Buo ang loob ni Princess Punzalan nang talikuran niya ang showbiz at magpakasal sa American husband na si Jason Field.
Kasalukuyan silang nakabase sa Los Angeles, California, USA
Si Princess ay kilalang primera kontrabidang si Selina Matias sa Mula Sa Puso, ang defunct Kapamilya prime-time series na pinagbidahan ni Claudine Barretto noong 1997-1999.
READ: Princess Punzalan: from Mula Sa Puso's primera kontrabida to international actress
Sa eksklusibong panayam niya sa PEP Spotlight ngayong Hulyo 22, 2022, ikinuwento ni Princess kung paano sila nagkakilala ng kanyang true love na si Jason.
"Namili siya sa store ng friend ko. Nagkaroon ng problem or something but he was very patient. Pinaghintay ng isang oras.
"Hindi siya nagalit or nag-attitude na, 'Ano ba?!' Walang ganun. Naghintay lang siya.
"Sabi ng friend ko, 'Uy, mabait!' Kilala ng friend ko yung boss nun. Tinawagan niya yung boss niya, 'Single ba iyan? Mabait ba iyan? Sige tawagan ko.'"
Sa tulong ng kaibigan ni Princess, nakumbinse ang aktres at si Jason na magkita.
Balik-tanaw pa ni Princess, "At that time, di ako naghahanap ng asawa, e. Yes, it's a possibility that I would end up with someone. Pero di ko actively hinahanap. Di ako nakikipag-date.
"Pero after a long time of convincing us, finally nagkita kami. And she [Princess's friend] was right, swak ang ugali namin [ni Jason] kaya nagtuluy-tuloy na sa kasal."
Noong panahon na iyon, hindi na basta pumapasok sa relasyon si Princess dahil gusto niya ay pangmatagalan na talaga.
Ikinasal si Princess kay Willie Revillame noong 1990, pero napawalang-bisa iyon noong 1997.
May iba pang nakilala si Princess na gusto siya, pero naging mas mapanuri raw siya pagdating sa love life noong siya ay nasa 30s na.
Hindi ba siya na-trauma sa pag-ibig?
Sagot ni Princess: "Salamat sa Diyos dahil marami naman ako na-meet. Marami akong na-meet na pumorma.
"Pero alam ko na learning from my past, alam ko yung mga tao na pang-one time lang, tsaka may mga taong pang-forever.
"I guess God helped me kung sino yung tamang tao na makasama ko pangmatagalan.
"At importante talaga na malaman mo kung pareho kayo ng direksiyon na gustong tahakin, kung pareho kayo ng goals sa buhay, pareho kayo ng values...
"Kung pareho kayo ng values sa pera, values sa pamilya, at kung pareho kayong may respeto sa isa't isa.
"Makikita mo na pangmatagalan yung relationship."
FOUR YEARS OF DATING BEFORE MARRIAGE
Kuwento pa ni Princess, apat na taon silang naging magkasintahan ni Jason bago sila nagpakasal noong 2005.
Sa loob ng panahong mag-boyfriend-girlfriend sila, isang bagay na hindi pinabayaan ng aktres ay ang kanyang self-worth.
"Dahil busy ako, di ko siya hinahabol. Kung di niya ako tawagan ng isang linggo, keber! Busy ako. Ang taray! Hahaha!" bulalas niya sa PEP.ph.
Diin pa ng beteranang aktres, "Parang in my mindset kasi, kung di ka ukol sa buhay ko, mawawala ka, okay lang.
"Ayoko magsayang ng oras. Matanda na ako. I was in my mid-30s. Kung di ka magiging seryoso sa akin, goodbye.
"I learned to treasure myself, to respect myself. I learned to accept the fact na kung talagang di iyo, kahit anong ipilit mo, kahit anong seduction ang gawin mo, kung di iyo, hindi magtatagal or panandalian lang iyon."
Tumatak iyon sa isip ni Princess.
Dagdag niya, "Those were lessons that I learned because I went through so much pain.
"I think pain is good in a way. Pagka nasaktan ka na, nagigising ka, 'Paano ba gagawin ko para di masaktan uli?'"
PRINCESS FINALLY MARRIES JASON
Si Princess ay 37 taong gulang nang magpakasal sila ni Jason noong 2005.
Natatandaan pa niya na dalawa ang shows niya noon sa GMA-7—ang Mulawin at ang Now and Forever: Mukha.
Tinapos lang daw niya ang commitments niyang iyon bago lumipad patungong Amerika.
"May nag-propose sa akin ng marriage, yung asawa ko.
"At the time, inisip ko na, 'Ready na ba ako iwanan ang lahat dahil sa pag-ibig?'
"And then I realized, lahat ng goals ko sa buhay ko nung mga panahon na iyon, na-reach ko na.
"And it felt like I was ready for a new chapter in my life. So, sumama ako sa kanya sa America."
Nag-start from scratch si Princess dahil pinili niyang mag-aral muli ng nursing sa unang yugto ng kanyang buhay sa Amerika.
"Pagpunta ko sa Amerika, alam na alam ng asawa ko na career woman ako. Busy ako.
"Sabi niya, 'Okay lang naman kung gusto mo sa bahay lang, pero I know mabo-bore ka. Would you like to go back to school?'
"He was trying to find ways para mayroon ako pagka-busy-han dahil sigurado mabo-bore ako at maninibago na walang ginagawa.
"It struck me as an idea to go back to school and now I'm a registered nurse."
Nagtapos ng nursing si Princess, at isa siyang hospice nurse hanggang sa kasalukuyan.
Pero a few years ago ay muli siyang naging aktibo sa pag-arte sa international scene.
Kabilang siya sa international movie na Yellow Rose (2019) kasama ang Broadway superstar na si Lea Salonga at Miss Saigon star na si Eva Noblezada.
Mayroon ding international project na sinu-shoot si Princess nang makapanayam siya sa PEP Spotlight nitong July 2022, pero hindi pa niya maidetalye ito sa ngayon.
Hands-on din si Princess pagdating sa pamilya at sa pagpapalaki ng adopted daughter nila ni Jason.
