Labis na ipinagpapasalamat ng singer-actress na si Jayda Avanzado ang pagbibigay sa kanya ng pagkakataong gawin ang isa pa niyang hilig bukod sa pagkanta — ang pag-arte.
Nasa dugo ng dalaga ang pagiging performer na namana niya sa kanyang mga magulang na sina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado.
Read: Jessa Zaragoza calls out bashers for posting death threats to Jayda Avanzado
Sa kauna-unahang pagkakataon, bibida si Jayda sa iWantTFC original series na Teen Clash kung saan makakapareha niya ang former Pinoy Big Brother (PBB) housemate na si Aljon Mendoza.
Sa ginanap na grand mediacon ng Teen Clash noong February 16, 2023, hindi nakaligtas sina Jayda at Aljon na usisain ang pagiging komportable at malapit nila sa isa’t isa.
Hindi kasi maitatangging simula nang pinagpareha sila ay sini-ship na sila ng kanilang fans.
Dagdag pa ritong parehas silang single kung kaya’t hindi napipigilang tuksuhin sila sa isa’t isa.
Dahil dito, natanong si Jayda kung may pag-asa ba si Aljon kung sakaling manligaw ito sa kanya.
Natatawa niyang sagot, “Para po sa akin, habang may buhay may pag-asa.
“I could say po na we have genuine connection with each other and those are good foundation in any kind of relationship.”
Bagamat hindi niya diretsahang sinagot ang tanong, sinabi ni Jayda na handa siya kung saan man sila dalhin ng tadhana.
Saad niya, “Honestly po, I think at this point, I would say that wherever life takes us, I welcome that.
“Kung ano man po yung itadhana para sa aming dalawa.”
Masaya naman si Aljon sa kung anong meron sila ngayon ni Jayda.
Aniya, hindi sila nagmamadali ng bagong on-screen partner sa pakikipagrelasyon.
Ito ay sa kabila ng pag-amin ni Aljon na si Jayda ang pinaghuhugutan niya ng lakas at motibasyon sa tuwing napapagod siya sa pag-shoot nila ng kanilang upcoming series.
Sabi ng aktor, “Hindi kami nagmamadali. Pero sobrang happy kami sa kung ano yung ginagawa namin ni Jayda.
“Tapos yung holding hands na sinasabi ko, may sinasabi kaming dalawa na parang siya [Jayda] yung charger ko.
“Kapag naghahawakan kami ng kamay, fully charged na ako, game na ulit, parang ganun.
“Every time na may scene kami, tinutulungan talaga niya ako [Jayda].
“Halimbawa, may scene na madaling-araw tapos parang lowbat ako, napapahawak lang ako sa kamay niya tapos… Yung love language ko kasi is physical [touch] so, every time na may hahawak sa kamay ko, napi-feel ko yung energy.”
Dagdag pa niya, “Nare-recharge ako.”
ALJON-JAYDA BEING SWEET TO EACH OTHER
Ikinatutuwa nina Aljon at Jayda ang natatanggap nilang papuri at pagmamahal sa kanilang mga tagahanga.
Malaking bagay raw na nakikitaan sila ng fans ng chemistry on-screen dahil normal naman daw sa kanilang dalawa ang pagiging sweet sa bawat isa.
Ano ang reaksiyon nila sa mga nagsasabing bagay sila?
Saad ni Aljon, “Nakakatuwa yon.
“Pero for now kasi, sobrang, halimbawa, marami kaming gestures sa isa't isa ni Jayda na simple lang pero alam mo na totoo yung care. Hindi namin kailangan pilitin yung bagay para magmukha kaming sweet or hindi namin kailangan i-pretend na kami something like that.
“Kasi sa ngayon, iniingatan namin yung relationship, yung trabaho and kung paano namin nakikita itong project na ito, yung pagpapahalaga namin dito.”
Hirit pa niya, “Yung comment nila na bagay kami, totoo.”
Para naman kay Jayda, hinahangaan niya si Aljon sa ipinapakita nitong dedikasyon na mapaganda ang kanilang kauna-unahang serye.
Aniya, “I would say that I'm really impressed. Sobrang na-appreciate ko kung paano siya committed dito sa project na ito.
“I was very vocal back then, dati pa po noong nag-uusap kami before the project started, I made it clear din kung ano yung mga goals na we were able to talk about that we share some many things in common.
“So, I would say na all of these moments being on set with him and being with him throughout the process, ang masasabi ko... And I would always say this, na the person that ended up being my partner is probably you [Aljon].
“And I can't think of anybody better to be my partner unless you.”
QUALITIES OF FUTURE BOYFRIEND
Pag-amin pa ni Jayda, hindi siya pinagbabawalan ng kanyang mga magulang na mag-entertain ng mga manliligaw.
Malaki raw ang tiwala nina Jessa at Dingdong na kaya niyang suriin kung sino ang lalaking karapat-dapat para sa kanya.
Read: Dingdong Avanzado reveals advice to daughter Jayda about entertaining suitors
Ano ba ang qualities na hinahanap niya sa isang lalaki?
Sagot ni Jayda, “I’m really looking for someone who respects me and what I do in my craft. And someone who will be ultimately supportive and proud of me in whatever I do, who will always be at my side.
“Having that trust and respect is really important, that’s what, kind of, I’m looking forward to a partner.”
Boyfriend material ba si Aljon para sa kanya?
Mabilis na sagot ni Jayda, “Oo naman, siyempre.
“Any girl will be lucky to have him.”
ALJON MET JESSA AND DINGDONG
Buong pagmamalaki ni Aljon na ipinakilala na siya ni Jayda sa mga magulang nito.
Kuwento pa ng binata, noong una ay nakaramdam siya ng hiya at kaba ngunit ipinakita naman daw nina Jessa at Dingdong kung gaano sila kabuting tao.
Pagbabahagi ni Aljon, “Sa totoo lang, nanginginig talaga ako. Pero siyempre kailangan kong mag-man up ako para magpakilala ng ‘Hello, Ma’am, Aljon po.’
“Sobrang na-appreciate ko, kasi sobrang hospitable nila noong pumunta ako sa bahay nila.
“Ang ganda lang ng pakikitungo nila, kasi kumbaga stars sila, e, isang Jessa at Dingdong.
“Pero sila nakikipagkuwentuhan sila na parang normal na tao sa mga kakakilala lang nila, kaya sobrang masaya at naa-appreciate ko sila.”
