Laman ng headlines sa showbiz nitong nakaraang linggo ang mga sinabi ni Carlo Aquino tungkol sa anak na si Mithi sa ex-partner nitong si Trina Candaza.
Ayon sa aktor, hindi niya nakikita ang anak mula pa noong November 2022. Sinabi rin niyang siya naman ang nagsusustento sa mag-ina.
Sa panayam ni Trina sa vlog ni Ogie Diaz na lumabas kahapon, January 15, 2023, itinuwid ng dalaga ang mga alegasyon ni Carlo.
Hindi raw totoo ang mga sinabi ni Carlo.
Pahayag ni Trina: “...yung mga headline ngayon na hindi ko raw pinapahiram si Mithi at siya ang bumubuhay sa aming dalawa... that's not true.
"Kasi, I also pay half of our expenses. So, para sa akin, dalawa kaming nagpu-provide.
“Puwede naman niya sabihin na nagsusustento siya kay Mithi, kasi totoo yun, pero para sabihin niya na binubuhay niya ako—nakaka-offend sa part ko."
Dito binanggit ni Trina ang efforts niya para magka-endorsement deals at magkaroon ng sariling business. Sinabi rin nitong may mababait na taong nagturo sa kanya para makapagsimula.
“Nagtatrabaho rin ako. Naghahanap ako ng ways of income para ma-provide ko ang kulang dun sa ibinibigay niyang sustento."
Nagbahagi rin si Trina ng pananaw niya sa kalalakihan pagdating sa pagbigay ng sustento.
Saad ni Trina: "Napansin ko lang, kapag ang lalake nagbibigay ng sustento for a month, mabuting tatay na sila.
"Pero kapag sa mga single moms, nagtatrabaho kami, inaalagan namin yung anak namin, kapag may sakit yung bata, kami.
"Pero once na may mali kaming magawa, masamang ina na kami."
Dagdag ni Trina, "Kay Carlo, yung sustento niya, he can earn it in a day. Pero ako, yung pinu-provide ko na half, ilang trabaho yung katapat."
Idiniin din ni Trina na hindi niya ipinagdadamot si Mithi kay Carlo.
Aniya, “Kung gusto niya makipag-usap sa akin privately and i-address yung mga issues namin sa co-parenting, I am open.
“Hindi ko ipinagdadamot. It’s just that hindi siya pumupunta.”
Ano ang masasabi ni Trina sa lumabas sa interview kay Carlo na parang hinihigpitan niyang makita ng aktor ang kanilang anak?
Paglilinaw nito, “Hindi naman kasi siya nag-ask kung puwede siyang dumalaw sa condo. Parang naalala ko pa nga dati... may time pa nga na sinasabihan ko siya na, ‘Wala ako sa condo, puntahan mo si Mithi.’”
Pupumunta ba si Carlo?
Tugon ni Trina, “Pumupunta siya kapag gusto niyang mag-visit, ngayon hindi na.
"Puwede naman siyang pumunta sa condo. Yung grandparents ni Mithi, puwede silang pumunta sa condo, pero kausapin nila ako kasi ako yung nanay."
DECEMBER 2021
Sa panayam pa rin niya kay Ogie, ipinagtapat ni Trina na hiwalay na sila ni Carlo noong December 2021 pa lamang.
Naikubli raw nila ito ng ilang buwan bago tuluyang lumabas sa publiko na hiwalay na nga sila.
Ngunit ayaw raw niyang isapubliko ang dahilan ng hiwalayan nila ni Carlo dahil baka balang araw ay mapanood ng anak ang panayam.
Inamin din ni Trina na siya ang umalis sa tinitirhan nila noon ni Carlo.
Read: Trina Candaza moves out of Carlo Aquino's home; brings daughter with her
Pag-amin niya, naging “toxic” din siya noon sa kanilang pagsasama, na maaaring isa sa mga dahilan kung bakit tinabangan si Carlo sa kanya.
Saad ni Trina, "I can admit that ang toxic ko that time, but I tried to be positive para sa anak namin."
Hanggang sa dumating na raw sa punto na napagtanto niyang hindi magwu-work ang relasyon nila ni Carlo.
At sa loob ng isang taon, naging single sila pareho.
Pero si Carlo ay nakahanap na ng bagong dini-date, at umingay ito dahil sa dinner pictures ni Carlo kasama si Charlie Dizon.
Read: Is Charlie Dizon in relationship with Carlo Aquino?
Sa isang panayam, kinumpirma ni Carlo na nagdi-date nga sila ni Charlie ngayon.
Ayon pa rito, very positive outlook ang nakikita niya kay Charlie.
Read: Carlo Aquino confirms dating Charlie Dizon
Ano naman ang masasabi ni Trina tungkol dito?
Sagot niya, “Wala na ako sa posisyon para magsalita about that kasi it’s their relationship.
"And siguro puwede lang ako makapagbigay ng opinion ko kapag ka magiging nanay [stepmom] na siya ni Mithi.”
Wala pang reaksiyon si Carlo sa panayam na ito ni Trina.
