Walang patid ang pagbuhos ng luha ni Pokwang nang magkuwento siya tungkol sa paghihiwalay nila ni Lee O’Brian, ang ama ng kanyang five-year-old daughter na si Malia, sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Biyernes ng hapon, February 3, 2023.
Naging totoo si Pokwang sa sarili nang sabihin nitong umasa siyang magkakabalikan pa sila ni Lee kaya nagsinungaling siya sa interbyu sa kanya ni Nelson Canlas ng 24 Oras noong July 2022.
Sa panayam ng 24 Oras, pinabulaanan ni Pokwang ang mga haka-hakang hiniwalayan niya si Lee dahil palamunin ito, at walang katotohanang may kinalaman sa pera ang pagkawasak ng kanilang relasyon.
Read: Pokwang defends ex-partner Lee O’Brian from "palamunin" accusation: “Masipag po yung tao.”
Pero sa pag-uusap nila ni Boy Abunda ngayong araw, inamin ni Pokwang ang ginawa niyang pagsisinungaling dahil may kinalaman sa pera ang pinag-ugatan ng away nila ni Lee.
Ipinagtapat ni Pokwang na binigyan niya si Lee ng puhunan para sa negosyong binuksan nila, pero walang perang bumalik sa kanya.
Saad niya, “Karapatan ko kasi bilang partner mo sa negosyo na malaman, 'Ano na tayo? Nasaan na tayo? Anong nangyayari?'
"Nagpapa-update lang naman ako sa kanya na, feeling ko, karapatan ko yon. Ang dating sa kanya agad, hindi niya nagustuhan.
“Halos one year na akong walang naririnig. Normal lang naman yon, e. 'Nung last month, ito ang gastos natin.' Yun lang naman ang hinihingi ko.
“Hindi niya nagustuhan. Parang ang dating sa kanya, hinuhusgahan ko na siya agad. Parang tinanggalan niya ako ng karapatan na malaman..."
Pagpapatuloy ni Pokwang, "Kaya nga tayo nagnenegosyo para sa bata.
"Sa ating mga artista, hindi naman tayo laging may project. Hindi tayo laging sikat. Hindi laging may spotlight. So, maganda yung nakaisip kami ng negosyo.
“Hindi niya talaga siguro nagustuhan yung nagtanong ako."
Related Stories:
- Pokwang drops bomb about ex-partner Lee O’Brian: “May nilalandi na sya.”
- Pokwang takes swipe at Lee O'Brian's new relationship: "Akala ko ba ako na ang chaka?”
- Pokwang tells on ex-partner Lee O'Brian not giving child support: “5years!!!!”
- Pokwang on ex-partner Lee O’Brian: “Anim na taon ko na pala siya palamunin.”
POKWANG STILL LOVES LEE
Hindi mapatid ang pagluha ni Pokwang nang aminin nitong mahal pa rin niya si Lee.
Bilang isang ina, umaasa raw siyang maaayos pa ang kanilang problema, kahit nasasaktan nang husto ang kanyang kalooban dahil sa pakiramdam na hindi siya totoong minahal ng dating karelasyon.
“Umaasa ako na maaayos pa kami, kahit ang sakit-sakit na sa akin. Kailangan kong magsinungaling kasi umaasa ako na aayusin pa niya, magkakaayos pa kami.
“Marami akong ibinigay na chance. Marami akong mga ibinigay na signals sa kanya na, ‘Please, ayusin mo naman ito para kay Malia.’
“The more na nagtatanong yung bata, the more na nagbibigay ako ng signs.
"'Eto kami, eto kami ng anak mo. Handa akong magsinungaling. Handa akong lunukin lahat. Buuin mo lang kami. Mabuo lang tayo ulit.'"
Pag-amin ni Pokwang: “Mahal ko siya. Sa totoo lang, mahal ko siya kaya nagawa kong magsinungaling, pagtakpan ko siya, dahil umaasa ako na magkakabalikan pa kami.”

Tinanong ni Boy si Pokwang kung ano ang tunay na rason ng kanilang paghihiwalay,
“Parang nawala na yung respeto,” sagot ni Pokwang.
“Bago pa nangyari yung confrontation namin sa negosyo, hindi na kami nag-uusap. We don’t exist to each other.
“Nagsasalubong kami sa hagdan, parang wala. Parang nabalewala lahat yung mga isinacrifice ko. Yung pagtatanggol ko sa kanya sa pamilya ko.
“Marami akong mga kaibigan na ayaw sa kanya. Marami akong mga supporter na sinasabi na, 'Huwag ‘yan.' Hindi siya tama pero ipinaglalaban ko siya kaya ako ganito.
“Kaya ako nasasaktan kasi sayang lahat. Sayang lahat yung mga pagtatakip ko. Sayang yung lahat ng paglaban ko para sa yo.
"Nawala yung ibang kaibigan ko. Nag-away kami ng mga kamag-anak ko dahil sa pagtatanggol ko sa kanya.
“Ang hinihingi ko lang naman, mabuo tayo ulit para sa bata. Lunukin mo naman yung pride mo…”
POKWANG FEELS LEE NEVER LOVED HER
Hindi itinanggi ni Pokwang na siya ang nagpaalis kay Lee mula sa kanyang tahanan dahil ito ang nakita niyang wastong solusyon para hindi masaksihan ng kanilang anak ang mga pag-aaway nila.
Naluluha pa ring lahad niya, “Sabi ko, siguro mas mabuti muna yung maglayo muna kami.
"But still, as a mom, wala pong mga nanay na mangangarap na tuluyang mawasak ang pamilya.
“Kung alam lang nila, gabi-gabi kong ipinagdarasal, ‘Babalik ka. Babalik ka. Ayusin mo ito.'
“Sabi ko, one day, mag-aayos kami. Lulunukin niya ang pride niya. Yun ang ipinagdarasal ko talaga. Gabi-gabi akong umiiyak."
Pagtatapat pa niya: “Ever since na naging kami, hindi siya nag-sorry sa akin. Hindi ko narinig yung word na sorry for six years.
“Kapag nag-aaway kami, hindi ko naririnig yung word na sorry ever.
“Feeling ko, hindi niya ako minahal talaga. Feeling ko, hindi niya ako minahal. Nagkaanak lang kami pero feeling ko dahil nandiyan na ‘yan.”
Kasunod na tanong ni Boy: “Bakit feeling mo, hindi ka niya minahal?"
Tugon ng comedienne-TV host, "Tito Boy, bakit kailangan niya patagalin ng one year? Dapat, kung talagang mahal niya kaming mag-iina, one month, two months…
"Saka Valentine’s, Mother’s Day, wala akong natatanggap na bulaklak. Hindi sa nagiging demanding ako. Nagtatanong lang ako."
Sinagot din ni Pokwang ang tanong kung paano niya nalamang may iba nang babae si Lee.
Saad niya, “Marami akong kaibigan na nakikita siya, may kasama siya.
"Sabi ko, baka kaibigan ng ano niya. Hindi ko binigyan ng malisya. Pero yung anak ko na ang nagsabi.
“Sinundo ko yung bata [Malia], galing ako ng Dumaguete. Sinundo ko siya dun sa condo niya [Lee].
“Sabi lang nung bata, ‘There’s a lady talking to Dada with the same color of your skin.’
“Hindi ko na lang ipinakita, umiyak ako nang hindi ko ipinakita sa bata. Kinimkim ko yon.
"Sa loob-loob ko, 'This is it, anak. Wala na…'"