Ibinahagi ng netizen na si Dexter Barbosa sa kanyang Facebook account last February 10, 2023 ang larawan ng namayapang aktres na si Claudia Zobel.
Nilagyan niya ito ng caption na, “Remembering Claudia Zobel on her 39th death anniversary.”
Isang Pinoy pop culture enthusiast at magazine collector si Dexter.
Big fan din siya ni Claudia.
Kabilang sa kanyang koleksyon ang mga printed photos and magazines ng mga sexy stars noong dekada 1980.
Nagbigay siya ng pahintulot na magamit ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang larawang ito ni Claudia,
Sumakabilang buhay ang aktres noong February 10, 1984 sa edad na 19 dahil sa car accident na naganap sa Makati City.
Ang mas malungkot, ilang araw na lang sana ay 20th birthday na niya.

Isinilang siya sa San Roque, Barangay Mambaling, Cebu noong February 27, 1964.
Na-discover siya habang nasa isang party noong 1982.
Ang tunay na pangalan ni Claudia ay Thelma Maloloy-on.
Read also: Throwback photos ni Alma Moreno, “highly collectible” sa mga tito
Maganda ang takbo ng showbiz career niya bago siya pumanaw.
May exclusive contract siya noon sa Regal Films.
Ang minamaneho niyang kotse ay bumangga sa kasalubong na Brasilia car.
Namatay siya habang nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center.
Ayon sa mga nakakakila sa kanya noong panahong iyon, nag-aaral pa lang magmaneho si Claudia.
Sa ulat ng pulisya, nawalan siya ng kontrol sa minamanehong Mitsubishi Colt nang bumangga ang kaliwang gulong sa unahan sa island gutter.
Bumaligtad ang kotse sa kabilang side at bumangga sa paparating na Brasilia.
Naipit si Claudia sa pagitan ng driver’s seat at ng manibela.
Inabot ng 15 minuto bago siya nakuha sa sasakyan.
Ayon sa malalapit na kaibigan ng aktres, nang maganap ang aksidente ay depressed ito matapos ang breakup sa boyfriend na nakilala lang sa pangalang “Jeffrey.”

Sumikat si Claudia nang ipagbawal ng Board of Censors (MTRCB ngayon) ang kanyang launching movie na Shame noong 1983.
Katambal niya rito si Patrick Dela Rosa, sa direksyon ni Elwood Perez. (in first photo)
Bukod sa Shame, nagbida rin siya sa mga sexy films na Magdalena sa Buong Magdamag, Uhaw sa Pag-ibig, at Sinner or Saint na pawang ipinalabas noong 1984.
Lumabas din siya sa Drakula (1982), at Kapit sa Patalim (1984).

Dahil sa kanyang angking kagandahan, morenang kutis at exotic looks, naging pantasya si Claudia noon ng mga kalalakihan.
Gayunpaman, hindi lang siya basta sexy star dahil may lalim ang kanyang acting.
Naging best actress siya sa Urian Awards para sa Sinner or Saint.
