Hindi raw mami-miss ni Bruce Roeland ang kapareha niya sa Book 2 ng Prima Donnas na si Althea Ablan.
Kahit kasi finale episode na ngayong Sabado, April 30, 2022, at kahit tapos na ang lock-in taping nila ng nabanggit na GMA-7 drama series, hindi pa rin maghihiwalay ang landas nina Bruce at Althea dahil may project na silang dalawa pa rin ang magkasama.
Pero hindi pa raw puwedeng i-reveal ni Bruce kung ano iyon.
"Makakasama ko rin siya in the future, so hindi ko puwedeng sabihing si Althea.
"So ang mami-miss ko sa buong PD [Prima Donnas] production… you know it’s not possible kasi to pick just one person kasi everyone meant a lot to me, so the whole cast.
"Ayun nga, si Direk Gina, Sir Erwin, Ms. Redg."
Ang beteranang actress-director na si Gina Alajar ang direktor ng Prima Donnas, si Erwin Hilado ang executive producer nito, at si Redgynn Alba naman ang production manager (PM).
"Everyone! Everyone in the cast. Kung puwede lang sabihin lahat. Lahat, lahat na lang po," dagdag ni Bruce.
May balitang may naging crush si Bruce habang nasa taping sila ng Prima Donnas. Sino ito?
"Ay, hindi na po kailangang tanungin iyan, siyempre! Alam na natin ang sagot diyan.
"Tumatawa siya diyan, o, nakatakip yung bibig niya," pagtukoy naman ni Bruce kay Althea.
Hindi nangimi si Bruce na aminin iyon kahit kasama sa virtual mediacon ang buong cast ng Prima Donnas nitong Martes, April 26, 2022.
So si Althea ang naging crush niya?
"Of course, of course," ang mabilis na reaksyon ni Bruce.
Si Althea lamang ba, wala nang iba?
"Siya lang, siyempre. Bakit naman dalawa? Isa lang crush ko, siyempre."
Hindi na nakapigil ang PM ng show na si Redgynn, at pinilit nitong umamin si Bruce kung sino pa ang isa nitong crush sa Prima Donnas.
"Yung totoo Bruce, yung totoo! Laglagan na ‘to," ang tumatawang pambubuking ni Redgynn.
"Tell-all ito, tell-all, kung hindi, ako ang magsasabi, magsalita ka. Umamin ka na."
"Hindi ko rin alam, e. Sino ba, Ms. Redg?" ang tumatawang balik-tanong ni Bruce sa kanilang PM.
Sagot ni Redgynn, "Nakasama mo sa MPK, di ba, sabi mo?"
Tila naman biglang naaala ni Bruce kung sino nga.
"Ay! Ay, naku po! Siyempre mami-miss ko siyempre, ang nanay ko dati sa MPK, ang napaka… grabe yung kuwento.
"Siyempre, si Katrina Halili mami-miss ko siyempre," pag-amin ng binata.
"Pero of course, ang number one pa rin, si Althea."
Nagkasama sa Magpakailanman (MPK) sina Bruce at Katrina noong January 2021. Sa episode na "Mahal Ko Ang Asawa Ng Ama Ko," gumanap si Katrina na stepmother ni Bruce.
WILL ASHLEY AND JILLIAN WARD
Tinanong din namin si Will Ashley kung sino ang mami-miss niya sa pagwawakas sa ere ng Book 2 ng Prima Donnas.
Si Direk Gina ang sinagot ni Will.
"Huwag niyo akong gawing safe answer," tumatawang pakli ni Direk Gina nang mapansing siya ang laging binabanggit ng cast.
Kaya diretsong tinanong na namin si Will kung ano ang pinakamami-miss niya kay Jillian Ward na kapareha niya sa Prima Donnas Book 1 and 2.
"Wow! Diretso po talaga," at natawa ang guwapong Sparkle male artist.
"Umayos ka," birong warning ni Jillian kay Will.
"Andami ho, e. Siguro yung ano na lang, yung pagiging masungit niya! Bigla, in real life."
"Ha? Gawa-gawa ka na naman," reaksyon ni Jillian sa sagot ni Will.
So gusto ni Will kapag sinusungitan siya ni Jillian?
"Hindi, ang cute lang po kasi. Yung from happy to biglang sungit," natawang saad ni Will.
"Naninira ‘to, naninira," muling reaksyon ni Jillian. Tanggi ni Will, "Hindi, ah!"
Panggagatong ng co-star nilang si Elijah Alejo, "Jill, kung ako sa ‘yo, gagantihan ko iyan, gagantihan ko iyan, Jill."
"Gagantihan ko nga, e," sang-ayon ni Jillian kay Elijah.
Ayon nga kay Will, cute naman ang pagsusungit ni Jillian.
"E, siya lang naman po sinusungitan ko, siya lang po yung deserving na sungitan," saad ni Jillian.
Ano ang masasabi ni Will sa sinabi ni Jillian? "Thank you," simpeng pakli ng binata.
Panigurado naman na magkikita pa rin sina Will at Jillian kahit tapos na ang Prima Donnas.
"Ewan ko po kay Jill," safe na sagot ni Will.
Sinabi namin kay Will na siya ang lalaki kaya siya ang dadalaw sa dalaga.
"Siyempre po," bawi naman ni Will bilang paninigurado na regular pa rin silang magkikita ni Jillian.
ALLEN ANSAY AND SOFIA PABLO
Si Allen Ansay naman, hindi niya mami-miss si Sofia Pablo dahil magkapareha sila sa Raya Sirena.
Kaya bukod sa mga kasamahan niyang artista at sa direktor nilang si Gina, may mami-miss pa si Allen sa pagtatapos ng Prima Donnas.
"Si Kuya Gerald siguro po, yung stuntman po namin. Kasi pag halimbawang hindi pa po kami nagte-take, siya po yung lagi kong nakakasama. 'Tapos lagi kaming nagkukuwentuhan ni Kuya Gerald."
JILLIAN WARD
Nang tanungin ang teen female stars, karamihan sa kanila ay sinagot na si Gina Alajar ang mami-miss dahil parang nanay na raw nila ang direktor.
Sabi ni Jillian: "Kapag may hindi po maganda sa performance ko talagang parang mother and daughter po yung relationship namin, na pagsasabihan niya po ako, tuturuan niya ako.
"And siyempre po lahat din ng veteran actors po namin mami-miss ko po dahil sobrang helpful sa akin bilang individual, sa career ko po, and sa personal life ko."
Ang mga mas nakakatanda sa kanyang artistang nakasama ni Jillian sa Prima Donnas ay sina Aiko Melendez, Sheryl Cruz, Wendell Ramos, Chanda Romero, James Blanco, Benjie Paras, at Katrina Halili.
"And sa mga teens naman po hindi ko po talaga sila makakalimutan dahil tumanda na po kami nang sabay-sabay,” pagpapatuloy pa ni Jillian.
"And lahat po ng staff, lahat po ng production [team] talagang tumanda na po ako sa Prima Donnas," ang natatawang sabi pa ni Jillian.
ELIJAH ALEJO
Ayon naman kay Elijah Alejo, mami-miss niya lahat ng tao na involved sa Book 2 ng Prima Donnas.
"Mula po sa mga artista hanggang sa mga staff, kasi po siyempre po simula season 1 ng Prima Donnas talagang kami na po yung magkakasama, e.
"So parang, every pagod, every achievement po ng show e sabay-sabay din po namin sine-celebrate, so ganun.
"Mami-miss ko din po siyempre yung mga kuwentuhan po, with the teens, with Nanay Gina, with [the] prod [team], yung mga kulitan po, yung mga asaran, so ayun po.
"Talaga pong ang dami pong memories with all of them po.”
ALTHEA ABLAN
Sumasang-ayon naman daw si Althea Ablan sa mga sinabi ni Elijah.
"Kasi it’s a long journey na magkakasama kami since Book 1 to Book 2—from the drivers to the utility to mga wardrobe, stylists, make-up artists kasi lahat sila naging close ko.
"Especially nung nag-three months lock-in taping kami, parang mas doon ko sila nakilala,” pagbabalik-tanaw ni Elijah sa kanyang Prima Donnas journey.
Nagbigay-pugay rin si Althea sa direktor na si Gina.
"Nag-share na ako yung story ko nung Book 1 na sobrang nahirapan ako sa character ko na pagiging boyish, yung palaban and malalim na boses, and everything.
"And madaming naituro sa akin si Direk Gina.
"Mamimi-miss ko si Direk Gina, yung kaka-remind niya sa akin na kailangan. Tama yung sinabi niya, 'Don’t stop learning.'
"Kasi ako talaga gusto ko na puro lang ako absorb-absorb ng mga acting skills and everything.
"Hindi lang naman pagdating sa acting, e. Pati yung communication mo sa mga co-actors, sa lahat, kailangan talaga pantay-pantay ang pagtingin mo sa kanila.
"And siyempre my co-actors and PD teens, mami-miss ko silang lahat.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang female teen cast members ng Book 2 ng Prima Donnas sa parehong mediacon ng show nila noong Martes, April 26.
Hindi nakasama sa Zoom mediacon si Sofia Pablo dahil nagte-taping ito para sa Raya Sirena.
