Proud si Star For All Seasons Vilma Santos sa pagkakaluklok ng "karibal" niyang si Superstar Nora Aunor bilang National Artist.
Noong Hunyo 2022, iginawad kay Nora ang naturang karangalan dahil sa natatangi niyang kontribusyon sa larangan ng Film at Broadcast Arts.
Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Vilma noong August 20, 2022, ipinaabot niya ang kaligayahan para kay Nora.
"Alam mo, kapag napunta sa iyo, which means para sa iyo, which makes you deserve it.
"Pagka ibinigay kay Mare yung National Artist, she deserves it, lahat ng nabigyan para sa kanila yun.
"Naniniwala ako sa kasabihan na pag hindi para sa iyo, hindi para sa iyo. Pero pag para sa iyo, para sa iyo yun kahit ano ang mangyari.
"Mayroong oras ang bawat isa, ganun lang yun," pahayag ng actress-politician.
Lubos din ang saya ni Vilma para sa iba pang taga-entertainment industry na kinilala ang talento sa Film and Broadcast Arts—ang award-winning writer na si Ricky Lee at ang yumaong direktor na si Marilou Diaz-Abaya.
"I would like to congratulate my Kumare [Nora], Ricky Lee, Marilou Diaz-Abaya, at lahat ng nabigyan ng National Artist Award this year.
"Napakalaking karangalan iyan para sa kanila; and for them, my sincerest congratulations!" sabi ng award-winning actress.
IS VILMA ASPIRING FOR A NATIONAL ARTIST AWARD?
Marami sa Vilmanians ang naghihintay at umaasa na sa susunod ay ang Star For All Seasons na ang makatatanggap ng National Artist award.
Tulad ni Nora, maraming pinagbidahang mga dekalidad na pelikula si Vilma at naparangalan din ng countless awards sa husay nito sa pag-arte.
Sabi naman ni Vilma tungkol dito, "Maraming salamat, pero alam mo, mahirap din yung... Siyempre sino ba ang di mag-aasam ng isa sa the most prestigious awards? Lahat siyempre.
"Kaya lang, na-psych ko naman ang sarili ko na there's always time for everything. Yun kasi ang motto ko, e.
"Kaya minsan, pag mayroon akong mga pelikula na hindi natutuloy, 'Hindi sa akin meant iyan, baka para sa iba iyan.' Iyan ang motto ko.
"Kaya open ako sa ganyan—pag di mo nakuha, hindi para sa iyo."
ON BEING AN ACTRESS AND A PUBLIC SERVANT
Kumpiyansa si Vilma dahil ibinibigay niya ang kanyang buong dedikasyon sa trabaho, mapa sa larangan ng showbiz o public service.
Saad niya, "Minsan may mga awards ka naman na unexpected. Kahit papaano naman naiwan ko sandali ang showbiz...
"Actually, hindi sandali, twenty-four years, napunta ako sa public service.
"Malaking-malaking bagay na nalipat ako sa ibang career na kahit papaano, kinilala din ako, which means maybe I must have done something good.
"Kung napunta ako sa pagiging isang public servant at nabigyan din naman ako ng awards, Presidential Lingkod Award, malaking bagay din sa akin yun as a public servant at di sa pagiging artista.
"Kung dun ako dinala, and nabibigyan ka ng acknowledgment, dyusko, para na rin akong binigyan ng award."
Kuntento raw si Vilma sa narating niya sa buhay.
"Ito na ang itinakbo ng buhay ko, I will still consider myself very, very blessed. Kaya maraming-maraming salamat naman sa mga constituents ko na nagtiwala sa akin as mayor, governor, and legislator, maraming salamat."
Sa kasalukuyan ay balik si Vilma sa pagiging ordinaryong citizen, at abala sa pagiging active vlogger.
Natapos ang kanyang termino bilang representative ng sixth district ng Batangas noong June 2022.
Sa ngayon ay may usap-usapang magbabalik-telebisyon si Vilma ngunit wala pang linaw tungkol dito.
Read: Gladys Reyes at Christopher Roxas, tampok sa INCTV sitcom; Vilma Santos, magbabalik-TV na
