#FDCPScandal No.5
Hanggang sa huli ay tila puno ng tensiyon ang pagbaba ni Liza Diño sa puwesto bilang chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Ito ang kuwento ng ilang key industry people at insiders na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa sanga-sangang isyu ng FDCP sa panahon ng termino ni Liza.
Bago naanunsiyo ang kapalit ni Liza sa chairmanship ng FDCP, pinanghawakan ni Liza na hanggang 2025 pa siya uupo sa puwesto.
Noong early March 2022, ni-reappoint si Liza bilang FDCP chair ng noo'y nanunungkulang Pangulong Rodrigo Duterte.
Read: Liza Diño, reappointed bilang FDCP chairperson; balikan pa kaya ang pag-arte?
Ang paliwanag noon ni Liza sa press, hindi co-terminus sa Pangulo ang kanyang posisyon.
Nakasaad daw sa R.A. 9167, ang batas na bumuo ng FDCP, na eligible magsilbi ang FDCP chair ng two consecutive terms na tig-tatlong taon.
Ang unang appointment ni Liza ay noong August 2016. Tumagal ang kanyang termino hanggang 2022 nang hindi dumaan sa reappointment noong 2019.
Ito raw ang dahilan kung bakit maituturing na second appointment pa lamang niya ang March 2022, nang pormal siyang itinalaga muli bilang FDCP chair.
Kaya kahit naka-anim na taon na siyang chair ng FDCP, may tatlong taon pa raw ang termino niya, o hanggang 2025.
Read: Liza Diño may sagot sa kumukuwestiyon sa reappointment niya bilang FDCP chairperson
Matapos ang May 2022 elections, umasa si Liza na kakatigan ang reappointment niya ng newly elected President Ferdinand Marcos Jr.
Iyon na ang simula ng pagkalito ng mismong staff ng FDCP.
Paliwanag ng Insider 1 sa PEP:
"Totoo na may term na three years yung position niya upon appointment. Pero may konotilya yung definition, e. Sa R.A. 9167, walang nakalagay na co-terminus, but nakalagay sa definition ng [FDCP] bylaws na, 'You’re serving at the pleasure of the President.'"
Ganoon din daw ang sitwasyon nang pinalitan ni Liza ang outgoing FDCP chair na si Briccio Santos noong 2016.
Pagpasok ng bagong administrasyon noong 2016 ay umalis na sa puwesto si Santos, kahit meron pa siyang nalalabing isang taon sa termino niya.
"Meron pa siya [Briccio] hanggang 2017," paliwanag ng INSIDER 1 sa PEP.ph.
"Pero nung lumabas ang appointment [ni Liza], umalis na siya [Briccio]. No questions, no buts.
“Ito kasi, pinu-push niya [Liza] yung reappointment niya."
Ayon din sa industry insiders, March 2022 pa lamang ay napag-uusapan na ang pagbaba sa puwesto ng ibang appointed officials ng gobyerno.
Sabi ng Insider 1, "Pati si Ms Vivian [Velez, former director general of Film Academy of the Philippines]. Kasi nag-board meeting ng May. Dun niya in-announce na, 'Nag-submit na ako ng courtesy resignation.'"
Pero sa kaso ni Liza sa FDCP, sabi ng Insider 1, "Wala pa rin. Ayaw pa rin nila mag-prepare. Di naman resignation ang meaning ng courtesy resignation. It's just a matter of courtesy."
Kinumpirma ito ng iba pang sources na boluntaryong nagbigay ng impormasyon sa PEP.ph.
Sabi ng Source 1:
"She had herself resworn and renewed as FDCP chair in March. Thinking with the frame of mind that she will be the chair until 2025, because it's a three-year reswearing — ignoring the fact that she is co-terminus with whoever is the president that you are working for."
Sa madaling salita, ayon sa insiders, "She wanted to assume office until 2025."
Handa raw si Liza magprisinta sa bagong Pangulo ng kanyang reappointment papers mula sa dating Pangulo, pati na rin ang papers na nagpapakita ng accomplishments ng FDCP sa ilalim ng kanyang liderato.
PRESIDENT MARCOS JR. APPOINTS TIRSO CRUZ III
Iba ang napisil ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mamuno ng FDCP.
Pagsapit ng June 30, 2022, lumabas ang Memorandum Circular (MC)1 ng Malacañang.
Ang MC1 ang unang memo mula sa pamahalaan ng noo'y newly elected President.
Iniutos sa MC1 na bakantehin ang lahat ng executive positions sa departments, offices, agencies, and bureaus ng gobyerno para masimulan ang transition ng bagong administrasyon, kasabay ng pagtalaga ng bagong Pangulo ng kanyang chosen appointees.
Noong mga unang araw ng Hulyo, sinasabing kumpiyansa pa ang kampo ni Liza na hindi mako-cover ng MC1 ang FDCP.
Pero pagsapit ng July 4, 2022, usap-usapan na sa showbiz circles na may bagong chair ang FDCP na itatalaga ng bagong Pangulo.
Read: Tirso Cruz III, itinalaga bilang bagong FDCP chairperson sa kabila ng reappointment ni Liza Diño
July 5 nang pormal na itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos si Tirso Cruz III bilang bagong FDCP chair.
Nag-oathtaking si Tirso noong July 5, 2022.
Read: New FDCP chair Tirso Cruz III on his appointment: “I’m honored I was chosen.”
Ganunpaman, hindi agad bumaba si Liza sa posisyon nito.
Ayon sa Insider 1: "Ang dami nang nagsasabi, 'Alam mo ba, sa ibang agency, nung atrenta [June 30, 2022] pa lang, iniwan na yung mga papel nila run, nag-alisan na. Kumbaga, andiyan yung papel ko, bahala ka na diyan, ituloy mo iyan.'"
LIZA DIÑO BERATES FDCP EMPLOYEE OVER TIRSO CRUZ'S APPOINTMENT PAPER?
Nagkaroon ng delay sa pagsisimula ni Tirso bilang FDCP chair dahil hindi lumilitaw umano ang appointment papers nito.
"She tried to delay the entry of Tirso by one month," giit ng industry sources na lumapit sa PEP.
Matapos ang oath-taking ni Tirso noong July 5, 2022, ang kasunod na step ay makakatanggap siya ng appointment papers mula sa Malacañang.
Iyon ang hudyat para makapagsimula siya sa trabaho.
Lingid sa kaalaman ninuman—kasama na si Tirso—ang appointment papers ng bagong chair ay sa FDCP office ipinadala.
Kuwento ng industry sources sa PEP, pinanggalingan iyon ng matinding tensiyon sa FDCP.
"In denial" umano si Liza na may pumalit na sa kanya bilang chair.
Hindi rin daw malaman ng staff kung anong proseso ng transition ang susundin dahil nagre-report pa rin sa office si Liza.
Ayon pa rin sa industry sources, isang empleyado ng FDCP ang nagparating kay Liza na dumating na ang appointment papers ni Tirso.
Pero sa halip daw na iparating agad iyon kay Tirso, pinagalitan at sinigawan umano ni Liza ang empleyado.
Dagdag ng industry sources, inaalam noon ng empleyado kung sino kina Liza at Tirso ang signatory para sa mga tseke ng FDCP simula July 1, 2022.
Tuluy-tuloy raw kasi ang operations ng film council, kaya may mga tsekeng mabibinbin kung hindi mapipirmahan.
Wala raw sa mga empleyado sa anumang department ng FDCP ang nakakasiguro sa tamang pipirma sa FDCP checks—kay Liza ba o kay Tirso.
Mahalaga ito dahil may partikular na empleyado na counter-signatory sa lahat ng documents na may kinalaman sa pondo ng FDCP.
Pero ang nangyari'y “inaway” raw ni Liza ang empleyado.
Hindi raw nagustuhan ni Liza ang pagbukas ng FDCP employee sa envelope na naglalaman ng appointment paper ni Tirso.
Katuwiran naman ng empleyado, ayon pa rin sa industry sources, bukas na ang envelope, at may label itong nagsasaad na appointment paper iyon ni Tirso. Kaya raw minabuti na ng empleyadong dalhin ang envelope kay Liza.
May personal na paniniwala rin daw ang empleyadong hudyat iyon na si Tirso na ang bagong signatory sa mga tseke ng FDCP, pagkuwento pa ng industry sources na kumontak sa PEP.
LIZA DIÑO'S ALLEGED DELAYING TACTICS
Siyempre pa, kumalat ang bulung-bulungan sa iba-ibang departamento ng FDCP.
Malinaw na sinabihan daw ni Liza ang empleyado na huwag kontakin si Tirso, pagpapatuloy ng industry insiders.
Katuwiran daw ni Liza, nakausap na niya si Tirso at hindi pa ito papasok dahil nasa taping ito ng FPJ's Ang Probinsyano sa Ilocos.
Pina-reseal daw ni Liza ang envelope na naglalaman ng appointment paper ni Tirso.
Gusto raw antayin ni Liza ang official communication mula sa Malacañang tungkol sa bagong appointed FDCP chair.
Noong July 7, 2022, pinost ni Liza sa Facebook na binigyan siya ng Malacañang ng "holdover capacity" bilang FDCP chair habang hindi pa lumalabas ang appointment papers ni Tirso.
Sabi ng industry sources, "Nakakuha siya ng extension." Mula raw ito kay Press Secretary Trixie Angeles.
Pero naglakas-loob umano ang empleyado na tanungin si Liza kung hindi sakop ang FDCP ng Memorandum Circular (MC)1 ng Malacañang, na siyang nag-uutos na i-vacate ng outgoing executives ang kanilang mga posisyon sa gobyerno para makapuwesto ang incoming presidential appointees.
Nakumpirma raw kasi ng isa pang empleyado ng FDCP mula sa mismong Department of Budget and Management (DBM), na hindi na si Liza ang signatory ng mga tseke ng FDCP dahil hanggang June 30, 2022 na lamang ang termino nito bilang chair.
Kuwento pa ng industry sources, pinadalhan din si Liza, noon ding empleyadong unang nangahas magtanong, ng kopya ng interview kay Trixie Angeles kung saan sinabi ng press secretary na covered ng MC1 ang chair ng FDCP.
Lalo raw itong ikinagalit ni Liza.
Nasa magkabilang-dulo raw ng mesa sa FDCP office sina Liza at ang empleyado nang kastiguhin ang empleyado dahil sa "insubordination."
Naniniwala raw noon si Liza na hindi covered ng MC1 ang FDCP.
"Galit siya. Galit talaga," pagdidiin ng isang Insider.
Sabi naman ng Source 1, "Tinago ang appointment paper. Buti na lang nakita."
Samantala, nag-alala raw ang FDCP employee na “baka matanggal” siya sa trabaho dahil kuwinestiyon niya si Liza.
Pero tinawagan pa rin ng FDCP employee si Tirso upang ipaalam ditong dumating na ang kanyang appointment paper.
Mahalaga raw kasi sa civil-service employees na malinaw ang usapan, lalo na't kasama na ang usapin ng kung sino ang pipirma ng FDCP checks, na ang panghuhugutan ay pondo ng gobyerno.
Agad naman daw bumalik ng Maynila si Tirso mula sa taping nito sa Ilocos, ayon sa industry insiders.
Paglalarawan ng insiders sa reaksiyon ni Liza sa mga kaganapan: "Isipin mo, para kang naagawan ng dyowa."
Sabi ng Source 1 sa PEP: "It was a knee-jerk reaction when she was finally confronted with the truth. She didn't want that envelope opened because it will verify [that a new chair has been appointed]."
LIZA DIÑO'S STATEMENT BACK IN JUNE 2022
Matatandaang bukas si Liza noon sa pagsasabing handa siyang magpatuloy sa pamumuno ng FDCP kahit magpalit na ng administrasyon.
June 2022, isang buwan bago nag-appoint si Pangulong Bongbong Marcos ng bagong FDCP chair, naghayag si Liza ng kagustuhang ipagpatuloy ang chairmanship sakaling payagan ng Pangulo.
Nanghihinayang daw kasi siya sa mga kauumpisa pa lang na proyekto ng FDCP na baka mapurnada kung magkaroon ng bagong liderato sa film council.
Bahagi ng pahayag ni Liza sa eksklusibong panayam ng PEP noong June 10, 2022:
"Ang dami pa naming challenges from the filmmakers kasi nga hindi pa nila naiintindihan yung program.
"Pag nag-back to zero ka, start from scratch ka uli, ang hirap, kasi relationship-based ang industry natin.
"Taon ang bubunuin mo para mabuo mo yung ganung klaseng clout and network."
Read: Liza Diño hopes to continue working as FDCP chairperson under BBM admin
May katuwiran ang paliwanag ni Liza, pero iba ang pinili ng Pangulo para sa FDCP chairmanship.
TIRSO FINALLY ASSUMES OFFICE AT FDCP
Ayon sa insiders na nakausap ng PEP.ph, humingi si Liza ng "extension," o palugit na manatili sa puwesto hanggang August 7, 2022.
Nakatakda pa sanang lumipad si Liza pa-Switzerland para sa Locarno International Film Festival noong August 7.
Pero hindi na raw binigyan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng permission to travel si Liza dahil may bago nang chair ang FDCP.
Kuwento pa ng industry sources, may taong nag-tip kay Tirso na dumating na ang kanyang appointment papers.
Anila, July 2 pa nang unang malaman ni Tirso na maaari na siyang mag-report sa FDCP office.
Nagte-taping sa Ilocos noon si Tirso, at hora-horada raw nagmaneho pabalik ng Maynila.
Pero July 21, 2022 na nang pormal na pumasok sa opisina si Tirso bilang bagong FDCP chair.
Inilabas noon ng PEP ang litrato ng transition meeting nina Tirso at Liza, base sa Instagram post ng anak ni Tirso na si Djanin Cruz.
Read: Djanin Cruz shows transition meeting of dad Tirso Cruz III and FDCP former chair Liza Diño
Noon ding gabi ng July 21, naiulat sa PEP ang Facebook Live ni Liza, kunsaan ibinahagi nito ang pag-welcome niya kay Tirso sa FDCP office.
Sinabi rin niyang nag-present siya ng accomplishments ng FDCP sa nagdaang anim na taong umupo siya bilang FDCP chair, bilang patunay ng patuloy niyang pagsuporta sa film council.
Nagpasalamat din noon si Liza sa lahat ng supporters niya, at saka siya nagpaalam ng— “This is Chair Liza signing off.”
LIZA TREATED FDCP AS HER "BABY," SAYS ICE
Noong January 2023, sa panayam ng PEP.ph, ang partner ni Liza na si Ice Seguerra ang nagsabing "grabe ang lagapak" ni Liza, sa sobrang "lungkot," nang bumaba ito sa puwesto sa FDCP.
Hindi lang daw kasi "baby" kundi parang "asawa" ang turing ni Liza sa trabaho nito sa FDCP.
Kaya sabi ni Ice, perfect timing ang paglabas ng papeles ng kanilang Fire And Ice Media Productions, Inc., dahil ito na ang pinagkakaabalahan nila ni Liza ngayon.
Read: Ice Seguerra recalls Liza Diño "grabe ang lagapak" after FDCP stint; Liza now busy with own company
