Kumakalat ngayon sa social media ang pictures ng isang lalaking nagtungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang naka-toga.
At eto ay hindi dahil sa galing siya sa kanyang graduation ceremony kundi may kaugnayan ito sa isang isyu na ipinukol sa isang Immigration Officer (IO) kamakailan.
Ipinost ni Jim Morales noong March 24, 2023, ang kanyang pictures na nakasuot ng toga at kita sa background ang departure area at lobby ng airport.
Caption niya: “Ewan ko na lang talaga.”
Recently, naging kontrobersiyal ang isyung nao-offload ang ibang pasaherong umaalis papuntang ibang bansa.
Nariyan ang kuwento ni Cham Tanteras na sinabing naiwan siya ng kanyang eroplano papuntang Israel dahil sa matagal na pagtatanong sa kanya ng officer sa Immigration Office (IO).
Read: Pasahero naiwan sa flight dahil sa matagal na interview ng immigration officer
Naging viral ang sinapit ni Cham matapos i-post sa Tiktok ang kanyang karanasan.
Sinabi niyang walang kinalaman sa kanyang biyahe ang ilang tanong—gaya ng relationship status ng kanyang mga magulang—ng immigration officer, na hinanapan pa siya ng yearbook.
Mahihinuhang ito ang naging inspirasyon ni Jim sa pagsusuot niya ng toga.
Matapos lumabas ang isyu ni Cham, ilang pasahero ang napaulat na nagdala ng kopya ng kanilang diploma at graduation photos.
Ang post ni Jim ay na-pick up ng ilang local media outlets, pati ng rin ng isang website na base sa India.
JIM’S INTENTION
Ani Jim, 25, sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong March 26, 2023, siya ay isang vlogger-actor mula sa Tiaong, Quezon.
Nagtungo siya sa Japan noong March 24 para sa bakasyon at paggawa ng content.
Ipinaliwanag niya ang dahilan ng pagsuot niya ng toga: “Actually po, dinala ko po yun kasi nakita ko ay nagdala ng diploma, so tinry ko din po magdala ng toga.”
Gusto lang niyang magpakalat ng good vibes.
“Well my main goal is magpasaya lang po talaga at mawala ang negatibo sa kabila po ng mga nangyayare sa ating bansa.
“Pero sa kabila ng lahat, dapat tayong lahat ay nagkakaunawaan at hindi nagbabangayan.
“At the end of the day, dapat tayo-tayong mga Pilipino ay nagtutulungan.”
Humarap ba siya sa officer sa Immigration officer na suot ang toga? Ano ang immigration officer?
Sabi niya, “Actually po, bago ako pumasok ng IO [immigration office], hinubad ko po kasi parang mas delikado ako, hehe.
“So paglabas ko [ng] IO po, dun po ako ulit nagsuot.”
Ano naman ang mga dinala niyang dokumento?
Sagot niya: “Syempre po dinala ko po yung mga need at laging hinihingi sa airport.”
Sa isang Facebook post pagdating sa Japan, ikinuwento ni Jim ang naging karanasan niya sa IO.
Sabi niya, "Madali lang pong nakapasok ako sa Immigration sa Pilipinas. Sobrang babait po. Bait po ng immigration sa Pilipinas."
Nasa Japan pa rin si Jim hanggang March 30.
CHAM’S ISSUE WITH THE IMMIGRATION OFFICER
Samantala, dahil sa karanasan ni Cham Tanteras, lumantad ang iba pang mga pasahero na nagkaroon ng parehong karanasan.
Mismong sa report ng Bureau of Immigration noong 2022, higit 32, 000 pasahero ang di pinayagan makalipad at natuklasang 472 rito ay biktima ng human trafficking o illegal recruitment.
Read: Bureau of Immigration clarifies issue about bringing yearbook, diploma of departing passengers
Ang 873 naman ay nadiskubreng gumamit ng illegal documents, at 10 naman ay menor de edad na nagtangkang magtrabaho abroad.
Ibig sabihin nito, 1,355 ang mga kaso rito ang illegal passengers o potential sanang naging victims ng human trafficking o illegal recruitment.
Pero paano naman ang na-offload na 30,645?
Sa karanasan ni Cham, sinabi niyang hindi niya na-reimburse ang PHP19,000 na ipinambayad niya ng plane ticket na hindi niya nagamit dahil naiwan nga siya ng eroplano.
Sa isang interview, tinanong si BI Spokesperson Dana Sandoval kung mare-reimburse ni Cham yung PHP19,000.
Sagot ni Sandoval: Immigration “is not in the capacity to do this.”
Aniya pa, “I think po maaari po nating siyang [Cham] tulungan in seeking po yung administrative reliefs doon po sa immigration officer, kung mapatunayan po natin na meron po naging remiss po siya sa kanyang duty.”
Sa pinakahuling ulat, sinabi ni Sandoval na na-relieve sa kanyang post ang immigration officer na nag-interview kay Cham, at ni-reassign ito sa back office.
