Humakot ng pitong awards ang techno-horror movie na Deleter, kabilang ang Best Picture, sa katatapos lamang na Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022.
Ginanap ang awards night sa New Frontier Theater sa may Cubao, Quezon City, ngayong Martes, December 27, 2022.
Napanalunan ng lead star ng Deleter na si Nadine Lustre ang kanyang kauna-unahang Best Actress trophy mula sa MMFF.

Nadine Lustre
Nagwagi si Nadine para sa kanyang pagganap bilang empleyado sa isang online content moderation office kung saan ang "deleters" ay hinaharang ang pag-upload ng graphic contents sa social media platforms.
Ang mga nakalaban niya sa kategoryang ito ay sina Ivana Alawi (Partners In Crime), Toni Gonzaga (My Teacher), at Heaven Peralejo (Nanahimik ang Gabi).
Bukod sa Best Picture at Best Actress, nagwagi rin ang Deleter bilang Best Cinematography, Best Editing, Best Visual Effects, Best Sound, at Best Director para kay Mikhail Red.

Mikhail Red
Tinalo ni Mikhail sa kategoryang Best Director sina Shugo Praico (Nanahimik Ang Gabi), Lester Dimaranan (Mamasapano: Now It Can Be Told), Joel Lamangan (My Father, Myself), at Paul Soriano (My Teacher).
Ang Deleter ay mula sa Viva Films.
Si Ian Veneracion naman ang itinanghal na Best Actor para sa kanyang pagganap bilang sugar daddy na may lihim na itinatago sa pelikulang Nanahimik Ang Gabi. Tinalo niya sa ketagoryang ito sina Jake Cuenca (My Father, Myself) at Noel Trinidad (Family Matters).
Ito ang kauna-unahang Best Actor award ni Ian sa loob ng kanyang humigit-kumulang 40 taon bilang aktor.

Ian Veneracion
Bukod sa pagkakahirang sa kanila bilang Best Actress at Best Actor, sina Nadine at Ian din ang itinanghal na Stars of the Night.

Ian Veneracion and Nadine Lustre
Sina Dimples Romana at Mon Confiado naman ang itinanghal na Best Supporting Actress at Best Supporting Actor, respectively.
Si Dimples ay nagwagi para sa kanyang pagganap bilang matiising asawa sa My Father, Myself. Tinalo niya ang co-star na si Tiffany Grey at si Louise delos Reyes ng Deleter.
Hindi nakadalo si Dimples sa awards night.
Habang si Mon naman ay nagwagi para sa kanyang pagganap bilang misteryosong estranghero sa Nanahimik Ang Gabi. Nakalaban niya sa kategoryang ito sina Nonie Buencamino ng Family Matters at Sean de Guzman ng My Father, Myself.

Mon Confiado
Ang Mamasapano: Now It Can Be Told ang nagwaging Best Screenplay para sa script ni Eric Ramos. Tinalo nito ang mga screenplay ng Nanahimik Ang Gabi, My Teacher, at My Father, Myself.
Kung nakapitong awards ang Deleter, nakalima ang Nanahimik ang Gabi, nakaapat ang Mamasapano: Now It Can Be Told, nakatatlo ang My Father, Myself, at tig-isa ang Family Matters at My Teacher.
Ang biggest surprise o snub sa Gabi ng Parangal ng MMFF 2022 ay halos walang napanalunang award ang pinag-uusapang Family Matters, sa kabila ng marami ang humuhulang ito ang maghahakot ng awards.
Ang tanging napanalunan ng family drama na ito ay ang Gatpuno Antonio J. Villegas Award.
Wala namang napanalunang tropeyo ang nangunguna sa takilya na Partners In Crime at ang Labyu With An Accent.
Ang recipient ng Marichu Vera-Perez Maceda Memorial Award ngayong taon ay ang Star For All Seasons na si Vilma Santos.

Vilma Santos
Ang nagsilbing hosts ng MMFF 2022 Gabi ng Parangal ay sina Giselle Sanchez, Cindy Miranda, at BB Gandanghari.

Giselle Sanchez, BB Gandanghari, and Cindy Miranda
Ito ang kumpletong listahan ng mga nanalo sa MMFF 2022 Gabi ng Parangal:
Best Picture: Deleter
2nd Best Picture: Mamasapano: Now It Can Be Told
3rd Best Picture: Nanahimik Ang Gabi
Best Actress: Nadine Lustre (Deleter)
Best Actor: Ian Veneracion (Nanahimik Ang Gabi)
Best Director: Mikhail Red (Deleter)
Best Supporting Actor: Mon Confiado (Nanahimik Ang Gabi)
Best Supporting Actress: Dimples Romana (My Father, Myself)
Best Screenplay: Eric Ramos (Mamasapano: Now It Can Be Told)
Fernando Poe Jr. Memorial Award for Excellence: Mamasapano: Now It Can Be Told
Gatpuno Antonio J. Villegas Award: Family Matters
Gender Sensitivity Award: My Teacher
Best Child Performer: Shawn Niño Gabriel (My Father, Myself)
Best Cinematogaphy: Deleter
Best Editing: Deleter
Best Production Design: Nanahimik Ang Gabi
Best Visual Effects: Deleter
Best Original Theme Song: "Aking Mahal" sung and composed by Atty. Ferdinand Topacio (Mamasapano: Now It Can Be Told)
Best Musical Score: Nanahimik Ang Gabi
Best Sound: Deleter
Best Float: My Father, Myself
SPECIAL AWARDS:
Marichu Vera-Perez Maceda Memorial Award: Vilma Santos
Stars of the Night: Ian Veneracion and Nadine Lustre
