Muling kinilala ang husay ni McArthur "Mac" Alejandre bilang direktor dahil siya ang hinirang na best director sa 4th Wallachia International Film Festival na ginanap sa Bucharest, Romania noong October 1, 2022.
Nanalo si Alejandre para sa kanyang pelikula, ang Silip sa Apoy, na may English title na Eyes of Fire. Pinagbidahan ito nina Angeli Khang, Paolo Gumabao, at Sid Lucero.
Hindi nakadalo si Alejandre sa awards night ng 4th Wallachia International Film Festival dahil sa kanyang patung-patong na schedule, pero ipinaabot niya ang pasasalamat sa mga organizer ng Romania-based film festival.
"Natuwa ako! Actually, natuwa ako para sa Vivamax," ang masaya na pahayag ni Alejandre sa exclusive interview sa kanya ng Philippine Entertainment Portal nitong Martes nang hapon, October 4.
"Natuwa rin ako para sa aming lahat na gumawa ng Silip Sa Apoy. Masaya ako para sa sarili ko. Pero kapag ganyan, mas masaya ako para sa ibang mga tao.
"Nakatanggap ako ng e-mail na nagsabi na ako ang nanalo. Lagi naman silang may invitation kaso wala akong time.
"Masaya talaga ako para sa Vivamax kasi may lumabas na review sa Romania na nabasa ko, walang banggit sa sex scenes ng Silip Sa Apoy. Ang focus nila yung story, yung vision, yung context, at acting. Natuwa talaga ako.
"Masaya ako dahil una Kaputol, pangalawa Tagpuan. Hindi tumitigil ang pananalo,” ang nakangiti na sabi ni Alejandre.
Ang Kaputol at ang Tagpuan ang mga pelikula ni Alejandre na nanalo rin sa mga international film festival noong mga nakaraang taon sa kabila ng malaking problema ng buong mundo sa coronavirus pandemic.
Ang Kaputol, na tinatampukan nina Alfred Vargas, Angel Aquino at ng pumanaw na aktres na si Cherie Gil, ang tumanggap ng best performance award sa 4th Innuendo International Film Festival sa Milan, Italy noong October 30, 2020.
Ang Tagpuan ang nagbigay kay Alejandre ng best director award sa Samskara International Film Festival ng India noong April 2021 at hinirang na best picture sa 3rd Wallachia International Film Festival noong October 2021.
Ang National Artist for Film and Broadcast Arts at ang matalik na kaibigan ni Alejandre na si Ricky Lee ang sumulat ng mga kuwento ng Kaputol, Tagpuan, at Silip Sa Apoy na patunay ng kanilang matagumpay at epektibo na pagsasanib-puwersa bilang mga direktor at storyteller.