May history ng stroke ang comedian na si Boobay kaya nabahala at nataranta ang mga nanood ng live guesting niya sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Huwebes ng hapon, April 20, 2023.
Read: Kapuso comedian Boobay rushed to ICU following stroke
Bigla na lamang siyang natulala at hindi na nakapagsalita habang kinakausap ni Boy Abunda sa unang bahagi ng programa.
Nagsuspetsa ang televiewers na baka muling nagkaroon ng stroke si Boobay, samantalang mabilis na inihinto ni Boy ang kanilang pag-uusap nang mapansin niyang wala nang reaksiyon ang komedyante sa kanyang mga sinasabi.
Tanong ni Boy, “How was that feeling? Take me back to that moment nung ika’y sinabihan na mahusay ka and you’re one of the finalists. Anong sinabi mo noon? Naniwala ka ba?”
Sumagot lamang si Boobay ng paulit-ulit na “uummm.”
Inakala ni Boy na nagiging emosyonal lamang si Boobay, pero nataranta na ang TV host nang mapansin niyang hindi na normal ang ikinikilos ng kanyang bisita.
Tanong ni Boy: “But you’re okay? You’re okay, Boobay? Are you okay?”
Tumayo si Boy mula sa kanyang kinauupuan para yakapin at alalayan si Boobay habang patuloy ang kanyang pagtatanong ng "Are you okay?"
Bagamat natataranta, ipinagbigay-alam ni Boy sa mga manonood ang kundisyon ni Boobay: "Kahapon po kasi Nay, Tay… tulungan lamang natin… ay medyo masama ang pakiramdam ni Boobay at… let’s take a break Direk. We’ll take care of Boobay…let’s take a short break… let’s take a short break."
Itinigil ni Boy ang show at habang commercial break, tinawag ang mga nakaantabay na medical personnel para tingnan ang kalagayan ni Boobay.
Sa pagbabalik sa ere ng programa, maayos na uli ang hitsura ng komedyante na nagpaliwanag tungkol sa nangyari sa kanya.

Saad ni Boobay, “Tito Boy, I am okay. Ito yung pagkakataon kahapon nagte-taping kami bigla akong medyo nag-hang habang kami ay nagsu-shoot ng The Boobay and Tekla Show.
“Siguro dahil sa ilaw at the same time, medyo siguro konti pa lang yung tulog ko na maling-mali sa ginawa ko.
"Dapat kailangan talaga bago ka pumunta sa isang trabaho, huwag kang kukuha ng ibang trabaho para kahit papaano, mailagay mo yung katawan mo sa maayos.
“Pero sinabi naman sa akin ng doktor before na mangyayari talaga sa akin after nung nangyari sa akin before noong naospital ako.
“After daw nun, maaaring mag-hang ako.
"The best thing that you have to do is just keep it, mag-stop ka lang until hayaan mong bumalik sa dati."
Naranasan na ni Boobay na ma-stroke noong November 2016 at sa kanya nanggaling ang kuwentong may mga episode na "nagha-hang" siya.
Kaya paulit-ulit na ipinaalaala ni Boy kay Boobay na ingatan nito ang sarili.
“You really have to take good care of yourself. Paalaala din po natin yan sa mga sarili natin kasi minsan, lalo na dito sa studio, hindi natin alam ang gabi. Hindi natin alam ang araw. Nagte-taping ng ilang episodes,” sabi ni Boy, na hindi maipagkakailang naapektuhan ng nangyari kay Boobay sa guesting nito sa kanyang programa.