Inamin ng singer na si Gigi de Lana na malubha pa rin ang kalagayan ng kanyang ina na may stage four breast cancer.
Kaya mas iyon daw ang dinadalang problema ni Gigi kaysa pagkakaroon niya ng throat nodules.
Apat na taon na ring nilalabanan ng ina ang health condition nito.
Pahayag ng singer: "Mas iniisip ko yong mom ko kasi yong sa akin, puwede pang maagapan.
"To be honest, hindi ko na siya isu-sugarcoat, she’s not gonna be well.
"I don’t know when, pero at this moment of time, I’ll do my best to stay with her. Inaalagan ko siya.
"And lahat na nga ng gusto niyang kainin binibigay ko kasi sinabi na ng doktor na wala nang bawal sa kanya. She can eat whatever she wants, no limits."
Hindi na raw tumatalab ang simpleng pain reliever sa ina ni Gigi.
"So, kung gusto niyong malaman, sa gamot, nagmo-morphine siya. That’s three to four times a day.
"Now, hindi pa niya matanggap, e, pero ako, kailangan kong tanggapin," malungkot pero diretsong saad ng 27-year-old singer.
Dahil nagki-chemotherapy ang ina, nalalagas ang buhok nito. Kaya kahit sa maliit na paraan ay gusto raw maiparamdam ni Gigi sa ina na karamay niya ito nang magpaiksi siya ng buhok.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gigi sa SMDC Date Night, na ginanap sa SMX Convention Center, noong April 26, 2023.
Read: Gigi de Lana on having throat nodules: "I don't know if my voice will remain like this forever."
Read: Gigi de Lana reacts to "nagkasakit kasi puro sigaw" comment from bashers
GIGI DE LANA ON HER BASHERS
Isa pa sa mga pagsubok na pinagdadaanan ng singer ay ang mga basher.
Kamakailan ay naging mainit din ang isyu sa pagpapaseksi ni Gigi nang mag-perform siya sa Puerto Gallera.
Samu’t saring masasakit na salita ang natanggap niya sa social media dahil dun. Paano niya hina-handle ang bashers?
Ayon kay Gigi, "Minsan hindi ko sila pinapatulan, minsan kapag pumutok ka na, tao ka lang din kasi, e, kapag sumabog ka na, hindi mo na kaya kasi ilang beses ka nang nagbibigay.
"So, from time to time, pumapatol ako. Hindi ako nang-aapak ng tao kasi I don’t want that.
"I just want them to be aware of what’s happening, yong nako-cause nila sa utak ng mga artists and sa mga sinusuportahan nilang artists, kasi tao lang din kami like them.”
Pagkatapos ng interview ay may ibinulong sa amin si Gigi tungkol sa nagpapakalat ng mga paninira sa kanya. Sinabi nitong kilala raw niya ang taong nasa likod nito.
Tahimik lang daw muna siya ngayon.
WHO IS GIGI DE LANA?
Si Gigi ay nagkaroon ng break sa showbiz magmula nung sumali siya sa "Tawag Ng Tanghalan" singing contest ng It's Showtime.
Mayroon siyang bandang Gigi Vibes, at mas nakilala sila nang mag-viral ang livestream performances nila noong kasagsagan ng pandemya.
Maliban dito, nakagawa rin siya ng digital series katambal ang aktor na si Gerald Anderson ang Hello, Heart (2021-2022).