapu’t apat na taon, may mga puwersa raw na nais itong angkinin.
Buong post ni Joey: “Noong maisip, binuo at imungkahi ko ang pangalang “EAT BULAGA!” para sa aming palabas nung 1979, naramdaman kong kahit ito ang napili at tinanggap ng marami sa namumuno, matagal-tagal ding ninamnam ito hanggang sa tumining; wari bang isang aampunin na may kaibang tunog at kaiba sa paningin.
“Tila ba kailangan mong masanay lunukin.
“Aakalain ba nyong makalipas ang 44 na taon o halos LIMANG DEKADA, ang pangalang ito ay pag-aawayan, pag-aagawan at marami ang nais na umangkin?!”
View this post on Instagram
WHO REALLY OWNS 'EAT BULAGA!'?
Mainit ngayon ang usapin tungkol kung sino ba talaga ang may karapatang gumamit ng tardemark na Eat Bulaga!—ang titulo ng longest-running noontime show sa bansa.
Sa pagkalas nina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey, at lahat ng co-hosts ng noontime show sa Television and Production Exponents (TAPE) Inc., producer ng Eat Bulaga!, samu’t saring opinyon ang lumalabas tungkol dito.
Read: TAPE Inc. issues statement on Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon's departure
Pero sa malalimang pagsasaliksik ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ang tunay na makakasagot dito ay ang Intellectual Property Office of the Philippines (IPO-PHL).
Parehong nag-apply ng pagmamay-ari ng "Eat Bulaga!" trademark ang kampo nina Tito, Vic, Joey, Mr. Tony Tuviera, at ang TAPE upang mapasakanila ang legal ownership nito.
Si Tony Tuviera o Antonio Tuviera, aka Tony o Mr. T, ang dating TAPE President at CEO.
Sabi ni Tito sa eksklusibong panayam ng PEP.ph noong June 1, 2023, "Nag-apply kami ng Section 41 ng IPO. Ano ang Section 41? Entertainment Services.
"Wala ang TAPE nun. Meron ang TAPE, merchandising, goods. Yan ang mayroon sila na ipinayl nila.
"The truth is they filed for ownership of the logo of Eat Bulaga! for goods.
"They filed—pero in bad faith. Bakit? E, kami nag-umpisa ng Eat Bulaga!, 1979!
"Wala naman sila, e. Paano naging sila owner? Di ba? Ang tingin siyempre ngayon, ang tingin legally, ang tingin diyan—they registered in bad faith.
"Dapat sinama nila kami. O, kaya kami, nag-file kami ngayon ng separate namin.
"Yan ang background nun."
Very confident daw si Tito na maigagawad sa kanila ang trademark.
Pahayag ni Tito: "I'm sure. I'm very confident. So, sinasabi ng mga lawyers namin, they’re very confident na we will get it.
"Kami nag-imbento, e. Look at the [trademark] law. Look at the laws, the Supreme Court jurisprudence on these kind of issues. It's always, the inventor is the owner—unless you give it up."
Read: Tito Sotto claims TVJ owns Eat Bulaga! trademark
PRODUCERS INSIST TAPE OWNS 'EAT BULAGA!'
Nanindigan naman ang magkapatid na Jon Jalosjos at Bullet Jalosjos na ang TAPE Inc. ang nagmamay-ari ng Eat Bulaga! trademark.
Humarap sa PEP.ph noong June 3, 2023, si Jon, President at Chief Executive Officer ng TAPE, at ang nakababata niyang kapatid na Bullet, Chief Finance Officer ng kumpanya.
Mga anak sila ni Romy Jalosjos Sr., Chairman at majority shareholder (75 percent) ng TAPE.
Ang trademark na Eat Bulaga! ay isang matinding isyung inilalaban ng TVJ.
Pero, hindi nagpapatinag ang magkapatid sa deklarasyon nina Tito, Vic, at Joey na sila ang rightful owner ng Eat Bulaga!.
Pahayag ni Jon sa PEP.ph, "So, ito lang, simple. Ang legal stand namin, we have the papers to prove that we own Eat Bulaga! for 44 years. Dapat sila, nag-claim noon pa. Why now?"
Ipinakita nina Jon at Bullet sa PEP.ph ang original copy ng mga logo na nakapangalan sa TAPE at nakarehistro sa Intellectual Property Office (IPO): Eat Bulaga!, EB, at Eat Bulaga and EB.
Read: Jalosjos brothers on trademark war: "We have the papers to prove we own Eat Bulaga!"
WIPO RECORDS
Makikita sa website ng World Intellectual Property Organization (WIPO) ang detalye ng trademark na Eat Bulaga!. Ito ay nakarehistro sa Intellectual Property Office of The Philippines (IPO).
Sa records ng WIPO, ang Eat Bulaga! trademark—na nakapaloob sa "Trademark Class 16, 18, 21, 25" — ay nakarehistrong pagmamay-ari ng Television and Production Exponents Incorporated o TAPE.
Makikita sa kanilang rehistro ang "Class 16, 18, 21, 25"—na kasalukuyang nakarehistro sa pangalan nito—ay may kinalaman din sa "paper, leather, household utensils, at clothing/footwear/headger" respectively.
Ito ay nakatakdang mag-expire, ayon pa rin sa WIPO records, sa "June 14, 2023."
Makikita rin sa WIPO records na nag-apply si Tony for ownership ng 'Eat Bulaga!' trademark— sa "Trademark Class 16, 18, 21, 25, 41" — noong "February 27, 2023."
Ang "Class 41" sa application nito ay may kinalaman sa trademark para sa "entertainment services."
Gayundin sa application ni Joey na meron ding "Class 41."
Ipinakita rin ni Tito ang aplikasyon nilang apat nina Joey, Vic, at Mr. Tuviera ang tungkol sa "Trademark Class 41."
Pending ang status ng application.
Read: TVJ & Tony Tuviera applied as one group for Eat Bulaga! trademark
"CASE IS NOW PENDING"
Ayon naman kay IPO-PHL director-general Atty. Rowel Barba, sa ulat ng The Daily Tribune noong June 4, 2023, hindi pa siya makapagkomento tungkol sa aplikasyon kaugnay ng Eat Bulaga! trademark dahil pinag-aaralan pa ito ng kanilang adjudication officer.
Aniya, “Case is now pending so we cannot comment. A sub judice rule (is in effect). Magkakaron ng hearings pa yan before our adjudication officer can decide. Let us wait for the decision on the case."
Samantala, pitong araw nang umeere nang live ang Eat Bulaga! kung saan ang mga tumatayong bagong hosts nito ay sina Paolo Contis, Buboy Villar, Betong Sumaya, ang kambal na sina Cassy and Mavy Legaspi, at Alexa Miro.
Read: Paolo Contis, Betong Sumaya, Buboy Villar are the new 'Eat Bulaga!' hosts
