Nahihiya ang actor-director na si David Chua sa aktres na si Cristine Reyes dahil sa mga haka-hakang may relasyon sila.
Ginagamit na basehan ng netizens ang mga larawan at video nilang magkasamang nanonood ng concert ng American band na LANY sa Mall of Asia Arena noong Biyernes, November 11, 2022.
“Ewan ko ba, nag-watch lang kami ng concert, biglang marami na ang mga ganyang balita na lumalabas?” nagtatakang reaksiyon ni David nang makausap siya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ngayong Lunes ng umaga, November 14.
Si David ang lead star sa Good Will, ang bagong programa ng isang TV network.
Ayon sa aktor, isa si Cristine sa mga gusto niyang makatrabaho kaya inimbita niya ang aktres na manood ng concert ng LANY.
Saad niya, “Gusto ko si Cristine na maging part ng Good Will kaya niyaya ko siya sa concert.
“Kasama namin sa MOA ang cast ng Good Will at sabay-sabay kaming lahat na pumasok sa entrance.
“Nahihiya ako kay Cristine dahil group kami na pumunta pero bakit kaming dalawa lang ang ipinakita na magkasama?"
Kabilang sa mga kasama nina David at Cristine sa concert ay sina Devon Seron at Kat Galang.

Hindi pa raw nakakausap ni David si Cristine mula nang lumabas sa social media ang mga video at larawan nila habang nanonood ng concert ng LANY.
Walang karelasyon si David sa kasalukuyan at posibleng ito ang dahilan kaya naisip ng mga taong iugnay siya kay Cristine, na tahimik din ang personal na buhay.
Read: David Chua, makulay nga ba ang love life?
Prangkang sinabi ni David na single siya ngayon at wala muna sa isip niyang makipagrelasyon dahil nahihirapan siyang pagsabayin ang kanyang personal at professional life.
Higit sa lahat, nagdulot umano sa kanya ng trauma ang nakaraang pakikipagrelasyon niya.
“Trabaho ang nasa utak ko ngayon, hindi muna love life. Hirap ako na pagsabayin ang career at love life,” deklarasyon ni David.
Pinaplano raw ni David na kausapin ang mga namamahala sa career ni Cristine dahil sa kagustuhan niyang magkasama sila sa TV show na kanyang pinagbibidahan.