Si Teresa Loyzaga na mismo ang nagsabing masayang-masaya siya dahil unti-unti nang naaayos ang kawing-kawing na sigalot na likha ng mga relasyon ng dating boyfriend niyang si Cesar Montano.
Makalipas ang maraming taong pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan, muling nadugtungan ng tulay ang relasyon ni Cesar sa ex-wife nitong si Sunshine Cruz kalagitnaan ng taong 2022.
Mula 2013 hanggang 2021, hindi naging maganda ang ugnayan ng dating mag-asawa. Pero pinatunayan nila nitong nakaraang taon na maaring maisaayos ang kanilang pagkakaibigan para sa tatlong anak nila.
Puro babae ang anak ni Cesar kay Sunshine: sina Angelina, Sam, at Chesca.
Nitong pagpasok ng taong 2023, natupad na ang kahilingan ng mga anak ng dalawa na magdiwang ng New Year’s eve na magkakasama.
Nangyari ito sa isang resort sa Bohol, ang probinsiya ni Cesar.
Bukod pa rito, kasama rin nila ang current partner ni Cesar na si Ma. Socorro “Kath” Angeles, ang tatlong supling nina Cesar at Kath, at ang anak ni Teresa kay Cesar na si Diego Loyzaga.
Pahayag ni Teresa sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Huwebes, January 5, 2023, sa bandang huli talaga ay pag-ibig at pagkakaroon ng kapayapaan sa bawat isa ang makapagbibigay ng kaligayahan sa tao.
Bulalas pa niya, “It’s just beautiful!”
Buong mensahe niya sa pamamagitan ng Viber messaging: “Love and Peace always wins!! It’s just Beautiful! GOD is good all the time.”
Bukod sa tanggap ng kani-kanilang pamilya ang “blended family” nina Cesar, Sunshine, at Kath, positibo rin ang pagtanggap dito ng publiko.
Read: Sunshine Cruz thanks everyone for appreciating her “blended” family: “Oras na kalimutan ang past.”
