Binalikan ni Dina Bonnevie ang hirap na pinagdaanan niya nang tinamaan siya ng COVID-19.
Hindi binanggit ng aktres kung kailan eksakto ito nangyari, pero kasagsagan daw ito nang nakapasok na ang Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas kalagitnaan ng taong 2021.
Sa YouTube vlog ni Maricel Soriano na lumabas kahapon, March 26, 2023, napagkuwentuhan ng dalawang former Regal babies ang tungkol sa ordeal ni Dina.
Lahad ni Dina, “Ako, grabe, ten days!
“Naka-lock-in taping ako sa Shangri-La nun tapos pinalabas kami one week lang.
“Paglabas ko, umakyat ako ng Baguio, kasi bumili ako ng mga tela-tela kasi nga I supply Kultura with Ilocos fabrics.
“Umalis lang ako sandali, pagbalik ko, nanghihina na ako. Sabi ng stepdaughter ko, ‘Tita, baka you’re just tired.’”
Nagpatawag daw si Dina ng masahista at nagpahilot.
Kinabukasan ay kinailangan niyang magpa-antigen test. Nagulat na lamang daw ang aktres dahil hindi na siya makatayo papuntang banyo.
Tinawagan daw ni Dina ang kanyang asawang si Ilocos Sur Representative Deogracias Victor “DV” Savellano at sinabi niya ritong, “I can’t get up, I cannot walk.”
Pagpapatuloy niya, “Nanginginig yung buong legs ko, what’s happening to me?”
“AKALA KO IT’S THE END”
Sinabihan daw siya ng asawa na magpa-COVID test. Sa Congress pa raw nagpa-test noon ni Dina.
“So, tumakbo na kami sa Congress. It’s positive.
“So, nung positive, alam mo ba na I waited outside the hospital?
“Di, positive ako, umaga yun. Sabi ng doktor, ‘Umuwi ka muna, we'll call you,’ ganyan-ganyan.
“With all the dialogue ng asawa ko na, ‘I don’t want my wife to die, do the best,’ ‘I know there’s a lot of patients, but I cannot afford to lose my wife,’ ‘Please take care of her,’ siyempre isipin mo, ‘Ay, congressman, may pull ito.’ Waaaa!”
Ang ibig sabihin ni Dina ay hindi pa rin siya na-admit agad sa ospital dahil sa dami ng pasyente noong panahong iyon.
Ani Dina, “Hintay ako sa bahay ng mga 6 o’clock. Sabi ko, ‘Parang hindi ko na kaya, parang I cannot breathe.’"
Kinuha raw ni Dina ang oxygen tank ng tatay niya para makahinga siya nang maayos dahil may hika nga siya o comorbidity.
Lahad pa niya, “Do you know that I waited in the garahe of the hospital from 6 in the evening, pumasok ako quarter to 1 ng madaling-araw sa room?
“Kasi ganun kadaming pasyente, walang paglalagyan sa yo. At walang gustong mag-nurse sa akin.”
Tanong ni Maricel, “Bat ganun?”
Saad ni Dina, “E, kasi ang suspetsa nila, Delta. Kasi pala if you’re an A-positive blood... alam mo naman ang lola mo, may dugong banyaga.”
Hindi naman daw siya nawalan ng panlasa at pang-amoy.
Sabi pa ni Dina, “Ten days, coughing out blood. Akala ko, it’s the end.
“Dun na yung nagpa-flashback yung mga kasama ko sa showbiz.”
Naisip na raw ni Dina ang mga nakasama niya sa showbiz dahil kung iyon na ang katapusan niya, sana raw ay magkaroon siya ng pagkakataong makahingi ng kapatawaran.
“'Lord, meron ba akong kailangan patawarin? Kung kukunin mo na ako Lord, give me time to say sorry, offer me to forgive them.'”
Ngunit sinabihan daw siya ng doktor na huwag mag-isip nang negative.
Ang mahirap lang sa kanya noon ay maraming gamot na bawal sa kanya kaya talagang epektibo raw talaga ang dasal.
Saad niya, “Kaya, to Him be the glory.”
