Dahil unang tambalan ng dalawang malalaking Kapamilya stars na sina Coco Martin at Jodi Sta. Maria ang Star Cinema 2022 MMFF entry na Labyu with an Accent, isa sa inaabangan dito ay kung may kilig sa dalawa, lalo na nga at ang genre ng movie nila ay romcom-drama.
Kahit na iisa ang kanilang talent manager na si Biboy Arboleda, hindi raw inaasahan ni Jodi na makakatambal at magiging director pa rin niya si Coco.
“Hindi ko ine-expect na mangyayari ito, na magkakaroon ng film, maidi-direk ako ni Coco, at magiging leading man ko siya,” masayang pahayag ni Jodi.
“I mean, paano nga naman mangyayari, may ginagawa akong laging iba. At papunta na kayo sa longest running show, ang Ang Probinsyano, seven years.
“But siyempre, when opportunity came, siyempre, sino ba naman ako para hindi i-grab yun?
“I don’t know. May mga scene na as Tricia, I would say na may mga ganung scene talaga na habang ginagawa mo ang eksena... kasi, yung style, we’re just given a scene, magsasaluhan na lang kaming dalawa.
“Hinahayaan lang namin na tangayin kami kung saan kami dadalhin nung eksenang yun and of course, while staying faithful to our characters. May mga scene talaga na bigla na lang sumisipa yung kilig.”
JODI ENJOYS DOING LIGHT COMEDY FOR A CHANGE
Ibang-iba raw talaga ang mapapanood kay Jodi sa Labyu with an Accent kumpara sa matagal nang napapanood sa kanya ng mga manonood na kadalasan, drama talaga.
Parang naging magandang break nga kay Jodi ang genre ng pelikula nila.
Ayon dito, “It’s very different from the other roles that I’ve done before. Kasi, na-realize ko when I was doing this project and thank you very much kay Direk Coco na naisipan niya akong isama sa proyektong ‘to.
“Kasi, nakaka-miss din pala na gumawa ng something na light, romcom. Kasi, for the past how many years, I’ve been doing drama, so nakakatuwa rin na gumawa ng kalma at chill lang na character.
Ang role niya raw sa movie ay si Tricia, isang AmGirl. Nang kinailangan niyang bumalik ng Pilipinas mula sa America para pagalingin ang broken heart niya, doon daw nag-cross ang landas nila ni Gabo na ginagampanan nga ni Coco.
“After noon, panoorin niyo na lang kung ano ang nangyari ng magkatagpo silang dalawa,” natawang sabi niya.
JODI ADMIRES COCO’S WORK ETHIC
Hindi rin maikubli ni Jodi ang malaking paghanga sa kanyang leading man sa ginanap na mediacon ng Labyu with an Accent sa ABS-CBN Dolphy Theater.
Para kay Jodi, isang magandang modelo raw si Coco sa lahat ng artista.
Papuri niya sa kanyang co-star, “Bina-value niya yung trabaho. And whatever he has now, I mean, kung nasaan man siya ngayon, it didn’t happen overnight.
“It took parang ilang years, countless, sleepless nights, di ba, na pagtatrabaho and be the man who he is today and that’s something admirable and respectable,” saad ni Jodi.
Sabi pa niya, “Natutuwa lang ako sa kanya and I remember having a conversation with him, sabi ko, what you’re doing is something special. Ipinapakita na ang artista ay hindi lang artista, we can be so much more.
“We can write scripts, we can direct, we can produce our own films or TV shows. Kumbaga, that’s something worth emulating. And sabi ko, thank you for inspiring all of us.”
