Co-producer si Alden Richards sa pelikulang Five Break-Ups And A Romance, kung saan katambal niya si Julia Montes.
Bakit si Julia ang napiling katambal ni Alden sa first movie na co-producer siya?
“Siyempre, Julia yun, e!” bulalas ng Asia’s Multimedia Star sa mediacon noong Abril 18, Martes sa B Hotel, Sct. Rallos St., Quezon City.
Dagdag ni Alden, “Di ba, sa buhay naman, hindi mo malalaman yung outcome unless you try? The only failure is not doing it.
"Di ba, sabi nga ng isang sneaker ad, ‘Just do it!’ So I think this is the right project. We have the right people behind the project. We have a very good script. So the only answer is, why not?”
ALDEN AND JULIA'S FIRST IMPRESSION OF EACH OTHER
Ano ang pagkakakilala nina Alden at Julia sa isa’t isa?
Sagot ni Alden, “Before working with Julia, alam mo yun, parang she seems to be a very strong woman, parang knows what she wants, parang may ganun akong impression of her.
“Pero ngayon, nung nakilala ko siya, parang with all those traits, pero sa mabuting paraan. So ganun talaga, e.
“You don’t really get to judge people unless you get to be with them, you get to work with them.
“And si Julia, yung unang meeting pa lang, masasabi ko nang madaling katrabaho. That’s what I told the team.
“Actually kahit sa team ko, sinasabi ko, nung first meeting namin, lalo akong na-e-excite everytime that we see each other for the movie.
“So may ganung vibe si Julia sa akin. That’s why ibinabalik ko lang sa kanya. And parang pag kasama ko si Julia, it feels like I can be my raw self.”
Pagsisiwalat naman ni Julia, “Sa akin, pag napapanood ko kasi siya, may vibe na siya sa akin na mabait talaga siya, e.
“Na-prove niya sa akin na yung ine-expect ko, more than. And kaya siya nandito ngayon as Alden Richards, because ganyan siya.
“Yung pagkatao niya… kasi, nakikita natin minsan sa interviews lang, kung ano lang yung nasasabi ng mga friends on cam…
“Yung real Alden kasi, yun ang hindi pa natin nakikita. Yun ang nakita ko naman, na-bless ako na na-share yun sa akin ni Alden.
“Dun ako na-amaze na kaya pala siya ganyan.”
ALDEN-JULIA LOVE TEAM?
Walang pressure na i-promote sila bilang magka-love team.
Mas gusto nilang i-highlight ng film.
“Tama na po siguro kami sa pressure. Kasi I think what we appreciate more of what happened since the pandemic, parang na-reset yung whole concept of film and kung ano yung mga contents na napapalabas sa movies and TV, and even sa platforms.
“So I think that gave us the freedom to venture into more ahhh parang different universe of storytelling.
“Kaya nga isa rin yun na parang like what I said...since I started, medyo masyadong safe yung mga ginagawa kong project.
“So this time, hindi ko sinasabing safe, but this is not my usual role. And same as with Juls [Julia's nickname] as well.
“Pressure? Hindi na po namin siya iniisip. Siguro sa tagal na rin po naming mga artista, parang it’s been part of the cycle kapag may bagong partnership.
“So what we really want to focus more on is really how to make the film beautiful. And enjoy the process, how are we gonna send a message with this film sa mga manonood po.”
ABOUT THE JULIA-ALDEN FILM
Ang Five Break-Ups And A Romance ay sa panulat direksiyon ni Irene Emma Villamor, na siyang director ng mga pelikula ni Bela Padilla na On Vodka, Beers, and Regrets (2020) at Meet Me in St. Gallen (2018).
Joint venture ito ng CS Studios, na pinamumunuan ng presidente ng Cornerstone Entertainment na si Erickson Raymundo, GMA Pictures, at ng multimedia production company ni Alden na Myriad.
Consultant sa project ang former Star Cinema managing director na si Malou N. Santos.
May nakunan nang heavy scenes si Direk Irene kina Lance (karakter ni Alden) at Justine (karakter ni Julia) sa unang dalawang araw ng shooting.
Sa mga susunod na shooting ay mas paiigtingin pa ni Direk Irene ang mga eksena, at mas isusulong ang mga hugot at emosyon.
Pagmumuwestra ni Julia, “Sa akin, personally, it’s really heavy. Kasi I’m the type of person po na ayokong inaano yung emotions. Kasi kapag na-hit yung emotions ko, talagang tuluy-tuloy. As in emotionally, sobra akong soft.
"So may ugali ako na—ang joke ko in real life—hindi ako iiyak pag hindi sa work. May ganun ako in real life!
“E, ito, work! So papaano? E, napi-feel mo yung bigat ng journey nung dalawa nang second day pa lang ng shoot. So parang…papaano ito? Papaano ito?! Pero super… eto, hindi po ito dahil nandito tayo at kaharap ka, 'Alden, Sobrang thankful ako dahil sobrang komportable natin. Malaking tulong talaga na na-push natin yung scene.'
“Kasi okay tayong dalawa as magkatrabaho. Kasi malaking bagay talaga na okay ka sa co-actor mo.
"Pag hindi kasi, ang hirap nung aarte kang mag-isa mo, kung papaano mo siya i-e-emote nang wala kang connection dun sa co-actor mo.
“So ito, lalo akong na-excite sa mga dadating kahit sinabi niyong one-next level pa. Mas exciting kasi it’s with them.”
Napangiti nang ubod tamis si Alden, “Di ba kasi usually pag gumagawa tayo ng pelikula, since very limited shooting days lang iyan, most of the time, chronological order siya, e.
“So, laking tulong din talaga na na-prepare kami nang maayos ni Direk. Na na-break namin yung maninipis na wall. I wouldn’t say makakapal.
“Kasi hindi ipinaramdam ni Julia sa akin yun, na may wall siya. So ahhh… with the heavy scenes that we made, parang na-appreciate ko nga rin yun, Direk.
“Hindi ko pa sinasabi sa iyo na, ‘At least from there,’ sabi ko last shoot, ‘matitimpla na namin yung prior scenes.’
“Kasi parang yung scene na yun, isa sa mga peak ng relationship. Yun ang isa sa mga confrontations. So alam na namin kung papaano titimplahin ang other scenes.
“Nakatulong din siya, Direk. Yun ang good side nun. Ginawa na namin yung break-in prior to shoot.
“Pero kasi kami… ako, malalaman kong nagawa ko yung scene nang maayos pag pagod na pagod ako. Pagod na pagod kami nung gabing yun! Binuhos naming lahat!
"Pinapahawak na kami ni Direk ng yelo para magising kami!"
Singit ni Direk Irene, "Napa-midnight snack!”
Susog pa ni Alden, “Masarap din siguro talaga pag kaibigan mo yung direktor saka yung co-actor.”
JULIA'S MOVIE COMEBACK
Taong 2015 ang huling mainstream project—ang Halik Sa Hangin—ni Julia.
May konting kaba pa ba siya sa paggawa ng Five Break-Ups And A Romance?
Pag-amin ni Julia, “Siyempre yung kaba, hindi po nawawala, lalo sa akin. Kahit anong project, yun ang hindi talaga nawawala.
“And siguro ito, matatawag ko talagang dream project. Hindi ko ine-expect na sa akin ipagkakatiwala yung role, and to be with Alden also, tapos with Direk Irene na hindi ko ine-expect makaka-work.
“Kasi I’m hopeless romantic kind of girl. So pag nanonood ako ng film, lagi kong iniisip, ‘What if kaya pine-play ko ang ganyang role?’ Laging ganun lang yung mindset ko.
"Hindi ko ine-expect na, eventually, time will come, ito pala yung year na yun na gagawa ako ng ganung klaseng film.”
Dahil romance movie ito, meron ba silang kissing scene? Nagtinginan muna sina Julia at Alden saka ngumiti nang mahiwaga bago halos sabay na sumagot, “Abangan!”
Napahagikgik si Julia na tila kilig na kilig.
Sambit ni Alden, “Abangan niyo na lang po. Kasi sa reaction po na yun, gets niyo na po!”
