Dalawampu’t isang (21) araw o tatlong linggo nang nangunguna ang Kapuso series na Maria Clara at Ibarra sa listahan ng Top 10 TV Shows in the Philippines Today ng Netflix.
Naghahari pa rin sa TV ratings ang teleseryeng FPJ’s Batang Quiapo na pinagbibidahan ng Hari ng Telebisyon na si Coco Martin.
Kasali ang beteranong aktor na si Lou Veloso sa dalawang palabas na iyan ng magkaibang TV network.
Tumatak ang karakter niya bilang Sir Torres sa Maria Clara at Ibarra, at nagulat ang iba na nasa FPJ’s Batang Quiapo na si “Sir Torres”!
“Siguro as an actor, napakasarap ng feeling!” bulalas ni Lou sa thanksgiving mediacon ng FPJ’s Batang Quiapo nitong Mayo 4, 2023, Huwebes, sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.
“And iyon naman ang trabaho natin. Kung maaari nga lang, hindi ka makilala as Lou Veloso. Ang makilala sa iyo ay iyong karakter na pino-portray mo.
“At happy naman ako, may blessing tayo na iyong mga sinasamahan ko ay nagna-number one!”
Ang kuwento ng teleseryeng Maria Clara at Ibarra ay reimagined mula sa mga nobela ni Dr. Jose P. Rizal na Noli Me Tangere (1887) at El Filibusterismo (1891).
FROM MARIA CLARA AT IBARRA TO FPJ'S BATANG QUIAPO
Paano siya napunta sa FPJ’s Batang Quiapo? Paano siya kinuha para sa role na Noy?
“Actually, nagsu-shoot pa kami ng Maria Clara at Ibarra, nasabihan na ako. Pero hindi pa nila sinasabi iyong title na Batang Quiapo,” pagtatapat ng beteranong aktor.
Iyong last two weeks ng Maria Clara at Ibarra, kasabay ng first two weeks ng FPJ’s Batang Quiapo kung saan co-director si Coco.
“Iyon lang ang masasabi ko na as an actor, fulfilling yun na naibibigay sa akin ay character roles na outside my personal life. Nakakasaya ng puso,” sambit ni Lou.
Naisip ba niyang magiging ganoon kalakas ang pagtanggap ng mga tao sa Maria Clara at Ibarra?
“Actually hindi, e. Yung mga ginagawa namin, parang hindi… dahil makaluma,” saad ni Lou.
First time makatrabaho ni Lou si Barbie Forteza sa Maria Clara at Ibarra, at bumilib siya rito.

Lou Veloso and Barbie Forteza in Maria Clara at Ibarra
“Napakagaling na bata! First day ng shooting namin, talagang nagulat din ako sa kanya,” pagsisiwalat ni Lou.
“Kasi wala namang drama yung aming pinag-uusapan. Pero pag kailangang umiyak, nakakaiyak! At pag nag-retake, iyak ulit!
“Sabi ko, ‘Napakagaling naman ng batang ito!’ E, ako’y tumagal na sa entablado, sa pelikula… pagkaisang iyak, hindi mo na mapaulit yung ginawa.
“Kaya sabi ko, magaling ang batang ito!”
Ano ang mensahe niya para sa mga nanonood ng Maria Clara at Ibarra sa Netflix?
“Maganda ring may palabas tayong ganito na nababalikan natin ang nakaraan,” matamang salaysay ng beteranong aktor.
“Hindi natin kailangang mapariwara ang mga nagsikap para sa bayan, sa kalayaan. So, magandang balikan.
“Na isa si Rizal, nagpakita nang mabago ang ugaling Pilipino. Maging aware tayo sa paligid, sa nangyayari sa bansa.
“At dito naman sa Batang Quiapo ay sumasalamin sa pangyayari at lugar ng nga ordinaryong tao na ang ikinabubuhay ay… hanapbuhay na konting kikitain, malaking kikitain.
“Pero ang lahat ng ito, pag tiningnan natin, mauuwi lahat sa wala kapag hindi mo sinamahan ng kabutihan at pagtingin mo sa kapwa.
“So, anumang yaman, anumang hirap, mawawalang lahat. At the end ay parang nasayang lang.”
Tumaas ba ang talent fee niya sa FPJ’s Batang Quiapo?
Mistulang umismid si Lou, “Hindi naman.”
ON WORKING WITH COCO MARTIN
Kasama si Lou sa launching movie ni Coco Martin na Masahista (2005) na idinirek ni Brillante Mendoza, ganoon din sa iba pang indie films ng aktor. Nakasama rin si Lou sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Kumusta ang Coco na nakasama niya noon kumpara sa ngayon?
“Malaki ang pagbabago dahil ngayon siya na mismo ang gumagawa ng teleserye, hindi katulad noon na may script kami,” tugon ni Lou.
“But napakalaki na rin ng mabuting pagbabago sa kanya as actor and artist.”

Charo Santos, Lou Veloso, and Coco Martin in FPJ's Batang Quiapo
Napatunayan niya ang pagiging generous ni Coco?
Napatango si Lou, “Napakaraming mga artista na gustong tumulong sa mga kasamahan natin but wala silang paraan, di ba?
“Ganun naman yun, e. Minsan kakulangan din. Gustung-gusto mong tulungan ang kapwa mo artista, pero kulang ka rin sa laman ng bulsa mo.
“But siguro yung blessing na ibinigay kay Coco ay naibabahagi niya doon para sa ating mga kasamahan.”
Nakaka-relate ang mga tao sa FPJ’s Batang Quiapo. Nakakakonek sa mga tauhan at kaganapan dito.
Pagmamatuwid ni Lou, “Sariwain natin ang buhay. Katulad ng ginagawa ni Direk Coco, hindi natin alam ang bukas.
“Maraming mangyayari at may mga pagbabago, at iyon ang istorya ng Batang Quiapo.
“Ang masarap kasi sa ginagawa po natin, lalo na kaming mga artista, ay sumasalamin kami sa mga ordinaryo nating mamamayan.
“Minsan kumakapit sa patalim, at minsan naman sa sariling diskarte sa buhay. At ano pa ba ang patutunguhan kundi ang kabutihan.”
COMMUNITY THEATER
Nagsimulang mag-artista si Lou sa entablado noong 1974. Pumalaot siya sa pelikula at telebisyon noong 1984.
Generous din si Lou sa pagbabahagi ng kanyang talent sa pamamagitan ng community theater niyang Tanghalang Sta. Ana, na nakabase sa Sta. Ana, Manila.
“Thirty-two years na ang aking community theater. May mga laboratory plays kami na maliliit, one-act, one-act,” pagbuntong-hininga ni Lou.
“Iyon ang pinagkakaabalahan ng mga bata. Meron na kaming theater sa Sta. Ana. Doon ipinapalabas.
“Maliit na theater, capacity of 100. So, nagpapalabas minsan ng mga laboratory, experimental plays…
“Pero siyempre, may edad na tayo, senior na ako. Minsan nakakapagod nang magturo, especially pag tuturuan mo, puro amateur.
“Parang nag-uumpisa ka ulit na ano. E, may edad na tayo.”
How old?
“Senior na!” sabi ni Lou, na tumangging sabihin ang eksaktong edad niya.
Naka-15 years na si Lou bilang konsehal ng Maynila. Nasa second term uli siya ngayon.
For the record, pinagkakakitaan ba niya ang kanyang community theater?
Mabilis na sagot ni Lou, “Ay! Wala. Passion ko lang iyon, na gusto kong mai-share sa kanila ang mga natutunan ko.
“Kasi, sinasabi ko nga sa kanila, ‘Hindi kayo lahat, magiging aktor. Pero magagamit ninyo yung pagiging artist kahit na kayo ay pamilyado, kahit na kayo ay empleyado.
“‘Dahil ang magiging trabaho nyo, mamahalin ninyo at magiging pulido.’”
