Maliban sa ex-fiancé niyang si Herbert Bautista, nagpasaring din si Kris Aquino sa mayor ng Tarlac City na si Cristy Angeles sa ginanap na grand rally ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo sa Tarlac City, Tarlac, kagabi, March 23, 2022.
Nagpasaring si Kris sa harap ng libu-libong mga taong dumalo sa campaign rally tungkol sa isang taong tinawag niyang “walang utang na loob.”
Bahagi ng talumpati ni Kris, kahit may sakit siya ay sinuway niya ang kanyang mga doktor para makapunta sa rally: “Para sa akin, ang umapak dito sa Tarlac is worth all the risk dahil kailangan ko pong magpasalamat.
“Hindi niyo kami iniwan. Hindi niyo kami pinabayaan. Well, at least kayo, except for your… you know who. Pasensiya na, ha."
Nang hindi magbigay ng pangalan si Kris kung sino ang tinutukoy niya, may mga sumigaw mula sa crowd ng "Wala si Cristy!"
Malinaw na ang tinutukoy ng mga tao ay ang mayor ng Tarlac City, na nauna nang nagpahayag ng suporta sa mahigpit na katunggali ni Robredo sa pagkapangulo na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Patuloy ni Kris: “Sorry, sinabihan akong huwag makipag-away, pero nabubuwisit po talaga ako.
“I’m sorry na hindi ako yung mabait na Aquino. Ako lang po ang ganito sa pamilya na sasabihin ang totoo.
"Dahil nakakabuwisit talaga yung walang utang na loob."
"I CANNOT LET YOUR LIES AND INTRIGUES MALIGN MY MOM"
Sa pamamagitan ng Facebook at Instagram, sinagot ng anak ni Mayor Cristy na si Anvi Angeles ang patutsada ni Kris tungkol sa kanyang ina makalipas lamang ang ilang oras.
Kalakip nito ang video clip ng pahayag ni Kris sa rally.
Tanong ni Anvi: “Ms. @krisaquino, we would like to know kung ano po ang “utang na loob” ng family namin na binabanggit niyo?”
Kasunod nito ay idinetalye ni Anvi ang tulong daw ng kanyang pamilya sa kandidatura ng namayapang kapatid ni Kris na si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon sa anak ni Mayor Angeles, si dating Presidente Cory Aquino, ina nina Noynoy at Kris, ang personal na lumapit sa kanilang pamilya lalo na nung nag-uumpisa pa lamang ang political career ni Noynoy sa Tarlac.
“Since the beginning, we had high respects for your family. Sa amin pong pagkaka-alam, never did we ask for any help or favor from your family.
“Ilang beses po humingi ng tulong si Ma’am Cory sa family namin since PNoy ran for Congress and Senate.
“And when he ran for president, my mom was tasked to be the provincial convenor under the People Power Volunteers for Reform here in the province of Tarlac.
“Wala po kaming hiningi ng kahit anong tulong o pabor (pinansyal man o trabaho) na kapalit sa pamilya ninyo.
“Ito po ay sa kadahilanang mataas ang aming respeto sa inyong ina."
Dagdag pa ni Anvi, “I was a silent witness to the sacrifices, kapaguran at malasakit ng parents po namin sa family niyo po.”
Hindi raw papayagan ni Anvi na, sa pamamagitan ng kasinungalingan at paninira, ay sisirain ni Kris ang reputasyon ng kanyang ina para lamang sa kandidatura ni Robredo.
Saad niya, “But for you to maliciously accuse my mom in public of 'walang utang na loob', I cannot let your lies & intrigues malign my mom just for the political mileage of your candidate.
“We owe it to Boss Danding and Cong. Henry Cojuangco when they encouraged my mom to run for Board Member and then city mayor under the NPC.
“Apparently, hindi po niyo alam ang nangyayare dito sa Tarlac City."
Sabi pa ni Anvi: “For me, this is not the style of a Grand Rally Campaign for a presidential candidate that a national figure like you to be personally attacking a small city mayor like my mom.
“Kahit ganito Lang po kami kaliit na tao, marami pa rin naman po ang naniniwala, nagtitiwala, at rumerespeto sa aking ina lalo na po sakanyang karakter at kakayahan.
“Siguro po naturuan din kayo ng tamang pag-uugali ng magulang po ninyo.
“We hope and pray that whatever hatred, anger, and jealousy inside your heart and mind will be replaced with kindness, love, and patience. Praying for God’s enlightenment.”
Wala pang pahayag si Kris ukol dito.
Mananatiling bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ng lahat ng nabanggit sa artikulong ito.
