Nakatuntong ang Kapuso artist na si Herlene Budol sa studio ng Kapamilya noontime show na It’s Showtime.
Namataan si Herlene sa live episode ng It’s Showtime ngayong Martes, July 26, 2022.
Kasama si Herlene sa Binibining Pilipinas 2022 candidates na bumisita sa Kapamilya noontime show.
Kitang-kita si Herlene habang ipinu-promote ng kanyang fellow candidate na si Stacey Daniella Gabriel ng Cainta, Rizal ang detalye ng grand finals ng national pageant sa darating na July 31, 2022.
Binati naman ni Vice Ganda si Herlene matapos ang promotion.
“Parang hindi masyadong masaya si Herlene,” puna ni Vice dahil sa matipid na pagngiti ng former Wowowin co-host.
Biro pa ni Vice, ito ay dahil hindi pinagsalita ni Stacey si Herlene.
Inabot kay Herlene ang microphone at buong sigla siyang bumati sa It’s Showtime hosts.
“Hello po! What’s up, madlang people!” pagbigkas ni Herlene sa trademark greeting ng Kapamilya program.
“Sobrang idol ko po kayo, alam ni Ryan [Bang] iyan,” sabi pa niya kay Vice.

Sina Herlene at Ryan ay nagkaroon noon ng mga collab sa kanilang vlogs at naging daan ito para sila maging magkaibigan.
Sumagot naman si Vice kay Herlene na walang sinasabi sa kanila si Ryan na idolo siya ni Herlene.
Katuwiran naman ni Ryan, “Lagi ko kayang sinasabi kay Mommy [Vice].”
Kasunod nito ay kinumusta ni Vice kay Herlene ang manager ng huli na si Wilbert Tolentino.
“Good luck sa Binibini candidates. Ang gaganda ninyo. Nakakatuwa,” pangwakas ni Vice.
Sa kabilang banda, sa isang punto ng "Miss Q and A" segment ay ipinakita sa camera na nasa audience pa rin si Herlene habang wala na ang kanyang fellow candidates.
Katabi ni Herlene sina Ryan, Karylle, at Kim Chiu.

Ipinost pa sa Instagram Story ni Ryan ang isang video nila ni Herlene sa It's Showtime studio at ni-repost ito ni Herlene.

