Ipinagpapasalamat ni Pokwang na hindi sila kasal ng dating karelasyong si Lee O’Brian.
Sa katunayan, ang dinadalang apelyido ng kanilang five-year-old daughter na si Malia ay Subong, ang apelyido ni Pokwang, hindi O'Brian.
Sa Instagram post ni Pokwang kasama si Malia nitong Biyernes, February 3, 2023, makahulugan ang caption ng Kapuso host-comedienne.
Matutukoy na may kinalaman ito sa tell-all interview ni Pokwang sa Fast Talk With Boy Abunda tungkol sa breakup nila ni Lee nitong Biyernes.
Caption ni Pokwang sa post: “Done!!! It’s time to fly high and be happy again with my true Love.”
Sa comments section, nagkomento ang isang netizen (published as is): “Nakesh mukang nag file na nang annulment eh.”
Sagot ni Pokwang: “hindi po kami kasal buti nalang.”

Sa interview ni Boy, inisa-isa ni Pokwang kung bakit nauwi sa hiwalayan ang pagsasama nila ni Lee.
Sinabi ni Pokwang na nasira ang tiwala niya kay Lee, na binigyan niya ito ng puhunan para magnegosyo pero bandang huli ay pinag-ugatan pa ito ng kanilang away.
Inamin ni Pokwang na sa loob ng kanilang pagsasama, siya lahat ang gumagastos at wala umanong naging kontribusyon si Lee pagdating sa child support.
Himutok pa ni Pokwang, pakiramdam niya ay hindi umano siya minahal ni Lee.
Read: Pokwang on ex-partner Lee O'Brian: "Feeling ko, hindi niya ako minahal talaga."
OGIE DIAZ REVEALS POKWANG'S SIDE ON BREAKUP
Bago pa man ma-interview ni Boy Abunda si Pokwang, nagkuwento na ang showbiz columnist na si Ogie Diaz sa kanyang vlog noong February 1.
Binanggit ni Ogie na ipinagpaalam muna niya kay Pokwang ang kanyang mga sasabihin.
Tugma ang mga rebelasyon ni Ogie sa mga isiniwalat ni Pokwang kay Boy, tulad ng money issue, pagtatakip kay Lee noong una, pagkakaroon umano ng ibang babae ni Lee, at marami pang iba.
Isiniwalat ni Ogie na noong 2021 pa hiwalay sina Pokwang at Lee.
Literal daw na si Pokwang ang “gumastos lahat” sa maraming taon nilang pagsasama, pati na raw ang trips abroad ni Lee.
Ganito raw ang naging pahayag ni Pokwang kay Ogie: “Mare, ako lahat. Imagine-in mo kung gaano ako ka-martir.
“Nagtiis ako dahil meron kaming anak na dapat naming buhayin, na dapat makita ni Malia na maayos kami. Yun ang pilit kong binubuo, pero wala.”
Binanggit din ni Ogie na ang apelyido ni Pokwang ang bitbit ni Malia, at hindi kasal sina Pokwang at Lee.
Patunay raw nito ang isang previous post ni Pokwang na isinulat ang buong pangalan ni Malia.

Isiniwalat din ni Ogie na nakatakda sanang lumipad sa Amerika sina Lee at Malia para dalawin ang mga magulang ni Lee.
Naka-schedule na lumipad ang mag-ama sa February 21.
Pero kasunod ng isyu, hindi na raw papayagan ni Pokwang na isama ni Lee si Malia.
Ani Ogie: “Nagkakagulo na sila, bakit siya [Pokwang] papayag? Hindi mabibitbit ni Papang [Lee] si Malia sa US.
“Tapos sabi niya [Pokwang], siya [Lee] na ang bahalang magpaliwanag sa nanay at tatay niya kung bakit hindi nila makikita si Malia.”
Marami raw pagkakataong ibinigay si Pokwang kay Lee na makapag-usap sila at subukang ayusin ang pagsasama, subalit si Lee raw ang umiiwas na magkaharap sila.
