Inaresto ang isang 23 anyos na lalaki matapos nitong sabuyan ng mainit na tubig ang isang aso at pusa sa Barangay Mambaling, Cebu City.
Nagkapaltos at nakalbo ang bahagi ng katawan ng dalawang hayop na binuhusan ng mainit na tubig noong February 19, 2023.
Ang dahilan ng suspek: nairita siya kaya binanlian niya ang mga ito.
Nagtungo sa police station ang may-ari ng aso na si Gina Lucido at inireklamo ang ginawa sa kanyang alaga.
Rumesponde ang pulisya at inaresto ang suspek sa tinutuluyang compound. Hindi naman itinanggi ng suspek ang ginawa.
Sa imbestigasyon, lumabas na binista ng suspek ang amang taxi driver, at nakita niyang tumatakbo sa compound ang aso.
Ginagamit ang compound bilang parking area ng taxi drivers para makapagpahinga.
Ani Police Major Jonathan Taneo, hepe ng Mambaling Police Station, hindi ito ang unang beses na naging malupit sa hayop ang suspek.
Isang linggo bago mangyari ang insidente, nakita ang suspek na sinabuyan ng mainit na tubig ang stray cats.
Galing sa isang water dispenser ang mainit na tubig na sinaboy ng suspek.
Puwedeng sampahan ng reklamong Republic Act 8485 o Animal Cruelty Act ang suspek.
Nagpaalala si Taneo sa publiko na isang criminal act ang animal cruelty, at ang mga napatunayang nagkasala ay maaaring makulong ng isang taon bilang parusa.
UPDATE: Sa ulat ng Cebu Daily News Digital, nagdesisyon ang pet owner na huwag nang sampahan ng reklamo ang suspek.
Pinatawad ng complainant ang suspek at pumirma sila ng compromised agreement.
Sabi ni Lucido, binigyan niya ng pangalawang pagkakataon ang suspek dahil ito ay first-time offender.
Pero sana raw ay magsilbing eye-opener ang insidente sa publiko.