Ang pinag-uusapang international film na Triangle Of Sadness, kunsaan kasali ang FAMAS award-winning actress na si Dolly de Leon, ang naging opening film sa 2022 QCinema International Film Festival na ginanap nitong Nobyembre 17, 2022, sa Gateway Atmos Cinema 5 sa Cubao, Quezon City.
Ito rin ang nagsilbing Philippine premiere ng nasabing pelikulang nagwagi ng pretihiyosong Palme d'Or sa 75th Cannes International Film Festival sa France nitong Mayo 2022.
Directed by award-winning Swedish director Ruben Ostlund, ang Triangle Of Sadness ay isang "class warfare comedy" o satire na pinapurihan ng international critics sa Cannes.
Sa after party ng QCinema na ginanap sa Tent ng Novotel Hotel sa Cubao, nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertaiment Portal) at ilan pang entertainment press si Dolly.
Tuwang-tuwa ang aktres dahil sa wakas ay napanood na rin sa Pilipinas ang kanilang pelikula.
Ano ang pakiramdam ni Dolly na panay ang palakpak ng audience sa kanyang mga eksena sa movie?
"Grabe, tuwang-tuwa ako sa kanila!" bungad niya. "Kasi, iba... Ibang-iba ang reactions ng Pinoy sa ibang mga bansa.
"Yung mga lugar... Na [dito], halatang-halatang kinakampihan nila [ang mga ginagawa ko sa eksena]."
Sobra raw ang excitement niya dahil mga kababayan na natin ang sa wakas ay nakapanood na ng foreign film niyang ito.
"Ay, oo! As in sobrang excited talaga ako. Kasi, dapat, andu'n pa rin ako [sa Amerika] para mangampanya [for Oscars 2023], pero sabi ko, gusto kong umuwi. Importante sa aking umuwi ng Pilipinas," sabi ni Dolly.
how DOLLY landed the role
Sa Triangle Of Sadness, ginagampanan ni Dolly ang role ni Abigail, isang Filipina luxury ship crew. Paano ba napunta sa kanya ang role na ito?
"Nag-audition talaga ako. Lumipad sila papuntang Pilipinas, 'tapos, pinaarte nila sa akin yung tatlong eksena, na nagbibigay ako ng pagkain, yung hindi nila binantayan yung fire, at yung isa pang eksena ni Abigail.
"In-audition ko lahat yun, may sides, binigay lang nila ang sides o mga eksena lang, hindi ko nabasa ang script."
Sa pelikula, may "intimate moments" si Dolly sa lead actor ng movie na si Harris Dickinson sa loob ng isang tent. Kumusta naman kaeksena ang guwapong foreign actor?
"Alam mo, pag umaarte kasi kayo sa eksena, hindi mo talaga... kasi, masyado ka maraming naririnig, iniisip... like yung eksena, ang blocking, ang lines...lahat!
"Okey siya kaeksena, masarap siyang kaeksena, kasi very pro siya. Mahilig siyang mag-experiment and open siya for improvisation. Lahat sila, masarap kaeksena!
"Walang mayayabang... Lahat sila, mabait! Lahat nila, sobrang bait!" pahayag pa niya.
Death of a co-star
Isang malungkot lang na pangyayari naman ang naganap nitong August 2022 kay Dolly.
Pumanaw ang co-star niya sa movie na si Charlbi Dean sa edad na 32.
Kaya ba naka-black ang Instagram profile photo niya ay dahil sa pagkasawi ng kanyang co-star?
"Yes, siya ang dahilan," malungkot na pag-amin niya. "Naging close kami [while filming]... As in, lahat naman kami sa cast ay naging close.
"Pero si Charlbi, ibang level ang naging closeness namin. Kasi, sobra kasi siyang accessible, friendly. Talagang totoong tao.
"E, di ba, model siya? Yun ang totoong profession niya, e. Pero mabait."
Kailan siya pumanaw?
"After Cannes," pahayag ni Dolly. "August 29, she died. Thirty-two years old lang siya. Hindi na niya inabot yung U.S. premiere. Hindi na rin niya inabutan yung South African premiere, that's where she's from."
Ayon sa interview ng Rolling Stones sa kapatid ni Charlbi na si Alex Jacobs, "viral infection in her lungs" ang ikinasawi ng South African model-actress.
Ano ang naramdaman ni Dolly, habang pinapanood ang mga eksena nila ni Charlbi sa Triangle Of Sadness, lalo na sa bandang ending kunsaan may isang mahalagang eksena silang ginawa?
"Hindi ko kayang makita. Hindi ko kayang manood. Hinawakan ko nga ang kamay ng daughter ko noong yun na ang part...
"Lalo na nung nagyakapan kami. Kasi, totoo yung yakap na yun, e. So, ang hirap panoorin.
"Actually, first scene pa lang, ang hirap, yung unang scene niya sa restaurant."
Since nakatrabaho niya sa movie ang banyagang aktres, kumusta ito sa off-camera o sa totoong buhay?
"She was peaceful, lady-like, warm, gentle, light, sweet, at the same time, funny, at the same time, sa work ay very empathetic, concerned about everybody. Napakabait na tao. Mabait na cool!
"Huling kita ko sa kanya, nanood kami ng Decision To Leave sa Cannes, yun yung huling araw na nagkita kami," malungkot na pagbabalik-alaala niya sa yumaong co-star.
starstruck with another cannes winner
On the lighter side, noong opening pa rin ng QCinema sa Gateway, naging star-studded ang attendance sa audience.
Kabilang sa dumalo si Jaclyn Jose, na unang Pinay actress na nanalo ng Cannes best actress award.
Ano ang feeling ni Dolly nung nakita niya sa theater si Jaclyn?
"E, siyempre, starstruck ako, no! Although nakatrabaho ko naman si Ms. Jane noon pa," banggit pa ni Dolly sa palayaw ni Jaclyn.
"Pero parang yung thought na papanoorin niya yung Triangle Of Sadness, nakakakilig. Kilig na kilig ako, as in! Starstruck ako, siyempre!"
Kung na-starstruck si Dolly kay Jaclyn sa Philippine premiere ng kanyang pelikula, starstruck din sa kanya ang Pinoy moviegoers na nakapanood ng Triangle Of Sadness.
Sa social media nga ay pinag-uusapan ang mahusay niyang performance sa pelikula.
Ano naman ang pakiramdam niyang iba na ang reception at treatment ng mga tao sa kanya ngayon?
"I feel that everybody should watch this film! That's what I feel. November 30 na ang theatrical release namin [sa Philippine cinemas].
"Masarap yung nangyari sa premiere dito, na warm ang reception and everything. Pero para sa akin, mas masarap kung maraming manonood ng pelikula."
possible oscars nomination
Mula nang magwagi ang Triangle Of Sadness sa Cannes filmfest ngayong taon at papurihan ng international film critics dahil sa ipinamalas niyang husay sa pag-arte, marami ang nagsasabing malaki ang chance ni Dolly na ma-nominate as Best Supporting Actress para naman sa Oscars 2023.
Kumusta ang takbo ng kampanya sa Oscars, so far, para sa film nila?
"Naka-break muna ako, so yung director muna namin ang nangangampanya.
"Dito muna ako sa Pilipinas, dito ako magpa-Pasko, magnu-New Year, magtatrabaho nang kaunti. Magwo-work muna.
"And then, kung papalarin, babalik ako [sa U.S]. Kung palarin... Sana!"
Ang foreign press, natutuwa at naaaliw sa kanya every time na nakakapanayam siya ng mga ito, na sinasabi nilang "cool" daw siya.
"Siguro, dahil nasanay sila na 'pag nag-i-interview sila ng Asians, hindi marunong mag-English! May mga interpreter, di ba?
"Pero sa Pilipinas naman kasi, lumaki tayong marunong mag-English, e. Karamihan... Kahit nga yung mga hindi magaling, nakakaintindi.
"Siguro, yun yung reason kung bakit naaaliw sila."
Kung sakaling suwertehin ay siya ang magiging kauna-unahang Pinay actress na mano-nominate as Best Supporting Actress sa prestihiyosong Oscar Awards.
Na-process na ba niya sa kanyang utak ang ganoong idea?
"Medyo na-process ko na naman, in a way na, first Filipino nga. Pero yung totoo, hindi pa natin alam kung magkakatotoo nga o mangyayari nga! Pero, sana, sana, sana talaga!
"Sana talaga ay ma-nominate tayo. Kasi, kung ma-nominate tayo, napakalaking karangalan yun na makakapasok tayong mga Pinoy doon, for the first time!"
Parang siya ang maaaring magbukas ng pintuan para sa Pinoy actors sa Oscars nomination, if ever.
"Sana, sana." aniya. "Ang pinaka-challenge lang talaga ay mas maano sila sa recall, yung matunog ang pangalan... E, hindi naman matunog ang pangalan natin. So, yun yung challenge."
Pero if ever ba ay may naisip na siya kung sino ang gagawa ng kanyang gown?
"Definitely, Pinoy! Sa Pinoy tayo."
pressure of being noticed
Pressure ba para kay Dolly ang pagkakapansin sa kanya sa pelikula? Sinasabi kasing dahil sa pagkakapansin sa performance niya, mas lalong nagkainteres ang film enthusiasts sa Filipino actors.
"Hindi naman pressure. Para sa akin, I mean... Actually, I feel privileged na part ako ng film industry sa Pilipinas, na mga actors, gaya ni Chai Fonacier, Soliman Cruz, yung mga gano'n.
"So, proud ako, actually. Wala naman akong nararamdaman na pressure.
"Yung pressure na yun, mas ano... Ang laki na ng expection sa akin!
"So, ine-enjoy ko na lang kung anuman ang trabahong dumating sa akin."
More than thirty years na si Dolly sa entertainment industry at pakiramdam niya ay hindi pa talaga huli ang lahat na sumubok at ituloy lang ang pangarap "to make it big," 'ika nga.
"Almost 33 years na akong umaarte," pahayag niya. "Lahat na yata ng mga roles at teleserye, nagawa ko na! Umikot na yata ako sa lahat [ng networks]!
"Parang naging training ground ko ang lahat nang iyon para matuto... Para magawa ko itong ginagawa ko now."
Sa lahat ng mga nangyayaring ito sa buhay at career ni Dolly, nao-overwhelm ba siya?
"Overwhelming yung mga nangyayari sa States, dahil nasa foreign country ka, 'tapos, hindi mo ginagamit ang sarili mong lengguwahe, 'tapos, yung timezone, iba. Wala yung pamilya mo. Yun ang overwhelming.
"Dito kasi, nasa bahay ako, nasa Pilipinas ako. Our country... So, masarap ang feeling dito.
"Hindi siya overwhelming dito, more on ang sarap ng feeling na ganito ka-warm ang pagtanggap sa 'yo na everyone is very generous and sweet in welcoming me."
Dolly's next projects
For Dolly's next projects, kasama siya sa cast ng Cinemalaya 2023 full-length film na Pukaw, directed by Carl Papa.
"Live action yung isu-shoot namin, papatungan niya ng animation. Kami ni Carlo Aquino yun.
"Nasa Keys To The Heart rin ako, with Zanjoe Marudo and Elijah Canlas, a movie for Reality Entertainment," pagbabalita ni Dolly.
Tampok din siya sa Dirty Linen isang bagong teleserye ng ABS-CBN na tatampukan pa rin ni Zanjoe with Janine Gutierrez, Francine Diaz, and Seth Fedelin.
Ang November 30 playdate ng Triangle Of Sadness sa Pilipinas ay released and distributed by TBA Studios.





