Nagbabala ang Sparkle GMA Artist Center na gagawa sila ng legal na hakbang laban sa sinumang nagpapakalat ng fake nude photo ng talent nilang si Alden Richards.
Kumakalat kasi ngayon sa social media ang hubad na larawan ng Kapuso aktor na "digitally altered," ayon sa official statement ng Kapuso talent management arm.
Ipinost ang official statement sa social media accounts ng Sparkle nitong Lunes, April 4, 2022.
Ang edited photo ni Alden ay kinuha mula sa kanyang Instagram post noong January 3, 2022.
Ipinost ni Alden ang kanyang topless photo na kanyang kinunan sa loob ng bathroom.
Pero naka-shorts si Alden sa orihinal na larawan.
Ito ang kinuhang larawan at in-edit ng mga salarin para magmukhang hubad ang aktor.
Umabot na ito sa Sparkle kaya’t naglabas sila ng official statement para bigyang-linaw ang pamemeke.
"We wish to inform the public that the said photo is fake and digitally altered using a picture that Mr. Richards posted on his social media account moths ago," bahagi ng pahayag.
Mariin daw nilang kinokondena ang "perpetrators of malicious activities to our artists, including the spreading of groundless information and defamation."
Babala pa nila, "GMA strongly denounces criminal use of social media.
"We will be seeking legal course against those involved in the posting and sharing of this fake photo as well as those posing libelous comments on said photo."
Pahabol nilang paalala, "We all need to guard against fake news, so we urge the public to think before they click."
