Director Loy Arcenas talks about working with actress Cherie Gil

by Bong Godinez
Published Nov 4, 2022

Marami ang nalungkot sa biglang pagpanaw ng mahusay na aktres na si Cherie Gil nung Agosto, 5, 2022.

Pumanaw si Cherie sa New York City sa Amerika dahil sa endometrial cancer. Siya ay 59.

Kasama sa pagdadalamhati ng publiko ay ang panghihinayang na hindi na muling mapapanood ang husay ni Cherie sa pag-arte sa harap ng kamera.

Kaya masayang balita nang ianunsiyo na kabilang ang huling pelikulang ginawa ni Cherie, na may pamagat na Elehiya, sa mga ipalalabas sa QCinema International Film Festival na tatakbo simula November 17 hanggang 26, 2022.

Partner cinemas ng nasabing festival ang Gateway, Trinoma, Powerplant Mall, Cinema 76, at SM North EDSA.

CONSUMMATE PROFESSIONAL

Kahapon, November 3, sa press conference na idinaos para ilunsad ang tenth edition ng QCinema International Film Festival ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters ang direktor ng Elehiya na si Loy Arcenas.

“One thing with Cherie kasi is when she works, she really works, and when she lives, she really lives life,” pagbabalik-tanaw ni Loy.

Hindi ito ang unang pagkakataong nakatrabaho ni Loy si Cherie.

Una silang nagkasama sa teatro noong 2015 nang gawin nila ang Arbol de Fuego, na hango sa Anton Chekhov classic play na The Cherry Orchard.

“Ang maganda kay Cherie is kapag nasa rehearsals kami, talagang concentrated sa rehearsals.

“But everything that happens in the rehearsal space and on stage, stays there.

“Kasi si Cherie, once we went out, e, party na kaagad,” nakangiting kuwento ng direktor.

Dagdag pa niya, “It was fun kasi it was work and it was friendship. You could not ask for more.

“Si Cherie, one thing with her is that she was never a prima donna. Hindi siya prima donna, at least not in the two productions I did.”

Ang Elehiya ay kuwento ng isang biyuda na pilit tinatakasan ang malungkot niyang nakaraan noong nabubuhay pa ang asawa.

Game daw na tinanggap ni Cherie ang pelikula nang ialok ito ni Loy, at hindi na inalam pa ng direktor kung ano ang nag-udyok sa beteranang aktres para gawin ang proyekto.

Dumaan sa maraming pagsubok ang proyekto kasama na rito ang kawalan ng platform kung saan puwede ipalabas ang pelikula.

Marami rin sa produksiyon ang nawalan ng mahal sa buhay noong kasagsagan ng pandemya dulot ng COVID-19.

Ayon kay Loy, “As a matter of fact, it was released at the beginning of pandemic. Pero we could not go further kasi ang dami-daming nangyari, ang daming nagkasakit, ang daming namatay within the family.

“Not only in the family but the people who were involved in the film.”

Bago si Cherie ay nauna nang namayapa ang veteran theater actor na si Miguel Faustmann na kasama rin sa pelikula.

"SAAN BA AKO TITIRA SA NEW YORK?"

Wala naman daw napansin si Loy na kakaiba kay Cherie habang ginagawa nila ang pelikula.

“Kasi the construction of the film happened way before we found out [about Cherie’s condition]. I mean, the shift before we found out that something was wrong,” ani Loy.

Tuluy-tuloy naman daw ang komunikasyon nilang dalawa habang nasa post-production stage ang pelikula at maging pagkatapos nito.

“The last time I spoke with her was before she left for the States. I knew she was hinting at something pero I did not [ask].

"Kasi at that time, I don’t know what was happening or I refused to know what was happening,” kuwento ni Loy sa PEP.ph.

Nasa Cebu noon si Loy nang nagkausap sila ni Cherie sa telepono.

“Kasi tinanong niya sa akin, ‘Saan ba ako titira sa New York?’”

Matagal nanirahan si Loy sa New York City kung saan nagtrabaho siya bilang theater production designer.

Masigla naman daw ang tono ni Cherie habang magkausap sila at walang bakas na may pinagdadaanan itong malubhang karamdaman.

“She’s always in good spirits. Hindi yun matatanggal sa kanya, e.”

Nais ni Loy na maging “celebration” ng buhay at career ni Cherie ang Elehiya at hindi magdulot ng kalungkutan sa manonood.

“Para sa akin, when you watch a film, you savor what happens. Yung para sa akin, it’s the memories of what you did.

“Again, as I said, I don’t feel [sadness]. I’m happy to have been part of her life, or rather, I’m happy that she was part of my life.”

HOT STORIES

NOOD KA MUNA!

Featured Searches:

Read the Story →
“Si Cherie, one thing with her is that she was never a prima donna. Hindi siya prima donna, at least not in the two productions I did," director Loy Arcenas (left) said about the late actress Cherie Gil (right). Loy is the director of Cherie's last film, Elehiya, which will hit select theaters from November 17 to 26 as part of this year's QCinema International Film Festival.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results