Malaki ang pasasalamat ng sexy star na si Jela Cuenca na nabigyan siya ng mga oportunidad dahil sa Vivamax, ang streaming app ng Viva Films.
Kung wala raw ito ay wala siya ngayon sa kanyang kinatatayuan.
Kumusta ang pagiging Vivamax Girl?
Sagot ni Jela, “So far, okay naman. It is a really big opportunity na dumating sa akin yung Vivamax at kung hindi dahil dito, wala ako rito ngayon.”
Si Jela ay ipinakilala sa pelikulang Taya (2021), kasama sina AJ Raval, Sean de Guzman at Angeli Khang. Mula ito sa direksiyon ni Roman Perez Jr.
Pagkatapos nito ay nagsunud-sunod na ang kanyang mga pelikula: Palitan, Silip Sa Apoy, Boy Bastos, Island of Desire, Pusoy, Breathe Again, 5 in 1, Girl Friday, Pabuya, at Relyebo.
Bukod dito ay may iba pa siyang naka-lineup na projects.
Ayon kay Jela, hindi niya inakalang makakapasok siya sa movie industry dahil wala raw talaga sa isip niya ang mag-artista.
“I actually don’t have any idea na makakapasok ako sa movie industry, and wala talaga sa isip ko na maging artista talaga,” sabi ni Jela nang makusap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa Dutdutan ‘22 na ginanap sa World Trade Center kamakailan.
Paano ba siya na-discover?
Lahad ni Jela, “It was pandemic kasi, and then nagmo-modelling kasi ako before, and yung manager ko yung nakahanap at naka-discover sa akin.”
Si Jojo Veloso ang manager na tinutukoy ni Jela.
Kabilang sa mga naging alaga noon ni Jojo ay sina Ina Raymundo, Ana Capri, Allen Dizon, Via Veloso, at marami pang iba.
Matagal na nawala sa showbiz si Jojo dahil sa scandal na kinaharap nito noon. Kalauna’y tumakbo siyang board member sa Biliran, Northern Samar, at masuwerteng nanalo.
Sa kanyang pagbabalik sa pagma-manage ng artista ay muling umugong ang kanyang pangalan dahil sa karamihan sa sikat na Vivamax artists ay mga alaga niya. Kabilang dito sina AJ Raval, Angeli Khang, Ayanna Misola, at si Jela nga.
SEXY IMAGE
Ano ang naging reaksiyon ni Jela nang malaman niyang maghuhubad siya sa mga pelikula?
Saad niya, “I was shocked at first, but nung nalaman ko, parang sabi ko, 'Sige na lang.'
"Kasi pandemic that time, e, and di ba naghihirap yung mga tao? Kaya naisipan kong pasukin na lang din ito, and naging okay naman siya.”
Ano ang pinaka-daring na ginawa ni Jela bilang artista?
Saad niya, “I think lahat naman daring, pero I have my limitations rin kasi.
"Same lang naman silang lahat pero hindi ko hinahayaan yung sarili ko na isagad yung role na ibinigay. I have a lot of limitations.”
Ano naman yung mga preparation niya sa sexy scenes?
“Marami. Kailangan kong magpagutom, kailangan ding kumain.
"And of course, kailangan mong aralin yung mga binibigay sa iyo, and kilalanin mo yung direktor at yung mga taong nakapaligid sa iyo. Dapat alam mo yung gagawin mo at ihaharap mo sa kanila.”
Kapag gumagawa ba siya ng sexy scenes, may kaba siyang nararamdaman?
Ayon kay Jela, “Noong una, hindi, siguro more on malungkot ako kasi bakit ito yung una kong project.
"But then, nung nalaman ko na ganun talaga sa industry, it’s an art so.. I can do it because I’m an artist.
“Na-overcome ko rin siya, and ngayon hindi naman na ako kinakabahan kasi nakakausap ko naman sila about the taping.”
Kung mabibigyan siya ng pagkakataong gumawa ng pelikula kasama ang crush niyang artista, sinong artista ang gusto niyang maging ka-partner?
“I think si Enrique Gil kasi parang wala siyang issue. Malinis,” sagot ni Jela.