PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Phillip Salvador pays tribute to late mentor Lino Brocka

"Walang Phillip Salvador kung walang Lino Brocka."
by Jojo Gabinete
Published May 22, 2023
lino brocka phillip salvador
Phillip Salvador (right) on late director Lino Brocka (left): “Si Lino lang ang nagtiwala sa akin na makakaarte ako. He’s really my mentor. He molded me to become a good actor, if I may say. Siguro good naman ako kahit papaano."

Kasabay ng ika-32 anibersaryo ng pagkamatay ng National Artsit for Film na si Lino Brocka ngayong Lunes, May 22, 2023, nagbigay-pugay sa yumaong direktor ang isa sa kanyang protégé na si Phillip Salvador.

"Lino, of course, was one of the best directors. Walang Phillip Salvador kung walang Lino Brocka."

Ito ang pahayag ng multi-awarded actor nang makausap siya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa araw ng paggunita ng anibersaryo ng kamatayan ni Lino ngayong araw.

Si Lino ang nakatuklas sa talento sa pag-arte ni Phillip, at instrumento sa malaking pagbabago sa buhay niya.

Lahad ng award-winning actor, “Si Lino ang kauna-unahang inimbitahan sa Cannes Film Festival dahil ang films niya ang gustong dalhin sa Cannes noon.

“Kami yata ni Amy Austria ang unang mga Pilipinong artista na nagpunta sa Cannes para sa Jaguar."

jaguar in cannes 1980

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Phillip Salvador, Amy Austria, and Lino Brocka at Cannes

Ang Jaguar ay kabilang sa In Competition films sa Cannes Film Festival noong 1980.

phillip salvador jaguar

Pagpapatuloy ni Phillip, "Yun ang kauna-unahang blessing na nakuha ko sa Philippine movie industry kasi I was discovered by Lino and he gave me my biggest break.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Si Lino lang ang nagtiwala sa akin na makakaarte ako. He’s really my mentor.

"He molded me to become a good actor, if I may say. Siguro good naman ako kahit papaano."

HOW PHILLIP MET BROCKA

May nakakatawang anekdota si Phillip tungkol sa unang pagkakataong nagkakilala sila ni Lino noong 1975.

“Na-discover ako ni Lino sa documentary film ng Seven Directors noong 1975. Yung sa kanya, yung GomBurZa ang project niya.

“I played the captain of the guards na umaresto sa tatlong pari.

“Napansin lang ako ni Lino dahil sa paglalakad ko. At the time, wala sa isip ko na maging artista.

“Gusto ko lang maging si Fernando Poe Jr. dahil player ako noon ng FPJ basketball team niya. Walang biro, idol na idol ko kasi si FPJ.

“Inirekomenda ako ni Direk Augusto 'Augie' Salvador kay Lino Brocka dahil magkaibigan sila. Movie editor siya ni Lino na naghahanap noon ng puwedeng kawal na mestiso.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

“Sabi ni Kuya Augie, ‘Si Phillip Salvador, si Ipe.’

“Sabi ni Lino, ‘Si Phillip Salvador? Is he the guy I saw at the basketball court?’

“Pinabigyan ako ni Lino ng call slip. Pero first shooting day, hindi ako dumating sa set sa Manila Cathedral sa Intramuros dahil wala akong pamasahe.

"Nakatira ako noon sa Bacood, Sta. Mesa. Walang-wala ako noon.

“Galit na galit si Lino. Sabi niya, ‘Oh my God! Where’s Augie? I need to talk to him!’

“Galit na galit si Lino dahil na-pack up ang shooting niya dahil sa akin. So, si Kuya Augie, hinanap ako.

“'Ipe, ano ba naman yung ginawa mo? Ipinapahiya mo ako.'

“Sabi ko, 'Kuya, sorry. Wala akong pamasahe, e.'

“So, binigyan niya ako ng ten pesos para pamasahe ko sa next shooting day.

“In-explain ni Kuya Augie kay Lino kung bakit hindi ako nakarating sa shooting. Imbes na magalit si Lino, natawa siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Nang magkita kami, nag-apologize na ako agad, ‘Direk, sorry po. Wala po kasi akong pamasahe.’

“Sabi niya, ‘No! No! It’s okay. I already spoke with Augie.’ Inglesero kasi si Lino."

Pagpapatuloy ni Phillip: “So, pinapili niya ako ng costume na kakasya sa akin at pinagbihis na niya ako.

“Tinanong ko, ‘Ano po ang gagawin ko?’

"'Maglalakad ka lang tapos una ang camera sa yo, dolly shot ako. Maglalakad ka papasok ng simbahan. Pagpasok mo sa simbahan, maglalakad ka pa rin. Hinahanap mo yung mga pari para arestuhin.’

“Ang eksena, sasabihin ko sa mga pari, arestuhin sila, tapos sasabihin ko kung bakit sila aarestuhin. Babasahin ko ang dialogue ko mula sa Manila paper na parang teleprompter ko.

“Anak ng puta, maniniwala ka ba? Na-take seven ako dahil nanginginig ang kamay ko habang binabasa ko yung dialogue ko?

“Sabi ni Lino, ‘Phillip, relax. You’re already reading your lines.’

“Nag-sorry ako sa mga artista. Tapos nung breaktime, kumakain kami ng lunch, nilapitan ako ni Lino. Sabi niya, ‘Phillip, have you tried stage acting?’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“'Opo, sa Opera House po saka sa Clover Theater.'

“Sabi niya, ‘Phillip, I am talking about legitimate stage.’

“Sabi ko, 'Sorry po, wala akong experience sa ganyan.'

“Sabi niya, ‘Would you like to try?’

“Sabi ko, 'Baka hindi ko po kayanin yan. Gusto ko lang po, maging Fernando Poe Jr. Action.'

“'Ay ay ay,' sabi ni Lino. 'If I will offer you a role sa stageplay, will you accept?’

“'Direk, anong gagawin ko diyan?'

“Sabi niya, ‘Just trust me.’”

Read: Showbiz History: The great Lino Brocka questions MMFF 1977 winners; walks out in protest

A STRETCAR NAMED DESIRE STAGEPLAY

Ang Filipino adaptation ng classic stageplay na A Streetcar Named Desire ang stageplay na tinutukoy at inialok ni Lino kay Phillip.

Kinabukasan, sa shooting ng GomBurZa, ibinigay kay Phillip ang makapal na script ng A Streetcar Named Desire na agad niyang binasa.

“Nakita ko, ang kapal ng script. May Act 1, may Act 2, may Act 3.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Si Laurice Guillen as Blanche Dubois, si Chanda Romero ang Stella Kowalski.

“Nung tiningnan ko yung script, may bilog sa script ang pangalan ni Stanley Kowalski.

“Sabi ko, p*t*ng ina kako, hindi ako ito. Ang hahaba ng mga linya. Dalawang page, si Stanley lahat ang nagsasalita.

“Tinanong ko si Lino kasi baka ako naman yung supporting, yung role ni Mario O’Hara. Nagtanong ako, ‘Is this my role?’

“Sabi niya, ‘No! No! Naka-encircle ang role mo. You’re Stanley!’

“'Ay, Direk! Ayoko ito. Hindi ko po kaya.' Talagang nag-back out ako. Ayoko talaga!

“Inulit ni Lino sa akin, ‘No. Just trust me! You have a week to memorize and don’t just memorize your lines. You try to memorize the other character’s lines. I mean it kasi ang stageplay, kailangan nagpi-feed kayo sa isa’t isa para huwag makalimutan ang lines.’

“One week later, sa bahay ni Lino, nandoon sina Laurice, Chanda, Mario, Lorli Villanueva, Rene Hawkins, Mario O’Hara, saka mga stage actor. Ako lang ang bagito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Nung nag-reading na kami, hawak ko lang ang script ko pero hindi ko binubuksan. Alam ko yung lines ko, sumasagot ako sa reading namin, pero hindi ko binabasa ang script ko.

“Nagtitinginan na sina Mario, Laurice, Chanda. Biglang huminto si Laurice. Sabi niya, ‘Lino, can I talk to you? Ano bang pinapalabas niyang baguhan mong artista?’

“Parang nalalakasan si Laurice sa dating ko. Parang napakayabang ng dating ko.

“In-explain sa kanya ni Lino na, ‘Because I told him to memorize also your lines. He even knows your lines.’

“What!” ang reaksiyon daw ni Laurice.

“So, sabi ko, ‘Sorry po!’

“Natataranta ako dahil puro beteranong artista ang mga kasama ko, pero sharp talaga ang memory ko. Alam ko ang lahat ng lines nila.

“Si Mario, tawa nang tawa. Pero after that, minahal na ako ni Laurice. Parang magkakapatid na kami nang gawin namin yung play.

“Nung nagre-rehearse na kami sa Fort Santiago, naghahanap ako ng microphone.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Nagtanong ako kay Lino, ‘Walang microphone?’

“Sabi niya, ‘Excuse me. We don’t use microphone onstage. It’s projection! Projection of your voice!'”

chanda romero phillip salvador

SECOND STAGEPLAY

Ang Tagalog adaptation ng Cat On A Hot Tin Roof na may pamagat na Pusa sa Yerong Bubong ang pangalawang stageplay na ginawa ni Phillip sa direksiyon pa rin ni Lino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pinagbidahan nila ito ni Hilda Koronel, at itinanghal sa teatro ng Hotel Mirador noong 1978.

Muli, may isang karanasan si Phillip na hindi nito malilimutan dahil isinapuso at isinaisip niya ang mga itinuro sa kanya ni Lino.

Kuwento ni Phillip, “Si Hilda, may finals noon sa Maryknoll College tapos nagsu-shooting kami para sa Hayop sa Hayop, siya, ako at si Bembol Roco.

“Kasabay ng shooting ang rehearsals namin para sa Pusa sa Yerong Bubong.

“One week lang ang preparations namin. Siyempre sa utak ko, hindi na matanggal ang sinabi ni Lino na memorize your lines and memorize the lines of your co-actors.

“Noong actual show na, nablangko si Hilda sa middle ng performance namin, e, ang dami-daming tao na nanonood.

“So, nag-dialogue ako ng ‘O ngayon, bakit ayaw mo? Di ba sinabi mo ganito, ganyan!’

“Pak! Naalala ni Hilda ang sasabihin niya dahil nag-improvise nga ako. Kung ano yung dapat na sasabihin niyang linya na kanyang nalimutan, ako ang nagsalita. Kaya naalaala ni Hilda ang linya niya so nagtuluy-tuloy na kami.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

hayop sa hayop

Hanggang ngayon, dala-dala ni Phillip ang ugaling memoryado nito pati ang mga linya ng mga artistang nakakasama niya sa mga proyekto sa pelikula at telebisyon dahil sa mga itinuro ni Lino sa kanya.

“Dala-dala ko yon. Why? It’s not because I want them to feel that I am better than them or I’m above them.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“No! It’s to help to them,” paliwanag ni Phillip.

FIRST BEST ACTOR AWARD

Natanggap ni Phillip ang kauna-unahan niyang best actor award mula sa 7th Gawad Urian noong 1983 dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa Cain at Abel, ang pelikulang pinagbidahan nila ni Christopher de Leon noong 1982 at mula sa direksiyon ni Lino.

Nominado rin si Christopher para sa kategoryang pinakamahusay na aktor samantalang best director nominee si Lino na kapwa nila mentor at discoverer.

cain at abel poster

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ayon kay Phillip, “Si Boyet [Christopher], na-discover ni Lino sa isang gasoline station. Hindi niya alam na anak si Boyet nina Gil de Leon at Lilia Dizon.

"Si Bembol Roco, na-discover ni Lino sa loob ng rehab habang nagluluto siya.

“Ako, hindi alam ni Lino na anak ako ni Lou Salvador Sr. nang ma-discover niya ako,” sabi ni Phillip tungkol sa mga baguhang binigyan ni Lino ng malaking oportunidad na maging artista.

Kuwento pa niya, “Every time na may awards night na nominated ako, pinadadalo ako ni Lino.

“Nominated ako noon for best actor sa Gawad Urian, pareho kami ni Boyet na nominated. Si Mark Gil naman, nominated para sa Batch '81.

“Nominated din si Lino for best director sa Cain at Abel pero sinabi ko sa kanya na hindi na lang ako a-attend.

“Sabi niya, ‘Phillip, win or lose, you should go. You’re not me. Do you understand what I’m saying? You attend, you’re not Lino Brocka. Me, I can get away with it. Ikaw, bagito ka pa lang. Huwag kang ganyan!’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“So, attend ako, Urian yan, e. Nung tinawag ang pangalan ko na winner, hindi ako makatayo mula sa upuan ko.

“Itinatayo ako nina Ishmael Bernal, Mitch Valdes, at saka ni Ricky Lee. Sabi nila ‘You won! You won! Get your trophy!’"

Mula noong 1983 hanggang sa kasalukuyan, kinikilala ang husay ni Phillip sa pag-arte.

Sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino, sina Phillip, Christopher, at Eddie Garcia ang mga aktor na nakatanggap ng pinakamaraming parangal mula sa iba’t ibang award-giving bodies dahil sa kanilang mga hindi matatawarang galing sa pagbibigay-buhay sa iba’t ibang mga karakter.

Para kay Phillip, utang na loob niya ang lahat mula kay Lino dahil ito ang unang taong nagtiwala sa kanyang kakayahan bilang aktor kaya hindi siya maramot sa pagtuturo sa mga baguhang artista ng mga natutunan niya mula sa direktor na idineklarang National Artist for Film noong 1997.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Phillip Salvador (right) on late director Lino Brocka (left): “Si Lino lang ang nagtiwala sa akin na makakaarte ako. He’s really my mentor. He molded me to become a good actor, if I may say. Siguro good naman ako kahit papaano."
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results