Nabasag ang plano ni Ai-Ai delas Alas na mamuhay muna sana nang matagal sa Amerika kasama ang mister na si Gerald Sibayan nang alukin siya para magbida sa Kapuso drama series na Raising Mamay.
Plano rin sana ng Comedy Queen na ayusin ang kanyang green card.
Read: Ai-Ai delas Alas, husband Gerald Sibayan "begin a new journey" in Virginia, USA
Pero nang dumating ang offer na gampanan ang karakter ni Mamay Letty, na dahil sa isang aksidente ay nag-isip at kilos pitong taon gulang, hindi siya nakatanggi at muling bumalik sa Pilipinas.
Saad ni Ai-Ai, “Kasi, bukod dun sa napakaganda ng istorya, first time kong magiging bata sa isang teleserye.
"Siyempre, thankful ako kasi blessing ito. Di ba, dapat hindi tayo tumatanggi sa blessing?
"Maraming walang trabaho. Maraming artista or ordinaryong mamamayan na walang trabaho, ‘eto ang trabaho, bakit ko naman tatanggihan?
“So, very thankful ako and blessed na binigyan ako ng opportunity ng GMA na magkaroon ng trabaho at magawa ‘tong Raising Mamay.”
Ayon kay Ai-Ai, sa dinami-dami ng karakter na nagampanan niya, pinakamahirap sa lahat ang role niya sa Raising Mamay, na magsisimula sa GMA Afternoon Prime sa Lunes, April 25, 2022.
“Mahirap,” sambit niya.
“Mahirap, gaya nga rin ng sinabi ni Direk Don [Michael Perez], ngayong panahon na ito, marami tayong social media, may mga bashers, so dapat precise yung mga ginagawa mo. Dapat totoo, dapat ni-research.
“Kaya kami, bukod sa magagaling ang mga writers namin, I think nag-research sila ng mga bagay-bagay tungkol diyan.
“May immersion kami tungkol sa mga bata. Nakausap ko sila. Aaralin mo kung paano sila kumilos. Meron kaming psychiatrist, meron kaming neurologist... kumpleto.”
Marami nang nagawa si Ai-Ai na mga seryosong drama, sa pelikula man o telebisyon, pero hindi maitatangging mas kilala siya sa pagpapatawa—Comedy Queen nga ang hawak niyang titulo hanggang ngayon.
Bilang bata siya, pitong taon ang kilos at pananalita niya sa Raising Mamay, nandoon ang challenge para hindi matawa sa kanya ang manonood.
Sabi ni Ai-Ai, “Nakakaiyak siya, at the same time, matatawa ka rin because of the honesty nung bata.
“Yung inosente ba na mga pinagsasabi niya, dun papasok ang nakakatawa. But, oo, heartwarming talaga siya and drama talaga siya. Pero may mga nakakatawa rin na mga instances.”
AI-AI AS A MOTHER IN REAL LIFE
In full circle, nagawa na yata ni Ai-Ai ang “mother role” mula pa sa Tanging Ina movie series niya noon.
Natatawang pagsang-ayon ni Ai-Ai, “Oo, lahat na yata ng klaseng nanay nagawa ko na. Naging masamang nanay na rin ako sa movie namin, although, hindi naman ako ang biological mother, tagapag-alaga lang ako.
“Siguro yun naman ang susunod, isa akong masamang nanay para maiba.”
Sa lahat ng roles niya sa totoong buhay, masasabi ba niyang ang pagiging isang ina ang hindi puwedeng kuwestyunin sa kanya?
Sagot ni Ai-Ai, “Sa totoong buhay, isa yun sa dream ko, ang maging mabuting ina. Kasi, di ba, adopted ako?
“So, hindi ako lumaki sa biological kong nanay. Then, yung auntie ko na nagpalaki sa akin, busy rin siya at medyo mahigpit siya.
“Yung hindi ko naramdaman bilang bata, yun ang ipinaparamdam ko sa mga anak ko.
"At ibinabahagi ko sa buong mundo kung ano ba ang gusto kong maging klaseng ina para sa mga anak ko."
