Humingi ng dalawang araw na palugit sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kampo ni Luis Manzano kaugnay sa subpoena na ipinadala sa bahay ng TV host-actor sa Taguig City noong February 7, 2023.
Ayon sa ulat ng DZBB, may kinalaman ito sa reklamong estafa na inihain sa NBI ng investors ng Flex Fuel Petroleum Corporation.
Read: Luis Manzano in hot water over investment issue involving "childhood friend"
Sa sulat na ipinadala sa NBI na pirmado ni Atty. Augusto Fermo, humiling ang kampo ni Luis ng palugit upang mangalap pa ng karagdagang impormasyon at dokumento tungkol sa nasabing reklamo.
Noong February 10, inulat ng 24 Oras ng GMA-7 ang tungkol sa nasabing subpoena.
Nakasaad sa subpoena na dapat ay personal na pumunta sa NBI si Luis sa ganap na ika-10 ng umaga ngayong araw.
Bahagi ng nakalagay sa subpoena: "Under and by virtue of the authority vested in me by Republic Act No. 10867, you are hereby commanded to be and appear in the CRIMINAL INTELLIGENCE DIVISION (CRID), National Bureau of Investigation, V-Tech Tower, Araneta Ave., corner Maria Clara St., Quezon City at 10:00 a.m. on the 13th day of February 2023, then and there to give your evidence in a certain investigation to be held at that time and place, conducted by the undersigned. Re: Investigation being conducted on alleged ESTAFA against you."

FLEX FUEL CONTROVERSY
Noong January 31, 2023, iniulat dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na humingi ng tulong ang Kapamilya TV host-actor sa NBI para imbestigahan ang Flex Fuel Petroleum Corporation.
Ipinaliwanag ni Luis sa kanyang sulat kay NBI Director Atty. Medardo de Lemos, sa pamamagitan ng kanyang legal counsel na si Atty. Regidor Caringal noong November 8, 2022, ang kanyang panig ukol sa kinasasangkutang kontrobersiya.
Nakasaad dito na wala nang kinalaman si Luis sa nasabing kompanya.
Ayon kay Luis, nagpasya siyang alisin ang kanyang interes at nagbitiw bilang chairman of the board ng mga korporasyon ng grupo ng ICM na pinamumunuan ng kaibigan at business partner niyang si Ildefonso "Bong" Medel.
Si Medel ang chief executive officer ng ICM Group, na nagpapatakbo sa maraming kompanya kabilang ang Flex Fuel.
Si Medel ay "childhood friend" ni Luis. Siya rin ang "best man sa kasal" nina Luis at Jessy Mendiola noong February 21, 2021.
Kasosyo rin ni Luis si Medel sa isang taxi line at convenience stores.
Ayon kay Luis, lumapit sa kanya ang mga investors ng Flex Fuel na nais mabawi ang mga perang isinosyo nila sa naturang fuel company.
May pagkakautang din umanong P66 million si Medel sa TV host-actor.
Pahayag pa ni Atty. Caringal tungkol sa paglapit ni Luis sa NBI para imbestigahan ang reklamo ng investors dahil nabigo si Medel na lutasin ang problema: “Various individuals claiming to be investors/co-owners of Flex Fuel have been reaching out to our client for assistance.”
Ipinaliwanag ni Luis sa kanyang affidavit noong December 21, 2022 na itinalaga siya ni Medel bilang chairman of the board ng mga kompanya nito bilang "one of the guaranties for my investment."
Pero giit ni Luis, "I never took part in the management of the business."
Nagbitiw raw ang Kapamilya star sa kanyang tungkulin at dumistansiya na mula sa ICM group companies at sa Flex Fuel.
"Bong conducted the business in such a way that operational matters were kept away from me," sabi ni Luis.
Ayon pa kay Luis, inilihim umano sa kanya ni Medel ang mga mahahalagang bagay tungkol sa kompanya.
Nakasaad din sa affidavit ni Luis na matapos niyang magbitiw mula sa Flex Fuel at sa ibang kompanya ng ICM noong February 2022, humingi sa kanya ng tulong ang mga investors.
Ipinarating daw niya ito kay Medel pero wala umano itong aksyong ginawa.
"Up to now, there are still individuals reaching out to me for help and assistance regarding their investments in Flex Fuel," ani Luis.
Read: Luis Manzano seeks NBI's help to investigate Flex Fuel Corporation
