Kinumpirma ni Ruru Madrid ang pahayag ng girlfriend na si Bianca Umali na nag-break sila ng walong buwan pagkatapos ng parking-lot incident na kinasangkutan nila noong 2019.
Sa panayam ni Bianca sa Fast Talk With Boy Abunda noong Martes, March 7, 2023, inamin niyang may kinalaman sa selos ang dahilan ng eksena nila ni Ruru sa parking lot ng isang mall noong November 6, 2019.
Read: Bianca Umali finally speaks out about 2019 parking-lot incident with Ruru Madrid
Ngayong Huwebes, March 9, si Ruru naman ang sumalang sa panayam kay Boy Abunda sa afternoon showbiz talk show ng GMA-7.
Dito ay inusisa ang Kapuso actor kung ano ang naging dahilan ng pansamantalang paghihiwalay nila ni Bianca.
Ayon kay Ruru, "Siguro nung time na yon, Tito Boy, medyo bago pa lang po kami, first time ko siguro maramdaman yung maging seryoso sa isang relationship.
"I mean, before Bianca, parang may time sa sarili ko na parang… I know it’s hard na aminin to, but naging ganun po talaga ako, I mean, gusto ko rin pong maging honest din po sa inyo...
"Para akong nakikipag-date sa, like for example sa beauty queen, sa artista, so that maipagmalaki ko.
"May ganun akong klaseng treat before, na parang feeling ko, ego-booster siya for me. Na parang pagka nakipag-date ako sa certain girl na sikat o ano, nakaka-boost siya ng ego ko."
Dagdag pa ng 25-year-old actor, "But then I realized, lalo na nang nakilala ko si Bianca, hindi yon yung mga bagay na dapat ipinagmamalaki ko.
"I mean, ang dapat ipinagmamalaki ko is yung mga bagay na totoo."
Hindi man direktang tinukoy ni Ruru, mahihinuhang may kinalaman sa pagporma niya sa ibang babae, kahit may girlfriend na siya, kaya nagselos si Bianca.
Saad niya, "At nung time na yon, siguro somehow, medyo nangangapa pa ako dahil siguro first time kong maging seryoso when it comes to relationship.
"Para siguro somehow sa sarili ko, parang sinubukan ko na, ‘Kaya ko pa rin ba? Kaya ko pa rin bang kumausap ng ibang babae? Kaya ko pa rin bang manligaw?’
"Siguro somehow iyon yung dati kong sarili na tina-try pa rin kung… siguro tinitingnan ko sarili ko kung kaya ko pa rin yung mga ganung bagay."
RURU MADRID'S REALIZATIONS
Biniro ni Boy si Ruru na hindi ito nagtagumpay dahil nangyari nga ang parking-lot incident, kung saan kinumpronta siya ni Bianca dahil sa pagseselos nito.
Ngunit paglilinaw ni Ruru, hindi totoong muntik na siyang sagasaan ni Bianca.
Read: Ruru Madrid, muntik nang masagasaan ni Bianca Umali dahil sa selos?
Ano ang natutunan ni Ruru sa parking-lot experience?
Tugon ni Ruru, "Number one, Tito Boy, nakita ko yung worth ni Bianca.
"Siguro dun pumapasok yung pag wala sa yo, dun mo siya hahanapin. Pagka nandiyan siya sa tabi mo, parang tine-take for granted mo siya.
"Pero nung naramdaman kong na wala siya sa akin, dun ko naramdaman na hindi ko kayang wala siya.
"So, I did everything just to… para maging okay yung relationship naming dalawa. Kasi alam ko sa sarili ko na pag kasama ko siya, I’m at my best. Pag hindi ko siya kasama, pakiramdam ko I’m lost.
"Siya yung nagbibigay ng liwanag, ng daan sa akin. Pero nasaktan ko yung babaeng yon."
Patuloy niya, "So, sinabi ko sa sarili ko, kahit eight months akong nanligaw sa kanya ulit, hindi ako mapapagod na sabihin sa kanya kung gaano ko siya kamahal at kung gaano siya kaimportante sa akin."
Nagbalik-tanaw rin si Ruru nang unang beses niyang makita sa personal si Bianca.
Grade V pa lamang daw siya, 11 o 12 years old, at hindi pa artista nang magpunta sa school nila ang cast ng Kapuso children’s program na Tropang Potchi, kung saan kabilang si Bianca.
Noon pa lang daw ay nagandahan na siya kay Bianca.
"Sabi ko, ‘Balang araw makakasama ko ‘to ulit, mag-aartista ako para makasama ko siya.’"
At nagdilang-anghel nga si Ruru dahil hindi lamang niya nakasama si Bianca kundi naging girlfriend pa niya.
RURU MADRID ADMITS PAST RELATIONSHIP WITH GABBI GARCIA
Ayon kay Ruru, isa lamang ang naging girlfriend niya bago naging sila ni Bianca. Ito ay walang iba kundi ang dati niyang ka-love team na si Gabbi Garcia.
Nagkasama sina Gabbi at Ruru, o GabRu, sa mga teleseryeng Naku, Boss Ko! (2016), Encantadia (2016-2017), at Sherlock Jr. (2018).
Lahad ni Ruru, "And nung naging kami, sobrang bata pa po namin. Gabbi’s 15, ako po 16.
"And then, siguro somehow malaking factor yung magkatrabaho po kami, love team kami. Kailangan lagi kaming makita na sweet sa isa’t isa so siguro dun namin na-discover, na in love kami. Kumbaga, nadala kami sa moment.
"Ako, personally, hindi pa rin po ako ganun kalawak yung kaalaman ko when it comes to love."
Pero itinanggi ni Ruru na si Bianca ang dahilan ng breakup nila ni Gabbi, at siya ang dahilan ng breakup nina Bianca at Miguel Tanfelix.
Natatawa namang binalikan ni Ruru ang panliligaw niya noon sa mga artistang babae kahit kakakilala pa lamang niya sa mga ito.
Aminadong "GGSS" o guwapung-guwapo sa sarili noon ang aktor.
"Siguro parang… eto aaminin ko, dati talaga pakiramdam ko, sobrang pogi ko, lalo na nung hindi pa ako artista…
"I was so thin, sobrang payat ko. Iba pa yung hitsura ko, iba pa yung porma ko… iba pa talaga the way ako magsalita, iba pa.
"Pero tingin ko sa sarili ko, sobrang pogi ko. Like, yung confidence level ko, like, out of this world, ganun!" bulalas ni Ruru.
Pinangalanan pa niya ang ilang female stars na niligawan niya noon pero binasted siya,
"So, lahat ng mga makasama ko, like for example makasalubong ko si Barbie [Forteza], first time ko siya makasalubong, niligawan ko siya.
"Niligawan ko si Yassi [Pressman]. Niligawan ko si Lexi Fernandez… mga ganun.
"Na parang sila, ‘Ha? Ba't mo kami nililigawan?’ Bata ko pa nun, as in 14 pa lang."
Ang pambabasted daw na naranasan noon ni Ruru ang naging daan upang suriin niya kung ano ang problema sa kanya.
"But then I realized, ayun yun ang nagpabago sa akin, Tito Boy, na lagi akong nababasted, tumingin ako sa salamin, sabi ko, ‘Anong problema sa akin?’
"Ang ginawa ko, Tito Boy, dun ako nag-start mag-workout, dun ako mag-start kahit paapaano magbasa-basa. Inayos ko yung pananamit ko…" sabi ni Ruru.
