Sa unang pagkakataon ay nagsalita na si Pokwang tungkol sa hiwalayan nila ng long-time partner at American actor na si Lee O’Brian.
Noong July 8, 2022, kinumpirma ng entertainment columnist na si Ogie Diaz sa kanyang vlog na hiwalay na sila Pokwang at Lee noon pang November 2021.
Read: Pokwang and Lee O’Brian have broken up in November 2021—Ogie Diaz
Sa Instagram post ni Pokwang ngayong Linggo, July 10, nanggaling na mismo kay Pokwang na pitong buwan na nga silang hiwalay ni Lee.
Sabi pa ni Pokwang, nananatili silang co-parents sa 4-year-old daughter nilang si Malia.
Saad ni Pokwang sa caption (published as is), “Yes its been seven months since tapusin namin ni papang ang lahat, pero maayos at mapayapa, at bilang magkaibigan na lamang mas nagagampanan namin ang mga tungkulin bilang magulang ni Malia,
“Natapos man ito sa di inaasahang panahon hindi dito hihinto ang pagiging nanay ko sa mga anak ko. at mas lalo kong minahal ang mga biyayang sakin ay binigay ng panginoon”
At saka siya nagpasalamat sa kanyang yumaong inang si Gloria dahil ito ang nagsilbing inspirasyon sa kanya sa kabila ng kanyang mga pinagdadaanan.
Patuloy ni Pokwang, “Ikaw aking nanay Gloria ang aking inspirasyon sa pagiging matatag at matibay na nanay. salamat sa iyo at alam kong lagi kang nakagabay sa amin ng mga apo mo kaya ni minsan at kailan man di ka mawawaglit saking mga dasal.”
Sa huli ay may mensahe si Pokwang para sa mga katulad niyang single parent.
“Sa mga single parent na kagaya ko hindi karma ang natapos na pagmamahalan kundi mas pinapatatag ka at pinaghahanda ka sa mas magaganda at mas maraming biyaya
“Hindi karma ang mabiyayaan ka ng mga anak na nagpapasaya at nagpapangiti sayo araw araw at dahilan ng pagsisikap mo sa buhay #Wagmapagodparasamgaanak”
Kalakip naman sa Instagram post ni Pokwang ang mga litrato niya kasama si Malia, ang panganay na anak na si Mae, at ang inang si Gloria.
Tila may kinalaman ang huling bahagi ng post ni Pokwang sa sinagot niyang basher na sinabing karma raw ang nangyaring hiwalayan nila ni Lee.
Read: Pokwang blasts basher who mocked her breakup with “karma” comment
Hindi naman ikinuwento ni Pokwang ang dahilan ng hiwalayan nina ni Lee.
Pero sabi ni Ogie sa kanyang vlog, “Sa totoo lang masalimuot, pero ang sinabi lang ni Pokwang, ‘Ang importante ay hindi kami magkagalit nung maghiwalay kami ni Papang [Lee].’”
Taong 2015 nagkakilala sina Pokwang at Lee sa shooting ng pelikulang Edsa Woolworth sa America.
Nauwi sa totohanan ang kanilang tambalan at nagdesisyon si Lee na manirahan dito sa Pilipinas kasama ni Pokwang.
