SOLD-OUT ang Pasasalamat Tour ng FPJ’s Ang Probinsyano nitong Oktubre 1, Sabado sa Sycuan Casino Resort ng San Diego, California, USA.
“Akala ko’y magpa-flop o lalangawin dahil mahal ang tiket,” kuwento ng Hollywood correspondent na si Bradford Adkins [“Scenes in the City”] nitong Oktubre 2, Linggo ng gabi (Manila time) via Messenger.
“Late dumating ang karamihan ng mga nanonood dahil siguro sa bagal ng trapik or bagal ng mga matatanda, or both.”
Main attraction ng palabas si Coco Martin. Kasama niya ang co-stars na sina Michael de Mesa, Raymart Santiago, Smuglazz, Bassilyo, Jay Gonzaga, John Medina, Sancho de las Alas at Marc Solis, with Eric Nicolas as host. Special guest si Jodi Sta. Maria.
7:00 pm dapat ang start ng show, pero hindi agad nakapag-umpisa.
“Sabay-sabay nagdatingan halos ang mga naka-walker na mga lola na may mga kasamang alalay cum caregiver. Iyan ang appeal ni Cardo Dalisay! Nagmu-multiply!” sabi ni Bradford.
Kabilang sa audience ang producers na si Atty. Michael J. Gurfinkel and wife Millie, at ang sponsors na si Geoffrey Jimenez at Benjie Cabrera ng GJ Group of Companies.

*
Nagsimula ang programa na tinuksu-tukso at sinabik-sabik ng host na si Eric Nicolas ang mga manonood na kunwari ay lalabas na si Coco Martin pero iba’t ibang lalaki ang bumubungad.
“Walang tigil sa hiyawan dahil sa sobrang tuwa ang predominantly mature female audience,” salaysay ni Bradford.
“Opening number pa lang ni Coco Martin kasama ang mga Agila ay nagkagulo na ang mga tao. Kahit yung ibang naka-walker ay ayaw paawat at tumakbo sa harapan ng entablado para masilayan nang malapitan si Coco.

“Hindi napigilan ng mga security ang mga nagkagulo at humangos sa harapan ng stage.
“Nagbabala si Coco sa mga manonood na baka ipatigil ang show pag hindi sila nagsipagbalikan sa kani-kanyang upuan. Maayos ang pakiusap ni Coco kaya maayos ding nag-disperse at nagsiupuan ang mga tao.

“Merong gift as a natural and engaging storyteller si Coco na palaging naka-smile kahit na isinasalaysay niya ang malungkot niyang pagsisimula sa showbiz at kahit na lait-laitin niya ang sarili na pinaka-walang talent daw siya nung nagsisimula, kasi hindi siya marunong kumanta, hindi marunong sumayaw, hindi marunong umarte, bansot at bulol.”
Malakas ang karisma ni Coco sa mga lola, palibhasa ay lumaki siya sa kalinga ng kanyang lola.
“Dinig na dinig ang kilig ng female audiences nang sabihin ni Coco na malapit ang loob niya sa mga lola,” saad ni Bradford.
“Walang sawa si Coco sa pakikipag-selfie sa mga lola during the show.
“Lalong mas mapapamahal sa mga lola si Coco when he serenaded Mama Aurea Jimenez of Granada Hills, CA complete with a formal table dining setup — assembled live onstage by the Agilas — with matching red roses pa.

“Panalangin ng Apo Hiking Society ang inawit ni Coco para kay Mama Aurea. Patok na patok iyon sa audience lalo na nang bumaba ang mga Agila sa audience at sila naman ang hinarana sabay halik at bigay rin ng red roses.”
*
Isa sa mga highlight ng palabas ang partisipasyon ni Jodi Sta. Maria.
Noong una kasi ay hindi in-advertise ang pagsali ni Jodi, pero naglabasan sa social media ang mga litrato nila ni Coco simula ng paglapag nila sa Los Angeles International Airport.
Nai-announce tuloy nila na nasa Amerika sila para mag-shoot ng kanilang Metro Manila Film Festival 2022 official entry na Labyu With An Accent.
“Hit na hit sa audience ang ipinalabas na video bago kumanta si Jodi,” pagbabalita ni Bradford.


“Pinaghalo ang characters nila na what if kung magsama sina Cardo Dalisay at Dra. Jill Ilustre sa isang pelikula na kung saan pinalitan ni Jodi ang nakatalikod na character ni Julia Montes sa FPJ’s Ang Probinsyano.
“Nagkandalunud-lunod pa sa dagat si Jodi bago ipinakitang happy ending silang dalawa na plakado sa official ending nina Coco at Julia sa FPJ’s Ang Probinsyano.”
*
Kumusta ang mga Agila bilang concert performers?
“Surprisingly very good ang mga Agila sa kanilang sama-samang song and dance numbers,” pahayag ni Bradford.
“Stand out ang mestizo at matangkad na si John Medina na lalong lumutang nung i-partner sa isang baklang audience member. Hagalpakan sa tawa ang mga tao!
“Kasi naman, hinubaran ng pang-itaas ang nakahigang si John Medina na kunwari ay nabaril at tutulungan ng bakla.
“Dialogue ng bakla, isi-CPR niya raw ang walang malay na si John. Tinukso ni Eric Nicolas ang John na, 'Pare, gipit ka yata… hindi ka gumagalaw, e!’
“E, nagkakahiyaan pa silang dalawa sa mouth-to-mouth resuscitation at ang ending, inunahan na lang ni John na yakapin ang bakla. Aliw na aliw ang audience.
Kinabukasan (Oktubre 2, Linggo), gaganapin naman ang Pasasalamat Tour ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Yaamava’ Resort and Casino located San Manuel in Highland, California (San Bernardino County).
Ang kasunod nilang show ay sa Oktubre 23 na sa Honolulu’s Farrington High School Auditorium sa Hawaii.
