Just show up.
Ito ang simpleng aksyon na nagbigay-daan para mabuo ang love story ng magkasintahang Donita Rose, 47, at Felson Palad, 37.
Si Donita ay kilalang actress-host na kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho bilang celebrity chef sa Los Angeles, California.
Si Felson ay dating biology professor, naging worship leader sa Israel, at ngayon ay isang professional singer sa retirement homes sa U.S.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Donita sa taped-as-live show na PEP Spotlight, na umere nitong May 17, 2022.
Sa gitna ng panayam ay sorpresang ipinakilala ni Donita si Felson sa PEP.ph, habang sila ay nasa isang restaurant na may view ng San Clemente beach. Memorable dating spot nila iyon.
Sa kanilang first interview as a couple, ibinahagi nina Donita at Felson kung paano nagkrus ang landas nila sa di inaasahang pagkakataon.
Bungad ni Felson: "January 2022, may tumawag sa akin na missionary and she said she needs help sa driving kasi wala siyang sasakyan, wala siyang driver.
"Sabi ko, tamang-tama naman. At that time, nag-close down kasi pandemic, another close down dito sa L.A., so wala akong trabaho.
"Because I want to bless the missionary, so I said, 'I'll volunteer. You don't have to pay me anything. I just want to bless you.'
"Di ko alam na siya pala yung kasama."
Laking-gulat ni Felson nang makita niyang wala raw kaarte-arte sa katawan si Donita sa kabila ng celebrity status nito.
Kuwento pa ni Felson, "Nasa Korean restaurant kami, si Donita, late. Siya yung nagbigay ng location, siya yung nawala.
"Tapos, dumating siya after 40 minutes ng call time. Tapos pagdating niya, wala siyang make-up, magulo yung buhok, naka uniform.
"Tapos katabi ko siya. Sabi niya, 'Gutom na gutom na ako.' E, ako yung, ano, nagsasandok. Sabi ko, 'O, sige, kain ka, kain ka.'
"Tapos sabi niya, 'Magpi-pigout ako.'"
Singit ni Donita, "Nakakahiya! Lumamon ako. Because nag-fasting ako buong araw.
"Nawala ako, nagpunta ako sa kabilang location, 40 minutes away, nanginginig na ako.
"Sabi ko, 'Wala nang order-order. Kakainin ko na lahat ng mga nandito!'"
Malay raw ba naman ni Donita na magiging boyfriend niya si Felson.
Sabi naman ni Felson, "Tuwang-tuwa ako. I thought, 'This girl is very cool.' Kahit artista siya, walang arte. Kung ano siya sa TV, iyon siya sa personal."
Ang hindi alam ni Donita, celebrity crush siya ni Felson noon pang high school ito.
"Tapos iniisip ko habang nagsasandok ako, 'Nung high school ako... I really look up to her.
"Umuuwi ako nang maaga from school. Kasama ko yung mga classmate ko nanonood kami ng MTV.
"Tapos wala kaming cable, so kailangan pipihitin yung antenna, di ba?"
ASKING FOR DONITA'S NUMBER
Hindi na raw pinalampas ni Felson ang pagkakataon, at kinuha ang number ni Donita noong gabing nagkakilala sila.
Pero nang kontakin na ni Felson si Donita, deadma raw ang actress-host.
"Alam mo, for three days, tine-text ko siya, tapos walang reply. Pero habang di siya nagre-reply, I was praying for her.
"Sabi ko sa missionary, 'Ipag-prayover niyo nga po ako, kasi I have this feeling na I need to pray for her.'
"For those three days na di siya nagre-reply, nagsusumbong ako kay Lord. Sabi ko kay Lord, 'Lord, I don't know, pero gusto ko itong taong ito. Pero hindi naman siya nagre-reply.'
"I was just pronouncing blessings to her life. 'I-bless mo siya kung anong ginagawa niya. Kung nagluluto siya, sana huwag siya mapaso, hindi siya mahiwa.'"
Nagbakasakali si Felson na tawagan si Donita nang hindi pa rin ito nagre-reply sa kanyang messages.
"I was praying for those three days, kaya lang after the third day, hindi na ako nakatiis. Tinawagan ko.
"Sabi ko sa kanya, 'Hi, Ms. Donita. Did you ever receive my messages?' Sabi niya, 'Oo, nagre-reply ako every time.'
"So, every time pala na nagte-text ako, nagre-reply din siya. Iyon pala, merong problema yung phone ko kaya hindi ako nakaka-receive ng text message."
Biro ni Donita, "Di ka pa nag-sorry sa akin."
Siyempre, humirit si Felson na makipag-"friendly date" kay Donita.
"Tapos, ang sabi ko sa kanya... Kasi nagrereklamo siya, 'Sobrang pagod ako...' Sabi ko, 'Sige, kung gusto mo, friendly ano lang, labas tayo para mawala lang yung stress mo.'
"Sabi niya, 'O, sige, basta open yung schedule ko.' Ayun."
Naalala naman ni Donita na nag-offer ng dasal si Felson sa kanilang first phone call na iyon.
"Sabi niya, 'You're very stressed out. Can I pray for you?' Na-touch naman ako. Ang ganda ng prayer niya sa akin. Naiyak ako. Hindi naman hagulgol, pero kasi pagod na rin ako. Tapos, 'Thank you for the prayer. Bye.'
"Pagbaba ng phone, naghilamos ako, nakita ko dumudugo yung mata ko. And then nagpunta ako ng ER. Sabi ko, 'Anong nangyayari sa akin? Mabubulag ba ako?'
"Biniro ko siya, sabi ko, 'Tingnan mo ginawa mo sa akin. Ang lakas ng prayers mo, dumugo pa mata ko.'
"Parang naging friends kami."
READ: Andrea Brillantes's management quashes fake tweets being linked to Kapamilya actress
HOW FELSON MADE A GOOD IMPRESSION ON DONITA
Nang kinikilala pa nila ang isa't isa, isa sa mga di malilimutang karanasan nina Donita at Felson ay nang mapagkasunduan nilang dumalo sa concert ni Rufa Mae Quinto sa U.S.
Si Rufa Mae ay malapit na kaibigan ni Donita.
Para kay Donita, wala pa siyang malisya noon kay Felson.
Sinundo raw ni Felson si Donita sa bahay ng aktres kahit two-hour drive ang layo ng biyahe sa one-way trip pa lang.
Pagdating sa bahay ni Donita, nagparamdam si Felson na may gusto siya rito.
Sabi ni Felson sa PEP Spotlight, "Ninenerbiyos ako. Tapos hindi ko napigilan. Sabi ko sa kanya, 'Kinikilig ako.'"
Natatawang komento ni Donita, "Naweirduhan ako sa kanya. Sabi ko, 'Kinikilig? Bakit?' Sabi niya, 'Wala, kasi nung high school pinapanood kita, every friday, 4 p.m.'
"Sanay naman ako sa mga ganyang comment, e... Pero talagang parang may gusto sa akin itong tao na ito."
Pagdating sa concert ni Rufa Mae, halfway through the program, biglaang pinapunta raw si Donita sa stage.
Ang nagpe-perform sa stage noon ay si Rufa Mae kasama ng comedians na sina Wacky Kiray at Negi.
"She was called on the stage. Nasa backstage kami. Malaki kasi yung venue, mga 500 or 600 people yung nandun.
"Sa backstage, may dalawang babae, tapos siya, tapos ako. We were there. P-chi [palayaw ni Rufa Mae] was performing.
"Biglang may nag-tumbling na young adult. I think he was doped," saad ni Felson.
Dagdag ni Donita, "Sabog siya. So nag-tumbling siya, tapos may hawak siyang bote ng tubig, hinampas niya sa floor."
Patuloy ni Felson, "Akala ng mga tao, it was scripted. Pero kinakahaban si P-chi, ta's ako lang nandun na lalaki, ta's naka-leather jacket."
Hindi raw nila akalain na magkakaroon ng pang-action star moment na mala-"FPJ" si Felson.
Nakangiting sambit ni Donita, "Hindi Fernando Poe Jr.; Felson Palad Jr."
Kuwento pa ni Felson, "Nung dumaan siya [unknown guy], 'Kunin niyo! Kunin niyo!' E, walang security. I grappled with the guy. Nagsisigawan na mga tao."
Sobrang kinabahan daw si Donita at todo-dasal ng mga sandaling iyon.
Sabi naman ni Felson, "Nung tapos na yung grappling namin [nung unknown guy], hinug niya [Donita] ako nang matagal."
Nagka-kilig moment pala sina Donita at Felson?
"Walang malisya iyan," paglilinaw ni Donita.
Nangingiting hirit ni Felson sa nobya, "Meron, kunwari ka pa, e!"
Sabay sabi ni Felson sa hosts ng PEP Spotlight, "Alam mo kung bakit alam ko iyon? Sabi niya sa akin, 'Pinakinggan ko yung puso mo, kinakabahan ka talaga.'"
Depensa ni Donita, "No! I really felt na grabe yung heartbeat niya. Ako din kinakabahan ako.
"In fairness, nagpa-pogi points siya sa akin. E, kasi puwede rin may kutsilyo yung guy. We really thought he's gonna attack her [Rufa Mae].
"Tapos gusto mo sabihin, 'Huy, do something kasi baka may mangyari kay P-chi.' Pero siya yung nagkusa."
Watch the full interview of Donita Rose and Felson Palad on PEP Spotlight.
