Suportado ni Anne Curtis ang buhay pag-ibig ng kanyang inang si Carmen Ojales.
Noon lamang January 2023, isinapubliko ni Carmen ang pagkakaroon niya ng May-December affair at proud siya rito.
Si Carmen ay nasa kanyang 60s, habang ang kanyang boyfriend ay 40 anyos.
Read: Anne Curtis’s mother on her May-December affair: “Be happy for us”
Kay Anne na mismo nanggaling ang panunukso na blooming ang kanyang ina dahil in love ito ngayon.
Patunay ito na kahit hiwalay na ang mga magulang ng aktres, suportado niya ang kanya-kanyang buhay ng kanyang ama at ina.
Sa opening ng It’s Showtime noong March 17, 2023, nagkuwento si Anne tungkol na masaya siya kapag ka-bonding ang kanyang pamilya.
At saka niya binati ang ina na dumalaw sa set ng ABS-CBN noontime show noong araw na iyon.
Sabi ni Anne, “I do things that we enjoy; ako, tulad na lang andito yung mama ko ngayon.”
Bumati naman ang iba pang co-hosts sa ina ni Anne.
Kinantiyawan nila si Carmen na aktibo sa kanyang social media accounts, lalo na sa TikTok.
“Blooming si Mama ngayon,” hirit ni Anne.
Pati iba pang It's Showtime hosts ay tinukso na rin si Carmen.
“Blooming kasi si Mama ngayon, may love life,” buong ngiting panunukso ulit ni Anne sa ina.
Kapansin-pansin namang katabi ni Carmen sa audience area ang isang lalaking naka-shades at naka-striped long-sleeves.
Ito ang lalaking kasama ni Carmen sa kanyang TikTok videos at ipinakilala niyang boyfriend.

CARMEN ojales’S NEW BOYFRIEND
Nasulat sa PEP.ph noong January ang tungkol sa May-December affair ni Carmen, na proud niyang ibinabahagi sa kanyang TikTok posts.
Ang lalaki ay may pangalang Jayde at nakabase sa Dubai, United Arab Emirates.
Sa captions ay ibinahagi nina Carmen at Jayde na nagsimula sa social media ang kanilang love story.
Proud sila sa kanilang May-December affair at mayroong silang long-distance relationship.
Naipakilala na rin ni Carmen si Jayde sa dalawa pa niyang mga anak na sina Jasmine at Tom Curtis-Smith.
Sa isang TikTok video ay makikita kasing magkakasama sina Jayde, Tom, Jasmine, at boyfriend ni Jasmine na si Jeff Ortega.
Base rito ay mahihinuhang tanggap si Jayde ng mga anak ni Carmen.

