Hindi malamig ang Pasko at Bagong Taon ni Angelie Reposposa, mas kilala bilang Lie.
May love life na kasi ang dating Pinoy Big Brother 8 (PBB Otso) Housemate.
Ibinahagi niya sa kanyang Instagram account ang kanyang relationship status matapos mag-post ng mga larawan kasama ang isang foreigner sa isang clothing store.

Ang caption niya sa nai-post niyang photos (published as is): “Your my sun and moon your everything between in the middle of the stars collide with you.”
Nilagyan niya ito ng hashtag na #rodtoo4ever (road to forever).
Nag-upload din ng video ang kanyang boyfriend, na nakilalang si Paul, sa IG nito, na may simpleng caption na: “Happy Days.”
Masayang nagkomento naman ang ilang celebrities at netizens sa bagong kaganapan sa buhay ni Lie.
Anang singer na si Enzo Almario, “Ay iba den!”
Hirit naman ng dating ka-housemate ni Lie na si Kiara Takahashi, “May nanalo na.”
May mga nagsabing pogi ang boyfriend ni Lie.
At sana all daw ay may love life tulad niya.

Taong 2019 nang pumasok si Lie sa Bahay ni Kuya kung saan naging sixth placer siya.
Sa nasabing taon din siya naglabas ng single na may title na “Sana Sana.”
Una siyang lumahok sa “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime!
Hindi siya pinalad sa nasabing singing contest, pero napansin ang kanyang pagiging kuwela at binigyan ng chance na makapag-audition sa PBB Otso hanggang makapasok nga sa Bahay ni Kuya.
Nakasali rin si Lie sa Your Face Sounds Familiar Season 3 noong 2021.
Sa nasabing show ay tinagurian siyang "Pinoy Big Belter."
Matatandaang nag-trending din siya noon nang i-share niya ang kanyang naging sama ng loob matapos malaman na bina-back stab siya ng kanyang guro.
Sa kanyang social media accounts ay nai-post niya ang screenshot ng messages ng kanyang guro sa kanyang mga kaklase kung saan nabanggit na “feeling artista” si Lie.
Himutok niya noon sa nasabing isyu, “Di ko alam ano ang mararamdaman ko; maiiyak ba ako o maiinis?
“Gusto ko lang namang pagsabayin yung pag-aaral at pagtatrabaho. Kaya nag-ALS ako para matulungan ko ang mga magulang ko.”
