Para kay Sam Verzosa, give and take ang relasyon nila ng aktres na si Rhian Ramos.
Ayon sa entrepreneur at party-list representative, suportado raw nila ni Rhian ang career at personal projects ng isa’t isa. Lagi rin silang nakaantabay para umalalay kung kailangan.
“Lagi naman po dapat sa isang relasyon, tulungan,” ani ni Sam nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa headquarters ng Frontrow Philippines sa Quezon City noong October October 9, 2022.
Paglalarawan ni Sam sa relasyon nila ni Rhian, “Pag kailangan ko po siya, dito siya sa amin. At pag kailangan niya, nandun din ako sa kanya, lalo na sa pagtulong sa mga kababayan natin.
“Sino bang ayaw makatulong? Sino bang ayaw makabago ng buhay? We bring out the best in each other. Masaya kami at masaya kaming nakakatulong sa iba.”
Kamakailan lang ay present si Rhian sa events na pinangunahan ni Sam – ang birthday charity gala na ginanap sa Parañaque City at ang street party na idinaos sa Sampaloc, Manila, kung saan ay bisita rin ang American boxer na si Floyd Mayweather Jr.
RHIAN’S ADVOCACY
Ikinuwento rin ni Sam ang tungkol sa charity event na idinaos ni Rhian ngayong October 11.
Bahagi ito ng birthday celebration ng aktres, na nagdaos ng kanyang birthday nito lang October 3.
Paglalahad ni Sam, “This is her yearly charity event. Tuwing birthday niya ginagawa niya ito, pero ngayon kakaiba naman dahil hindi lang dole outs, pero isang livelihood program.”
Mga single mothers sa Sampaloc ang napiling tulungan ng proyektong ito ni Rhian.
“Tuturuan gumawa ng iba’t ibang produkto para matulungan ang sarili nila, para makapagnegosyo rin, maitaguyod nila yung mga pamilya nila kahit single mom sila.”
WEDDING PLANS?
Aminado naman si Sam na bagama’t seryoso ang kanilang relasyon ni Rhian at kapwa nasa tamang edad na sila ay hindi pa naman nila napapag-usapan ang pagpapakasal.
Agosto ng taong ito nang isapubliko nina Rhian at Sam ang kanilang relasyon matapos um-attend sa GMA Thanksgiving Gala Night.
“Nag-e-enjoy pa kami sa oras ng isa’t isa. We’re getting to know each other and yun nga, nalalaman namin yung mabubuting qualities ng isa’t isa kaya nasusuportahan namin yung bawat isa,” sabi ni Sam.
Napangiti si Sam nang usisain ng PEP.ph kung ano ang regalo niya kay Rhian nung kaarawan nito.
“Yung regalong mabibigay ko siyempre ay yung sarili ko, yung puso and time and effort ko,” nakangiting sambit ni Sam na kahit madalas sa limelight ay tila naiilang pa rin sa mga showbiz questions.
“Well, hindi naman mamateryal na bagay si Rhian. She’s more on effort. I think alam naman niya yun.”
E, ano naman kaya ang regalo sa kanya ni Rhian nung kanyang birthday?
“Actually, yung pinakamagandang gift na natanggap ko sa kanya is siyempre yung pagmamahal niya, yung pagpapasaya niya sa akin,” tugon ng Tutok to Win party-list representative.
“Siyempre hindi mababayaran ang peace of mind at happiness ng isang tao. Pag nabigay mo yun, sobrang priceless.”