Hindi na raw kinailangan ni Juancho Trivino na magpakalbo nang todo para ma-achieve ang look niya bilang si Padre Salvi sa period teleserye na Maria Clara at Ibarra.
“Naka-army cut ako ngayon,” rebelasyon ni Juancho sa mediacon ng Maria Clara at Ibarra.
Naka-prosthetics lamang siya upang magmukhang kalbo ang tuktok na bahagi ng ulo niya. Ganun kasi ang hitsura ng ilang sinaunang pari o prayle tulad nga ni Padre Salvi noong panahon ng Kastila.
Paano siya nakumbinsi ng GMA Network na ipakalbo ang tuktok ng kanyang ulo?
“Well, hindi ko alam kung tinanong nila pero nung pinakita nila sa akin yung picture ni Padre Salvi, sabi nila na parang, ‘Sige, lagyan natin ng prosthetics.’
“'Tapos, sabi ko sa kanila, ‘Sige, ganito yung gagawin ko, ipapakalbo ko yung side 'tapos gawan na lang natin ng prosthetics yung top.’
“Kasi nung binuo nila ‘to,” sabay-turo ni Juancho sa kanyang ulo, ''mainit, e pawisin ako, so eto na siya.”
Kaya ang tuktok na bahagi na lamang ng ulo niya ang ginawan ng prosthetics at hindi ang buong ulo niya para huwag siyang mainitan.
JUANCHO ON CHALLENGES OF PADRE SALVI ROLE
Bukod sa physical look niya bilang prayle, saan pa nahirapan si Juancho sa pagpu-portray niya bilang Padre Salvi?
Saad niya, “Malalim yung Tagalog! I think same sentiments ng buong cast, iyon yung isa sa mga challenges kasi hindi madulas yung dila natin.
“But I think it’s a good learning experience for us and also to the viewers na nakakapagsalita at nakakapagbigay kami ng dialect."
Nabanggit din ni Juancho si Barbie Forteza na gaganap bilang si Klay sa teleserye.
Aniya, “At tsaka, siyempre, may added twist na si Barbie na isang Gen Z nakikipag-interact sa amin with our dialect so, I guess, iyon.
“Major yung init ng costume ko,” at natawa si Juancho. “Sabi ko nga, pag lumabas ako at kinagat ako ng aso wala akong mararamdaman.
“So isa yun sa mga major challenges kasi nakaka-lose track din at medyo mainit ngayon e, so...
“Pero manageable naman, kasi they’ve been helping me out a lot. Kapag after ng take, siguro tatlong blower na ng electric fan yung nakatutok sa akin.
“So ayun, manageable naman so far.”
Sa direksiyon ni Zig Dulay, ang Maria Clara at Ibarra ay pagbibidahan nina Barbie, Julie Anne San Jose bilang Maria Clara, Rocco Nacino bilang Elias, David Licauco bilang Fidel, at Dennis Trillo bilang Crisostomo Ibarra.
Nasa Maria Clara at Ibarra din sina Tirso Cruz III bilang Padre Damaso; Manilyn Reynes bilang Narsing; Juan Rodrigo bilang Kapitan Tiago; Ces Quesada bilang Tiya Isabel; Dennis Padilla bilang Mang Adong; Lou Veloso bilang Mr. Jose Torres; Gilleth Sandico bilang Donya Victorina, at Andrea Torres bilang Sisa.
Mapapanood ang Maria Clara at Ibarra simula October 3 sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras.
JUANCHO breaks down IN EMOTIONAL SCENE
Sa trailer na ipinakita during the mediacon ay may batang pinaparusahan si Padre Salvi, handa na ba si Juancho na kamuhian siya bilang si Padre Salvi?
Lahad niya, “Actually, side kuwento lang dun sa eksenang yun. I wasn’t supposed to cry.
"Pero dahil nakita ko yung mga baby na medyo malapit sa anak ko ngayon, na wala pa ako sa stage na pinapagalitan ko sila, parang sobrang nag-break yung heart ko.
“At sakto na lang din na parang, siyempre, nakaramdam ako ng mga humilitation [sa eksena], so nag-usap kami ni Direk Zig about it.
"And parang sige, itinuloy namin yung emotion na yun.”
Ang baby boy na si Alonso Eliam nina Juancho at misis niyang si Joyce Pring ay one year and three months old na ngayong October 2, 2020.
Patuloy na hayag ni Juancho,“In terms of yung ihe-hate ako ng mga tao, okay lang naman sa akin.
"Kahit naman ako nakakaramdam ako ng hatred towards the material that I watch internationally so it doesn’t really matter coz it’s our job.
“Kahit naman itong costume na ‘to maraming nagsabi sa akin na parang iyon nga, parang medyo nagba-viral yung look ko ngayon, which I think is cool.
Änd I think it’s realistic and... this is something that I really want to do because gusto ko talaga siya, ito talaga yung trabaho ko.”
