Pasok bilang official candidate ng Miss World Philippines 2022 pageant si Ashley Subijano, 22, anak ng dating model-host na si Hans Montenegro.
Inanunsiyo ng Miss World Philippines Organization ang Top 35 candidates sa Okada Manila nitong Huwebes, April 21, 2022.
Si Ashley ay anak ni Hans sa dating beauty queen na si Caroline “Cara” Subijano.
Si Cara ay kinoronahang Bb. Pilipinas-World noong 1994 at nakapasok sa Top 10 ng Miss World 1994 pageant na ginanap sa South Africa.
Malinaw na sumusunod si Ashley sa yapak ng kanyang ina.

(Left photo) Ashley Subijano in a swimwear photoshoot. (Right photo) Ashley's mom Cara Subijano during the swimsuit competition at the Miss World 1994 pageant.
Binanggit ni Ashley sa Instagram na dalawang taon na siyang nagsasanay sa kilalang pageant camp sa bansa.
Sabi niya, “I’ve been training with Aces [& Queens] since January of 2020, & I am still learning new things from them every day.”
Pagdating sa pageant experience, si Ashley ay kinoronahang Miss Charm Philippines 2019.
Magiging kinatawan dapat siya sa kauna-unahang Miss Charm International 2019, pero hindi ito natuloy dahil tumama ang pandemya.
HANS OPENS UP ABOUT RELATIONSHIP WITH HIS DAUGHTER
Samantala, sa isang interview noong 2021, nagkuwento si Hans sa relasyon niya sa anak na si Ashley.
Si Hans ay ikinasal kay Cara sa Amerika, at si Ashley ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan. Pero nauwi sa divorce ang pagsasama nila.
Sa kabila nito, lumaki si Ashley na naroon ang kanyang ama.
“Lumaki siya na andun ako. Hindi naman yung huling kita sa akin one year old lang siya, ‘tapos susunod niyang kita sa akin 13 anyos.
“Nakita ko siya all throughout her childhood," sabi ni Hans sa Just In, ang GMA-7 digital talk show, noong April 7, 2021.
Nang magtapos ng elementary at high school si Ashley, ay lumipad papuntang U.S. si Hans para sa graduation ng anak.
Nag-asawa muli si Hans at ikinasal kay Marilen Faustino noong 2008. Mayroon silang dalawang anak.
Nang ikasal si Hans ay lumipad papuntang Pilipinas si Ashley.
Sabi pa ni Hans, “Never akong nagkaproblema sa ex ko para makita ang anak ko.”
Samantala, si Cara ay ikinasal din sa Amerika, pero hindi na siya nagkaanak.
Paliwanag pa ni Hans, hindi na siya nagulat nang magdesisyon si Ashley na pasukin ang pageant industry at sundan ang yapak ng kanyang ina.
Saad niya, “Nakasulat na sa bituin. Tadhana na iyan, e.
“Nung sinabi niya na gusto niyang mag-college sa Pilipinas at gustong i-pursue ang pagmo-modelling at posibleng pumasok din sa Binibining Pilipinas."


Ashley with mom Cara in an Instagram video.
Kuwento ni Hans tungkol sa anak, “She was living with me dito mula 2018. Pero nung nagka-COVID, nagpaalam, bumalik sa California to be with her mom.”
Hindi rin daw pipigilan ni Hans si Ashley kung sakaling balang araw ay magdesisyon itong pasukin ang showbiz.
Ani Hans, “Oo naman. Kasi ganyan ako dati, e. Gusto kong subukan.
"So, never naman sinabi ng magulang ko na huwag mung papasukin, balewala iyan. Hindi naman. Go!”
Sa kasalukuyan ay nagtatrabaho si Hans bilang I.T. manager ng isang kilalang insurance policy company sa bansa.
Samantala, ang Miss World Philippines 2022 grand coronation ay nakatakdang ganapin sa May 29, 2022.
