Nagsalita na rin ang concert director na si Marvin Caldito II kaugnay ng nakanselang show nina Pokwang at K Brosas sa Diversion Amusements, Las Vegas Premiere Events Place, sa Las Vegas, Nevada, noong April 2, 2023.
Read: Las Vegas concert nina Pokwang at K Brosas kinansela; na-ghosting ng producer?
Ngayong Lunes ng hapon, April 3, sa pamamagitan ng comments section sa post ni Pokwang sa Instagram tungkol sa kanselasyon ng BFF concert nila ni K, sinabi ni Caldito na sa concert pa lang nila sa Chicago, Illinois, ay may kulang pa umano sa bayad ang producer nilang si Vince Gesmundo.
Ginanap ang Chicago leg ng BFF sa Double Tree by Hilton noong April 1.
View this post on Instagram
Si Vince ang may-ari ng Vynz Muzik LLC na producer ng BFF sa Chicago at Las Vegas.
Napukaw ang pansin ni Caldito sa comments section ng post ni Pokwang kung saan may mga nag-aalalang nakabili ng tickets at sponsor kung mababalik pa sa kanila ang perang kanilang pinaghirapan.
Ang halaga ng tickets sa concert nina Pokwang at K: SVIP $128 o P7,040; VIP $108 o P5940; at GA $88 o P4840 (sa palitang $1 to P55).

Komento ng isang netizen na nagbayad umano bilang sponsor: “The Celebrities didn’t like this to happen, we paid more for our tickets, as sponsor [sad emoji] and we don’t know if we will get reimbursed!!!!”
Sumagot naman dito ang isa pang netizen na nakabili ng ticket. Nagtataka kasi ito na pareho lang naman ang producer ng show sa Chicago at Las Vegas pero bakit daw sumalang sila sa una at hindi na sa huli.
Sabi ng netizen: “question is... we're you guys paid for the Chicago show? Because it's the same production line as las vegas so why perform on one state and not the other [thinking face emoji]”

Ayon kay Caldito, pareho lang ang producer ng Chicago at Las Vegas shows pero kulang ang ibinayad nito sa kanila sa Chicago show.
Ang kalakaran kasi sa live shows sa ibang bansa, maging sa ilang out-of-town gigs sa Pilipinas, dapat bayad na nang buo ang talents o performers bago pa sila sumalang.
Dagdag pa ni Caldito, kulang pa ng $13,000 o P715,000 ang producer nung sumalang sila sa Chicago show. Pero ipinagkibit-balikat na lamang daw nila ito nang makita nila ang venue na punung-puno ng tao.
Nakonsensiya raw silang hindi ibigay ang nararapat na show sa mga taong naglaan ng oras at nagbayad mula sa perang pinaghirapan nila.
Itinuloy nila ang buong show sa Chicago kahit hindi sila fully paid. Pero, kalabisan na aniya kapag gagawin din sa kanila ito sa Las Vegas.
Buong sagot ni Caldito sa netizens: "No. The same production owed us $13k. But still we performed when we saw our audiences waiting and it was almost a full house.
“We felt we need to give them the show that they have been waiting and spent their hard earned money and took off from work.
“Kahit na hindi po kami bayad ng buo. The show must go on.
“But for Las Vegas, it’s too much pag ginawa pa namin.”

Ibinahagi nina Pokwang at K ang malungkot na balita tungkol sa kanselasyon ng show nila sa social media ngayong araw rin.
Humingi sila ng dispensa sa mga taong nakabili na ng tickets sa kanilang show.
Sa isang maiksing pahayag niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal, itinanggi naman ni Gesmundo na siya ang nagkansela ng Las Vegas show.
Read: Concert producer, itinangging siya ang nagkansela ng Las Vegas concert nina K Brosas at Pokwang
Mananatiling bukas ang PEP.ph sa maaring ihayag pa ni Gesmundo sa isyu.
Nakipag-ugnayan pa rin kami kay Caldito para sa karagdagang impormasyon ukol dito.
