Surreal para kay Allen Dizon ang makasama sa entablado ang National Artist na si Nora Aunor sa nakaraang 70th FAMAS Awards na ginanap noong July 30, 2022.
Sa nasabing awards night ay iniluklok si Allen bilang FAMAS Hall of Famer dahil sa limang beses na niyang pagkapanalo bilang best actor para sa mga sumusunod na pelikula: Paupahan (2009), Dukot (2010), Magkakabaung (2015), Bomba (2018), at Latay (2021).
Bukod dito ay dalawang beses na rin siyang nanalo bilang best supporting actor: noong 2007 para sa Twilight Dancers at noong 2011 para sa Sigwa.
Si Nora naman ay ginawaran noong gabing iyon ng kauna-unahang Susan Roces Celebrity Award.
Read: FAMAS 2022: Martial law film Katips bags seven awards; Charo Santos-Concio wins Best Actress

Pahayag ni Allen tungkol sa pagkakahanay kay Nora at iba pang mga haligi ng industriya, “Kumbaga, kung babalikan mo yung time lahat sila napapanood mo lang sa TV, kilala mo sila na sikat na artista, magaling umarte, tapos yung time na yun parang nakita ko sa entablado may mga awards kami lahat, parang feeling ko, di ko ini-expect na mararating ko yung point na yune, e, yung moment na yun.
"Kasi nung nag-aartista ako, sabi ko, 'Baka ma-nominate lang ako, ma-nominate lang ako ng isang best actor, okay na.'
"Nung after nun, siyempre seryoso na ako sa pag-aartista ko, parang hindi siya madaling magawa. So, kailangan kong ayusin, kailangan kong mas galingan pa para makaisa akong best actor, di ba?”
Sa pagkakatanda ni Allen ay mayroon na siyang "47 or 48" international and local acting awards.
Eksklusibong nakausap ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Allen sa shooting ng pelikulang Ligalig sa Pulilan, Bulacan, noong Linggo, August 21, 2022.
ON CO-STARRING WITH THE SUPERSTAR
Nang magkasama sina Allen at Nora sa FAMAS Awards ay hindi pa raw nila alam na gagawa sila ng pelikula para sa AQ Prime, ang Ligalig.
Kuwento ng aktor, "As in, wala pang… Sabi ko, 'Ate Guy, dream ko po kayong makatrabaho. Idol ko po kayo....'
"Pagdating nung araw na, 'yon yung time na ano lumabas ako sa stage, nandun yung AQ. Sila Attorney Aldwin, nandun sila.
"So, sabi, 'Habang wala muna si Ate Guy, kay Allen muna tayo, picture tayo.' Umupo ako sa gitna, nagkaroon ng picture with the AQ Prime Family.
"Wala pa akong idea, wala pa talaga. Wala pa talagang dumarating na... wala pang offer ang AQ sa akin.
"Sabi ko, sana magkaroon ako ng opportunity makatrabaho ko rin sila, and hindi ko naman ine-expect na itong pelikulang ‘to with Ate Guy.”
Patuloy niya, “Parang nung time na narinig ko kay Dennis [Evangelista, his manager] na, 'Ay, ano, may in-offer sa 'yo with Ate Guy.' 'Talaga?' Sabi ko, 'Okay, gawin na natin.'
"Excited ako siyempre, di ba? Sabi ko, it’s dream come true na rin para makasama ko si Ate Guy sa pelikula.
"National Artist, and alam naman natin na hindi naman siya basta-basta gumagawa ng pelikula. Dahil, siguro, namimili siya ng pelikula and ng katrabaho niya, di ba?
"So, natuwa ako, parang napakadaming blessing namang dumating, napakaagang Pamasko, di ba?
"Napakaagang Pamasko dahil nagkaroon ako ng Hall of Famer sa FAMAS, kasama ko si Ate Guy, tapos meron kaming gagawing pelikula.
"Sobrang saya ko, sobrang tuwa ko! Kumbaga, hindi ko ma-express kung gaano ako kasaya, gaano ako… yung fulfillment ko bilang actor.
"Kumbaga, na-feel ko na napapasama ako sa kanila, di ba? Parang, time na yun, sinasabi ko, hindi ako makapaniwala talaga, hindi ako makapaniwala."
Ina-eye ng AQ Prime na mapili sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 ang Ligalig na idinidirek ni Topel Lee.
“Sana, sana makapasok," asam ni Allen.
"Sigurado maraming… siyempre na-miss ng mga tao si Ate Guy. Marami na ring nag-aabang sa mga project niya."
Tiyak na may mga nag-aabang ding mapanood muli si Allen sa MMFF. Ang kanyang MMFF entry na Mindanao noong 2019 ay humakot ng awards, kabilang na ang best picture, best actress (Judy Ann Santos), at best actor para kay Allen.
Aniya, “Marami na rin dahil sa mga ginawa kong pelikula na alam nilang award-winning lagi kapag ako yung gumaganap.
"Pero at least, ito naman, iba naman ‘to, horror, suspense, hindi siya melodramatic. Kumbaga, commercial."
ON POSTHUMOUS AWARDS
Sa shooting ng Ligalig ay napag-usapan nina Allen, Nora, at ng isa pa nilang co-star na si Snooky Serna ang pagbibigay ng awards sa mga namayapa nang miyembro ng entertainment industry sa iba't ibang award-giving bodies.

Ayon kay Allen, sana ay maibigay ang parangal sa mga tao sa industriya habang buhay pa ang mga ito at hindi kung kailan patay na sila.
Saad niya, “Ang gusto ko lang i-share, na dapat nung time na dapat buhay pa yung mga namayapa, na nawala na, dun ibibigay yung mga…
"Hangga't buhay ka pa, i-appreciate ka bilang artista, bilang kayamanan ng bansa, kayamanan ng mga Pilipino para at least ma-inspire ka pang mabuhay, gumawa ng marami pang gusto mong gawin sa buhay—pelikula o kung sa teatro o singing.
"At least, di ba, para ma-inspire mo rin yung mga new filmmakers, mga batang artista, sa lahat. Parang, at least, nakikita nila na, 'Ah, itong mga Pilipino naa-appreciate nila ginagawa ko.'
"Itong mga award-giving bodies, itong mahal nating Pilipinas, alam nila kung ano yung worth mo. Alam nila kung gaano mo ibinigay yung best mo, yung buhay mo para lang magtagal, mag-entertain, mapasaya yung mga humahanga sa 'yo.”
Patuloy ni Allen, “Like Eddie Garcia, nawala na lang siya nang ganun kabilis kasi, di ba?
"Ako, naniniwala ako life is short. Parang kapag time mo na, that’s it, time mo na.
"So, hangga’t buhay ka pa, sana yung mga pagbibigay ng parangal, pagbibigay ng appreciation, hangga’t buhay pa sana yung mga tao, di ba?
"At least, pag dumating yung time na oras na nila, kumbaga, lahat naranasan na nila sa buhay nila, di ba? Tsaka nakakaano, e, nakakadagdag ng… kumbaga yung… nakakadagdag buhay siguro sa tao, di ba?
“Yung morale mo, di ba? Totoo. Na ma-appreciate ka, na minamahal ka ng mga taong nandiyan sa paligid mo, na nakapaligid sa 'yo.”
ON RETIREMENT
Sa edad na 44, wala pa raw nakikitang rason si Allen para magretiro sa pag-arte.
"Ang nakikita ko, parang the more na tumatanda ka siguro, the more na minamahal mo yung showbiz," sabi niya.
"Parang baliktad, e. Parang baliktad sa mga taong ordinary na nagtatrabaho sa bangko, nagtatrabaho sa isang company, ang target nila at the age of 60 or 65, magreretiro sila.
"Pero pag-aartista, parang hindi ko nakikita yung pagreretiro, e.”
Parang si Eddie Garcia na hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng kanyang buhay ay umaarte pa rin?
Read: Eddie Garcia collapses at taping in Tondo; rushed to hospital
"Oo, e. Di ba, talagang dun pa rin siya?" pagsang-ayon ni Allen.
"Yun pa rin ginagawa niya, yung passion niya, yung pagmamahal niya sa showbiz. Dun na siya namatay.
"Siguro yung pagreretiro sa showbiz, nasa Diyos na lang and Siya na lang makapagsasabi.
"And siguro nasa kondisyon mo rin bilang siyempre tao ka lang. Nagkakaroon ka minsan... kapag tumanda ka, magkakasakit ka. Huwag naman sana.
"Sana the more na marami kang ginagawa, the more na tumatanda ka, mas lumalakas ka, di ba?
"Dapat siguro mahalin natin yung showbiz kasi bihira lang, kokonti lang yung taong ganyan, e. Kokonti lang yung naiintindihan natin and konti lang yung binibigyan ng talent, tapos yung bibigyan ka ng opportunity na makapag-showbiz ka, makapag-entertain ka, makapagpasaya ka.
"So, yung mapasama ka at ma-appreciate ka ng tao, di ba malaking bagay na yun. Kumbaga, ano na yun, parang tumama ng lotto o hindi lang.
"Kasi, di ba, priceless yun, e. Walang katapat na pera pagdating ng yung ginagawa mo naa-appreciate ng tao."