Retiradong nurse na ang Filipino-Canadian na si Edwin Padilla, 77, na nakatira ngayon sa Vancouver, British Columbia sa Canada.
Dalawang taon na siyang kumakanta sa iba-ibang parke at lugar sa Vancouver na sinimulan niya noong pandemic.
Ang ginagawa ni Edwin ay tinatawag ding street performing o busking, kung saan aabutan siya ng mga dumadaan ng pera bilang donasyon.
Read: Pinay nurse working as babysitter and street singer in Italy, in-demand performer in Europe
Pero ang pagpe-perform ng retired nurse ay hindi para lamang sa kanyang sarili.
Naisipan niya ito dahil minsan daw siyang naantig sa mga salita ni Cardinal Bishop Luis Antonio Tagle sa isa sa kanyang mga sermon noong kasagsagan ng COVID-19 lockdown.
Tumatak daw sa kanya ang “Love God and love your neighbor.”
Ani Edwin sa report ni Rowena Papasin ng ABS-CBN News para sa The Filipino Channel, “Na-touch ako doon sa love your neighbor. Hindi lang sasabihin mong, ‘Love your neighbor,’ kundi gumawa ka.”
Ang busking ang naisip niyang paraan para matulungan ang mga homeless sa ilang lugar sa Vancouver at ang mga nangangailangan sa hometown niya sa Laguna.
Nagpraktis si Edwin gamit ang kanyang ukulele at nang magkaroon na siya ng kumpiyansa, nagtanghal siya sa mga pasyalan at iba pang lugar sa Canada.
Sa kanyang pagpe-perform, mayroong sign board si Edwin na ipinapaalam ang intensiyon ng kanyang busking: para tulungan ang mga homeless at mga kababayan sa Pilipinas.
Sa unang araw ng kanyang pagba-busk, nalaman ni Edwin maraming tao ang nais na tumulong sa mga nangangailangan.
“The very first day that I busked, may nagbigay sa kin ng 50 bucks [PHP2,000].
“Ang importante sa tao pala, e, yung magbigay ka. At nakikita naman ng mga dumadaan dito na yung ginagawa ko para sa homeless at mga tao sa Pilipinas na ngugutom. Kaya nagbibigay din sila.”
Sabi ni Edwin, may mga pagkakataon na sa kanyang pagba-busk ay umaabot ang donasyon ng 180 Canadian dollars o PHP7,000.

Napansin din niya na karamihan sa mga nagdo-donate ay young Canadians.
Ayon sa ulat, ang bahagi ng nalilikom ni Edwin ay ipinambibili niya ng mga sangkap at nagluluto ng set meals na ipinamamahagi niya sa mga homeless sa kanyang lugar sa Vancouver.
Napansin daw ni Edwin na dumami ang mga homeless sa sidewalks at mga tumira sa mga tent sa mga kalsada sa East Hastings, Vancouver, nang tumama ang pandemya.
Nagpapadala rin si Edwin ng pera sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang trusted family friend na siya namang bibili ng pagkain para ipamahagi sa mga kababayang nagugutom.
Sabi ni Edwin, “Bago ko pa piliin, e, in-interview ko na yung kilala ko tungkol doon sa tao na iyon para sigurado na mahirap talaga.
“So I was choosing yung nag-iisa sa bahay, walang pension, talagang hirap na hirap.”
Umabot na raw sa 350 katao ang natutulungan ni Edwin.
Hangad daw ni Edwin na may mga ma-inspire siyang ibang tao sa kanyang kawanggawa.
Sabi niya, “Nung araw hindi ako nagbibigay, e. I was so selfish that I only think of myself.
“Pero ngayong tumatanda ako, napag-isip-isip ko kailangan meron akong iwan na legacy dito sa mundo.”