Dahil ipinagdiriwang ang Pride Month ngayong Hunyo, naging mas makabuluhan para sa isang proud member ng LGBTQ community ang tinatamasa niyang tagumpay sa larangan ng digital marketing.
Bilang dating aktor, model at TV host, si IC Mendoza ay isa sa mga well-loved personalities sa local showbiz industry. Siya ay apo ng batikang talk show host at namayapang Queen of Intrigues na si Inday Badiday.
Matatandaan siya bilang isa sa mga hosts ng showbiz talk show na Juicy, na umere sa TV5 mula 2008 hanggang 2012. Kasama niya noon bilang co-hosts sina Alex Gonzaga, Cristy Fermin at ang yumaong komedyanteng si Shalala.
Mula sa kanyang showbiz roots, tumatayo na si IC ngayong bilang isa sa founder, chief executive officer at Head of Talent Strategy ng In Circle Inc., isang ahensya na nakapokus sa digital content ng mga kilalang kumpanya sa bansa.
Aminado si IC na malaking tulong sa kanya ang background at clout na nabuo niya sa showbiz kaya't unti-unti niyang narating ang kinaroroonan ngayon sa In Circle, at sa marketing world in general.
Ekslusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si IC kamakailan sa Tipsy Pig BGC.
Panimula niyang lahad, "Okay naman ako, I'm very busy right now, I'm busy with our agency, In Circle.
“Agency siya nung una nung 2019, yun talaga yung direction but I guess because of my background in showbiz, yung mga clients namin, hinahanap yung showbiz connections ko, kaya siya naging full-blown marketing agency here in the Philippines.
“We're essentially a data-driven management agency that drives in the intersection between brands and content creators. Nag-start kami dalawa lang kami, tatlo lang kami, ngayon fifty plus na yung tao."
Ayon kay IC, sa tulong ng kanyang co-founder na si Jules Veloso, maraming naglalakihang brands sa bansa ang nagtitiwala at naging kliyente nila.
Kuwento pa niya, "Mayroon akong co-founder, si Jules Veloso. I lead the talent management department pero essentially, ang sine-service naming mga brands, we have Grab, CDO food spheres, Colgate Palmolive, tapos mayroon kaming Spotify, Huawei, SM and BPI. Yun ang mga main, pero we work with parang 100 plus brands na.
"On paper, 2019 talaga yung In Circle pero yung PR company, nag-start siya 2014 pa, actually. Parang pinagsabay ko siya with showbiz."
WORKING WITH CONTENT CREATORS
Kinatutuwa din ni IC na ang In Circle ay nakakatulong din ng malaki sa mga baguhang content creators na gustong kumita at makilala din sa digital world.
Masaya niyang pahayag, "Sobrang different from what I used to, magandang ano dun yung life after showbiz.
“Parang ano siya, we build beneath connections, marami kaming opportunities na naibibigay di lang sa mga employees namin but also sa mga content creators.
“Kasi now, ang dami din naming nagtatrabaho na content creators na nag-start sa digital.
“From the biggest celebrities hanggang sa 1,000 lang ang following.
“Mayroon kaming trabaho na binibigay to everyone. We manage mga creators na nagsimula sa TikTok na parang ngayon, milyon na kumita. We also build strategies for brands."
Ilo-launch din ang Hey Roomie app para naman sa mga fandoms ng mga sikat na artista, singers at loveteams.
Dagdag niya, "It's an app that we built to empower fan communities, mga fandoms. Marami kaming mga fandoms na hina-house like DonBelle, Popsters, FranSeth, and may mga ibang inter-space like mga fans ng Star Wars.
“Then, we also have rooms for content creators, mga taong parang 2,000 ang following. They are real people talaga with real influence. Pag mayroon kaming campaign for a certain brand, mag-a-activate lang kami dun, ‘Sino ang gustong sumali sa campaign?’
“Doon namin aanuhin yung job orders, it's very automated. We can activate mga 1,000, 2,000 nang sabay-sabay."
"Stinart namin yun because of the success of In Circle. Two years naming siyang dine-develop, as in pine-perfect. Never-ending process naman siya, yan ang baby ng In Circle.
“Siyempre we want to venture into tech, we want to future-proof lahat ng mga bagay-bagay.
“Very important yun sa business namin, we need to innovate. Lahat naman ng industry nag-i-innovate, that's something we're very proud off. We’re gonna launch it na bonggang-bongga.
DOES IC MISS SHOWBIZ LIFE?
Tinanong namin si IC kung nami-miss ba niya ang showbiz, gaya ng ibang artista na kahit tinalikuran na ang industriya ay bumabalik pa rin kinalaunan.
Mabilis niyang pag-amin, "Hindi. Nung time ko kasi noon, sobrang nag-enjoy ako sa showbiz, pero nung time talaga na wala nang mga offers, nawala yung talk shows, sabi ko what is next for me?
“Ano ang gagawin ko sa buhay ko after showbiz? I was thinking back to school pero, of course, marketing talaga, kasi yan naman ang ginagawa ko even during my life in showbiz.
“We started the company, kami nga nung partner ko. Nagsimula siya nung raket nga nung una, kaunting brands, dumating sa point, as in nakakatuwa kasi multi-agency siya.
"In fairness, di ko na-miss ang showbiz pero I think yung network and connections na nakuha ko sa showbiz, ina-apply ko ngayon with my business."
IC LEARNS TO MANAGE HIS FINANCES BETTER
Kung ang ibang mga negosyo ay naapektuhan ng sobra ng pandemiya dulot ng Covid-19, ito naman ang panahong pumatok ang mga negosyong may kinalaman sa digital marketing, gaya nga ng In Circle.
Saad niya, "Especially during pandemic, nag-thrive talaga ang business namin coz I think the marketing budget of the brands, sa digital na nilagay."
Sa ngayon, aminado si IC na bukod sa mas stable ang financial status niya, mas alam na niya ngayon kung paano i-manage nang mas maayos ang kanyang kinikita.
"Okay naman ang showbiz pero bata pa ako nun, di pa ako masyadong magaling with money. I think important ngayon running a business, working with people na sobrang galing with finance, dun ako natuto talaga.
“Para na akong accountant gumalaw ngayon, ma-ano na ako with numbers talaga. Nung showbiz days ko, di ko napag-aralan ang finances, di ko napag-aralan ang taxation, pero ngayon mas naintindihan ko siya.
“Dati kasi talaga, di ako nakaka-ipon. Actually, meron naman, like nakabili ako ng kotse, pero mas marami siguro akong naipon kung mas magaling ako sa pera.
“Pero I guess may na-invest naman ako kasi nakapagpatayo ako ng business."
IC NOT YET KEEN ON HAVING KIDS
Nauuso sa mga ilang mga LGBTQ couples ang in-vitro fertilization gaya ng ginawa ng businessman na si Joel Cruz. Napabalita pa ngang humingi pa ng payo si Vice Ganda sa kanya tungkol dito. May plano ba si IC na magkaanak sa ganitong paraan?
Paliwanag niya, "Number one kasi, ang mahal.
“Di naman ako kasing yaman ni Meme Vice at ni Joel Cruz.
“At the same time, ang daming mga anak na walang magulang, so I'd rather be a parent to those who are in need, if ever na dumating sa point na magiging parent ako.
“Actually, di ko naiisip ang magkaanak. Wala pa siya sa radar ko.
"Siguro someday, like late forties, but not anytime soon."
IC HAPPY WITH CURRENT RELATIONSHIP
Sa ngayon ay masaya at kuntento si IC sa dalawang taong relasyon ng kasintahan niyang si Rick Antoni Parco Tropicales.
Pagpapasalamat niya, "Okay naman, sabi ko nga pag sinuwerte ka naman talaga.
“Kasi there was a time nung 20s ko, wala akong show, wala akong trabaho, tapos wala akong dyowa, shucks ano ang gagawin ko?
“Tapos, nangyari ang lahat, dun ko naisip, ‘aah, kaya pala! grinoom lang ako ni Lord para sa mga magagandang nangyayari sa buhay ko.’
“I hope na ganun talaga. I guess ito na ang love of my life na masasabi ko. Dami ko naman naging dyowa, pero ito ang pinakamatindi at pinakatotoo."
"Bliss, ang saya-saya ko lang, ang saya sa career, ang saya sa lovelife. Sabi ko nga, ‘Lord, parang sobra kang mabait sa akin, ang daming blessings. Nakakatakot.’”
IC ON SAME-SEX MARRIAGE
Hiningan din namin si IC kung aprubado ba siya sa pinaglalaban ng ibang kapatid niya sa LGBTQ community na same-sex marriage.
Aniya, "I would like to have the same privilege as any straight couple na if I love someone and loyal ako sa kanya, I would like to shout it out to the world, I would like to have the same rights.
“Gusto ko siyempre, pag nagkasakit siya, I will take good care of him. It's something na ipaglalaban ko rin, pero feeling ko di ko siya maabutan in my lifetime, kasi as much as I want to, we are still a conservative Catholic country.
“Siguro the best that we can get is same-sex union, nandun pa rin ang karapatan. Ako, I want to get married, pero dito sa Pilipinas I don't think so.
“Nasa SOGIE pa nga lang tayo, we're on our way pero it's a slow fight."
Ang tinutukoy ni IC ay ang Sexual Orientation and Gender Identity Expression Equality (SOGIE) bill, also known as the Anti-Discrimination Bill.
“Thankful naman ako na maraming LGBT champions here in the Philippines. Una na diyan sila Meme Vice, Tito Boy and every digital creator na pinaglalaban ang karapatan natin," pangwakas niyang pahayag.
