Nag-walk out ang content creator na si Toni Fowler sa Man of rhe World 2022 grand coronation na ginanap sa Baguio City noong Sabado ng gabi, June 18, 2022.
Related article: Kontrobersiyal: Pagsuot ng bahag ng Man of the World 2022 candidates
Ayon kay Toni, ang plano ay uupo siya bilang hurado pero pagdating daw niya sa venue ay pag-uusapan pa ng organizers kung isasama pa siya sa panel of judges.
Pero hindi na niya hinintay ang desisyon at nag-walk out siya sa venue.
Ang mga kaganapang ito ay nakunan ng video ni Toni at ipinost niya sa YouTube nitong Martes, June 21.
TONI FOWLER RANTS
Kuha sa vlog ang mismong pag-walk out ni Toni.
“Nag-walk out ang lola mo,” sabi ng vlogger.
“Masama ang loob ko ngayon kasi the reason why andito ako is mag-judge ako ng Man of the World.
“Pagdating ko dito ngayon, parang nakikipag-negotiate pa daw kung judge ba ako o hindi, but nasa VIP seat naman ako.”
Katuwiran ni Toni, busy siyang tao at umoo siya sa imbitasyong mag-judge dahil sa charity endeavor ng organisasyon.
Nilinaw rin niyang hindi siya bayad sa event.
“I’m just helping kasi may mga magbe-benefit dito na ibang tao,” pakli niya.
Nasayang lang daw ang oras niya na pumunta sa event dahil hindi tinupad ang napag-usapan.
Saad ni Toni, “I’m so disappointed. Sobrang nasaktan po ako sa nangyari.
“Alam ko po yung worth ko bilang ako at hindi po ako basta-basta pupunta at magsasayang ng ilang oras sa biyahe, para lang pagpunta ko doon ay nakikipag-negotiate pa kung judge ako o hindi.”
Ang organizer ng Man of the World ay ang Ray-Casa Group na pinangungunahan ng chairwoman nitong si Jennylyn Floresca.

Ang mismong pag-walk out ni Toni Fowler sa Man of the World 2022 grand coronation sa Baguio City noong June 18, 2022.
NOT THE FIRST TIME
Pagbubunyag ni Toni, hindi ito ang unang beses na nadismaya siya sa organizers ng event.
Sa isang pre-pageant event ng pageant kung saan kinuha rin siyang hurado, nakalimutan umano siyang i-introduce.
Handa raw iyon palampasin ni Toni, pero sinabihan siya ng kanyang katabing judge na “hindi okay” iyon.
Hindi raw siya nag-inarte noon at hindi nag-walk out kahit nakalimutan siyang ipakilala.
Pero hindi na raw niya mapalalampas ang ginawa sa kanya sa grand coronation ng Man of the World.
“This is too much. Nag-dress ako for this, nagpatahi ako for this…
“Ako po yung kinulit. Ate ko po yung kinulit, hindi po ako nagprisinta, hindi po ako,” himutok ni Toni.
Pero kahit daw busy siya ay pinagbigyan pa rin niya ang organizers.
TONI ADMITS SHE WAS LATE
Matapos mag-walk out, nagdesisyon ang grupo ni Toni na lumipat ng hotel dahil ayaw niyang makausap ang organizers.
Nagpadala raw ng mensahe ang organizers sa kanyang kasamahan para humingi ng paumanhin.
“Naano lang talaga ako, nadi-disappoint lang talaga ako na nasayang yung oras ko.
“Yung pagbiyahe ko, iniwan ko yung anak ko para bumiyahe ako dito," sabi ng vlogger.
Inamin naman ni Toni na late siyang dumating sa event at inasikaso rin daw siya pagdating sa venue.
Na-appreciate din daw ni Toni na pagdating niya ay sinimulan ang event.
Pero wala raw tao mula sa organizers ang lumapit sa kanya at at nagpaliwanag kung bakit hindi na siya naging judge.
MAN OF THE WORLD 2022 RESULTS
Ang itinanghal na winner ng Man of the World ngayong taon ay si Aditya Khurana ng India.
First runner-up naman si Vladimir Grand ng Ukraine at second runner up si Nadim Elzein ng Pilipinas.
Third runner-up si Tjardo Vollema ng Netherlands at fourth runner-up si Nguyen Huu Anh ng Vietnam.
Ang nagpasa ng korona kay India ay si Man of the World 2019 Jin Kyu Kim ng South Korea.
Bukas ang PEP.ph sa panig ng Man of the World organizers kaugnay ng isyu.

(L-R: 3rd runner-up Tjardo Vollema of Netherlands, 1st runner Vladimir Grand of Ukraine, Man of the World 2019 Jin Kyu Kim, Man of the World 2022 Aditya Khurana of India, Man of the World 2019 Cao Xuan Tai, 2nd runner-up Nadim Elzein of Philippines, and 4th runner-up Nguyen Huu Anh of Vietnam)
