Mahigit apat na dekada na sa local entertainment industry si Carmi Martin.
1980 nung bumida siya bilang isa sa Dolphy’s Angels, along with Anna Marie Gutierrez, Yehlen Catral, and Liz Alindogan.
Sa tinagal-tagal niya sa showbiz, meron na siyang nakaengkuwentrong co-star na attitude o pasaway, na-late sa set tapos ay ni hindi nag-sorry.
Napangiti si Carmi, “Ahh oo, may na-award na ako. Basta, it was long time ago. Meron akong soap sa ABS-CBN. Sobrang tagal.
“Tapos ilang beses nangyari. Pag dadating, yung… di man lang nagso-sorry to anyone, or nagbibigay pugay sa mga beteranong artista.
“So isang araw, na-award ko. Sinabi ko, ‘Alam mo, ang tagal-tagal mo! Kanina ka pa namin iniintay!’
“Tapos mamaya sinabi, kasi raw, yung road manager, dapat nag-inform, ganyan-ganyan-ganyan.
“Tapos nag-eeksena kami, being professional, talagang parang hindi ko siya tinarayan.”
Sikat pa rin ba yung artistang yun hanggang ngayon?
“Hindi na masyado. Hindi ko na siya nakakatrabaho. Basta nakita ko siya sa isang soap,” salaysay ni Carmi.
“Basta, alam mo yung 80s, kung anu-ano ang titirahin mo para pumayat? May nagpainom sa akin ng kape. Pampa-diet daw.
“Uminit ang ulo ko. E, ilang beses nang nale-late. So ngayon, one time, hindi ko na napigilan, in-award ko na.
“Lahat, napatanga. Walang nakapagsalita. 5… 4… 3… 2… aktingan na naman kaming dalawa. Ni hindi man lang nag-sorry!
“Meron pang ibang nag-attitude, mga superstar… pero… nawala na sila.”
Pumanaw na or what?
“Hindi namatay. Wala na sa eksena, inactive,” paglilinaw ni Carmi.
“Kasi, ang isang mahalaga talaga sa showbiz is that, you have a unique talent to give, di ba? And you know how to respect.
“And alam mo yun, you take care of yourself, di ba? Malaking factor din yun, yung pagiging professional. At saka yun nga, pakikisama, di ba?
“Kahit na ang talent mo ay tumulo ang luha mo kahit nagpapatawa ka, pero masama ugali mo…” pagkibit-balikat ni Carmi.
ADVICE TO SEXY NEWBIES
Isa si Carmi sa sexy stars noong 1980s.
Ang pelikula niyang Hot Property ay isa sa walong official entries ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 1983. Idinirek iyon ni Lino Brocka, at nagtampok din kina Phillip Salvador at Dennis Roldan.
Naghasik din si Carmi ng alindog sa pelikulang Laruan (1984) na nagtampok din kina Angela Perez at Mark Gil, sa direksiyon ni Emmanuel H. Borlaza.
Mapanukso rin si Carmi sa pelikulang Akin Ang Iyong Katawan (1984) kung saan co-stars niya sina Christopher de Leon, Dennis Roldan, at Maria Isabel Lopez, sa direksyon din ni Lino Brocka.
Ano ang masasabi ni Carmi sa mga bagong sexy stars ng local showbiz, lalo na iyong Vivamax babes na todo-todo sa pagtatalop at pakikipaglampungan sa co-actors?
“Yung masasabi ko lang, magtira naman kayo ng takip, ng taklob!” sambit ni Carmi.
“Huwag ninyong ibigay lahat! Kasi once na nakita na lahat… next! Iyong iba naman ang kukunin.
“So mas maganda, magkaroon kayo ng… yung mga two piece-two piece, ganyan-ganyan. Pero huwag naman yung pampaano, yung palamas, patodo, nakabukaka na and everything.
“Kasi, magtira kayo ng hahalagahan sa sarili ninyo at sa pamilya ninyo, di ba? Para naman hindi bina-bash yung… most especially now, social media tayo, di ba?
“Iba-bash yung buong pamilya mo dahil sa mga pinaggagawa mo.”
