May karelasyon ngayon si Marvin Agustin na non-showbiz, pero ayaw na niyang magbigay ng mga detalye kaugnay rito.
Nang magpahinga si Marvin pansamantala sa pag-arte, nagpahinga rin ang mga isyu o intriga sa kanya.
“Sarap!” maigting na bulalas ni Marvin. “Ang sarap-sarap!”
Ngayon ay balik sa limelight si Marvin, at nasa ilalim na siya ng Crown Artist Management (CAM) nina Maja Salvador at Rambo Nuñez.
Masaya ba na ang personal life ay hiwalay sa showbiz career?
"Yes, sobrang saya! At least, it’s something that you can have, at walang nanggugulo at walang nanghihimasok.
"Masayang tahimik ang buhay,” nakangiting sambit ni Marvin.
“Actually not just in relationships. Even in sa lahat ng aspects ng buhay.”
Darating daw ang time na ipapakilala niya kung sino ang katuwang niya sa buhay. Magpapakasal ba siya in the near future?
“Basta mahanap yung mapapangasawa,” pagtango ni Marvin.
HAPPY WITH TWO KIDS
If ever ba, gusto pa niyang masundan ang kanyang kambal na sina Sebastian at Santiago?
“Hindi, parang okay na ako sa dalawang anak. Parang gusto kong mag-enjoy ng buhay,” pagbuntong-hininga ni Marvin.
“Kasi I was 26 when I had them. So at least bata pa nga, e. Ngayon, para kaming magkakaibigan pag lumalabas kami, pag nag-uusap kami.
“Parang mas masarap yung ganung moment na may energy ka for your kids. Hindi ko alam, kasi 44 na ako," sabay tawa niya.
“Iyong 50 years old na six years from now, iba na yung energy nun. So ini-enjoy ko na itong buhay ko na yung mga bata, malalaki na, hindi na ganun ka-stressful asikasuhin.”
MARVIN TO EXPLORE FARMING AND FOOD IN DIGITAL CONTENT
Swak sa pagdiriwang ng Crown Artist Management ng ikalawa nitong anibersaryo sa pagpasok ni Marvin.
Ano ang mga nakaplanong gagawin niya?
“Gusto kong gumawa ng mga projects na magha-highlight lalo sa food industry,” pagsisiwalat ni Marvin.
“Iyong kuwento ng hirap na pinagdadaanan naming lahat. At hindi lang actually kami kundi buong ecosystem ng food industry. Farming.
“Kasi, diyan din ako nahilig sa bahay ko, kung anu-ano ang itinatanim kong kamatis, radish.
“So dun ko nare-realize kung gaano kaimportante ang farmers, ang pag-aalaga, sustainability, pagbibigay-respeto at halaga sa pagkain natin.
“So dun ko na-discover na hindi siya basta isang dish. Ang daming hirap na pinagdaanan ng maraming tao for that dish to land on your table.
“So yun yung gusto ko sanang mas ma-appreciate ng tao.”
Sa media con para kay Marvin noong March 23, 2023, nabanggit na magiging katuwang ng aktor ang Crown sa paggawa ng digital content.
